Dumagundong sa kahabaan ng Recto ang bawat litanya ni Luke Espiritu habang pirming nakahawak sa mikropono at nagtatalumpati noong Araw ng Paggawa. Tulad ng karaniwang imahe niya tuwing nagsasalita, gigil niyang isinatinig ang karaingan ng mga manggagawa, di alintana ang paglitaw ng mga ugat sa kanyang leeg.
Bumubugso ito kasabay ng alingawngaw ng libo-libong nagtangka na magmartsa patungong Mendiola bago salubungin ng mga pulis na may dalang dos-por-dos. Katabi lang ng trak na sinasampahan ni Luke ang mga awtoridad at barikadang pinuluputan ng barbed wire, ngunit hindi nito napigilan ang mga mariin niyang paninindigan para sa karapatan at katarungan.
Hindi alintana ni Luke ang nakahanay na lansak ng mga armadong pulis sa kahabaan ng Recto kahit ilang pulgada lang ang layo nito sa kinatatayuan niya. (Lorence Lozano/Philippine Collegian)
Sa kanyang tanang buhay, pamilyar na tagpo na ang pakikiisa sa pakikibaka ng mga manggagawa at iba pang sektor. Ipinamamandila ni Luke ang matalas na pangangahas na ito sa mga simulain niya bilang abogado at lider-manggagawa na hinulma ng mahabang karanasan sa larangan ng pakikibaka.
Simula ng Sigasig
Hinubog ng kinagisnang buhay ni Luke ang kanyang mga motibasyon at prinsipyong makamasa.
Labindalawang taong gulang siya nang mapatalsik si Ferdinand Marcos Sr. Ngunit sa loob ng mga taong umiiral ang Batas Militar, namulat siya sa inhustisya sa Pilipinas. Sa pamamalagi niya sa Bacolod, Negros Occidental, lumantad sa kanya ang malubhang kalagayan ng mga sakada. Hayagan niyang nasaksihan ang pagkalugmok ng mga magsasaka sa matinding kagutuman at mga batang sinasaid ng malnutrisyon.
Pumalag ang mga maralita sa tulong ng simbahan, partikular ng mga rebolusyunaryong pari. Sila ang nag-impluwensya kay Luke na hubugin ang makamasang pananaw, relihiyosong pagpapahalaga, at pangarap na maging pari. Ngunit ang higit na naging modelo ni Luke ay ang abogado niyang ama na bahagi ng Partido Demokratiko Pilipino–Lakas ng Bayan, na noon aniya'y respetadong oposisyon na lumalaban sa diktadura.
Matinding ehemplo sa kabataan ni Luke ang kanyang ama at mga paring nakasalamuha niya, na nagpatalas ng kanyang mga prinsipyo at paninindigan. (Lorence Lozano/Philippine Collegian)
Tangan ang pananampalataya at diwa ng palaban, pagtuntong ng sekondarya sa Ateneo de Manila High School, naging pangulo siya ng Ateneo Catechetical Instruction League at kasapi ng ministro ng mga nagtuturo ng paniniwalang Kristiyano sa isang lokal na parokya sa Mandaluyong.
Lumagos ito hangggang kolehiyo noong 1992 sa Ateneo de Manila University. Bukod sa pagiging communication major, naging katekista rin si Luke at nangaral sa mga pampublikong institusyon at komunidad ng mga aba.
"Ang aking mundo ay hindi mundo ng mga pa-sosyal, ng mga mahilig sa materyal na bagay, or mga nagpa-party. I was quite a serious young man," aniya.
Tumutulis na Tinik
Kalaunan, hindi na lamang pagpapari ang pagpipilian ni Luke. Naging interesado rin siya sa abogasya at nagpasyang sundan ang yapak ng kanyang ama.
Habang nag-aaral ng abogasya, nakilala ni Luke ang una niyang karelasyon na nayumao rin pagkatapos nila magkaroon ng dalawang anak. Muling umibig si Luke nang magkrus ang landas nila ng asawa niya ngayong si Aimee, na una niyang nakatagpo noong nagtuturo siya ng katekismo. Nagbunga rin ang pagmamahalan nila ng dalawang supling, at pinalaki ni Luke ang apat niyang babaeng anak bilang mga palaban.
Naging tulay ang pagkahumaling ni Luke sa kanyang propesyon at paglilingkod upang matutuhan din niyang umibig. (Lorence Lozano/Philippine Collegian)
Nang makatapos noong 2002, sinimulan ni Luke ang kanyang karera bilang litigation lawyer sa isang law firm. Desidido niyang pinalawig ang kanyang kasanayan mula sa pagiging abogado hanggang lider-manggagawa nang magkaroon siya ng mga kliyente sa sektor ng paggawa at maralita, na lalong nagpalalim ng ugnayan ni Luke sa mga uring api.
Kaya mula 2008 hanggang 2013, naging national executive council member siya ng Partido Lakas ng Masa, kung saan siya nagsagawa ng mga talakayang pampulitika at mga usapin sa mga karapatan ng mga manggagawa. Nang maging pangulo ng Solidarity of Unions in the Philippines for Empowerment and Reforms, nag-organisa si Luke ng mga unyon, nakisangkot sa mga negosasyon tungkol sa collective bargaining agreement ng mga manggagawa, at nagbigay ng legal na representasyon.
Patuloy na kinukumbinsi ni Luke ang mga manggagawang Pilipino na kumilos ayon sa panawagan at kapakanan ng sektor. (Lorence Lozano/Philippine Collegian)
Noong 2018 hanggang 2019 bilang bise presidente ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP), lumahok siya sa mga protesta sa iba-ibang paraan: mula sa pagbabantay ng piket hanggang sa direktang pakikibaka nila. Bumulwak aniya ang mga welga bunsod ng mga pangakong napako ni Duterte hinggil sa pagwawakas ng kontraktwalisasyon. Ngayong pangulo na siya ng BMP, patuloy na pinapataas ni Luke ang kumpiyansa ng mga manggagawa.
Dahil sa dedikasyong ito, makailang-beses nang nakasaksi ng tagumpay ang mga welgang kanyang pinangunahan. Kabilang dito ang mga niregularisang empleyado sa Herco Trading Corporation sa Valenzuela at ang mga manggagawa sa Fishta sa Bacolod noong 2019. Makasaysayan din para sa kanya ang naging hunger strike sa Pacific Plaza Towers sa Taguig ng mga empleyado nitong ininda ang pananamantala ng pamunuang pinagkaitan sila ng seguridad sa trabaho.
Pagpanday ng Pakikiisa
Bagaman hindi planado, napalawig ni Luke ang pakikihamok para sa sektor ng mga manggagawa nang una siyang tumakbo sa Senado noong 2022 sa ilalim ng BMP.
Wala aniyang nangyari sa unang yugto ng kanyang pangangampanya hanggang higit siyang nakilala matapos ang ginanap na debate sa SMNI kung saan siya naglahad ng matapang na patutsada sa rehimeng Marcos-Duterte at pagkamuhi sa mga dinastiya. Natalo man, nakalikom si Luke ng mahigit tatlong milyong botante. Kaya sa halip na magkawatak-watak, kaagapay ang kanyang campaign team, nagpatuloy si Luke sa paglulunsad ng kanyang kampanya para sa darating na halalan.
Inspirasyon para sa deputy campaign manager ni Luke na si Raphael Abacan ang determinasyon niyang iangat ang estado ng uring api at antas ng pulitika sa bansa. (Lorence Lozano/Philippine Collegian)
"Kapag sinabing organisahin ang manggagawa bilang uri, pupuntahan niya talaga sa kanilang komunidad, sasama sa pagta-tacticize ng kanilang laban, matutulog sa picketline, handang literal na makipagbakbakan," ani Merck Maguddayao, campaign manager ni Luke.
Kinakitaan ni Luke ng potensyal ang kabataan bilang aniya "pinakamalakas na sektor ngayon sa lipunan" na naghahangad ng bagong anyo ng pulitika. Nagdaos si Luke ng kabi-kabilang diskusyon sa mga paaralan tulad ng UP, Ateneo, La Salle, at iba pa, kung saan kabilang siya sa mga nangunguna sa sarbey. Dumadayo rin siya sa mga probinsya gaya ng Iloilo at Laguna.
Tinik pa rin mang ituring ni Luke ang patuloy na dominasyon ng mga dinastiya, mahigpit niyang tinatanganan ngayong halalan ang tinatawag niyang "guerrilla campaign."
"We harness the little resources that we have for maximum effect. We are for impact rather than quantity. We win in the qualitative measures. We harness that and create support against the dynasties," ani Luke.
Pader man ang babanggain at halos pumutok man ang mga ugat sa leeg kakasigaw, buong tikas na ipamamayagpag ni Luke ang bukal na adbokasiya niyang mapababa ang presyo ng mga bilihin, mapataas ang sweldo ng mga manggagawa, magkaroon ng abot-kayang serbisyong pampubliko, at magtaguyod ng makataong trabaho para sa lahat. ●
Unang nailathala sa isyu ng Kulê noong ika-7 ng Mayo 2025.