Ngayong malapit na ang halalan, minumulto muli ako ng mga gunita mula sa nakaraang eleksyon.
Kabilang ako sa mga tumindig para kay Leni Robredo noong 2022. Naging bahagi ako ng kampanya niya habang pangunahin akong kumilos sa mga pambansa-demokratikong party-list. At kahit batid ko ang hangganan ng liberal na pulitika, naniniwala akong may saysay ang naging suporta namin sa kanya gayong tugma ang marami sa aming mga paninindigan.
Doon ko rin nakilala ang mga kakampink na tunay na may paninindigan at lakas ng loob na tumindig sa kabila ng lakas at makinarya ng kalaban. Kaya noong gabing pumanhik ang mga boto para kay Ferdinand Marcos Jr. sa 31 milyon, lubos ang pagkabigo ko at ng mga kasama. Ngunit sa pagkatalo, nagliwanag ang panaginip ng posibilidad: na magpapatuloy kami, kasama si Robredo, na lumaban nang walang humpay.
Subalit gaya ng lahat ng panaginip, dumadating ang oras ng paggising.
Nabalot ako ng pagkadismaya nang makita kong inendorso ni Robredo sa Senado si Benhur Abalos sa kabila ng mga kontrobersyal nitong paninindigan, tulad ng pagbibida sa giyera kontra-droga ni Marcos na nagdulot din ng daan-daang kamatayan.
Higit itong kagulat-gulat sa akin gayong kilala ko si Robredo bilang lider na hayagang tumindig laban sa madugong drug war ni Duterte. Kaya’t hindi ko lubos na mawari kung bakit tila bukas-palad siyang magbigay ng plataporma sa taong may direktang papel sa pagbuhay ng parehong kampanyang dati na niyang kinondena.
Maaaring ginawa ni Robredo ito para makabuo ng isang taktikal na alyansa at makibahagi sa karaniwang laro ng pulitika. Ngunit sa katunayan, maaaring makapaminsala rin ito sa mismong kampanya ng kanyang malalapit na alyado sa oposisyon na sina Bam Aquino at Kiko Pangilinan, kapwa nagtutunggali kay Abalos sa mga huling puwesto sa Senado batay sa mga sarbey.
Kaya naman kailangang nating magpatuloy sa pagiging kritikal, lalo sa mga lider na tinuturing nating kakampi. Higit na kahingian ngayon ang pagsisinsin ng ating hanay at pagpapabuti ng ating mga desisyon lalo’t matindi ang nakataya sa muling pagtaas ng suporta sa mga Duterte.
Tunay na ang namulat ay hindi na muling pumikit. At ang paggising na ito ay paalala na dapat patuloy tayong manindigan sa tama, kahit pa nangangahulugan ito ng pagsalungat sa ilang desisyon ng taong minsan nating sinundan.
Kaya kung radikal ka magmahal, dapat radikal mo ring harapin ang mga kinakailangang tunggalian. Dapat manindigan tayo sa mga prinsipyong nagbigkis sa atin bilang samahan dahil bahagi ng radikal na pag-ibig ang pagiging tapat sa puna, lalo na kung sa ikabubuti ito ng ating kolektibo.
Hindi sapat ang pawang paggunita ng nakaraan habang nananaig ang ligalig sa kasalukuyan. Sa ngalan ng prinsipyadong pagkakaisa, kailangan ng tuluyang pagkwestyon at pagpapabuti ng ating mga gawi upang ganap na mamayagpag ang liwanag sa dilim lalo ngayong nalalapit na eleksyon. ●