Nadismaya ang maraming netizens nang ianunsyo ng Netflix noong Mayo 6 ang dagdag-singil sa kanilang plataporma. Mula Hunyo, tataas nang P20 hanggang P70 kada buwan ang singil sa mga subscriber.
Simula lamang ito ng dose-dosena pang nakaambang pagtaas-presyo ng mga serbisyong digital. Sa ilalim ng Republic Act 12023, may ipapataw nang 12% na value-added tax (VAT) sa mga online platform, cloud service, at iba pang uri ng digital goods mula sa mga dayuhang kumpanya simula Hunyo.
Tulad ng iba pang uri ng VAT, walang pagsasaalang-alang ang digital tax sa antas ng pamumuhay ng konsumer. Kaya kung tila kagat ng langgam lamang ang bagong buwis para sa mga nakaaangat sa buhay, magiging pahirap naman ito sa kalakhan ng konsumer lalo na sa mga nahihirapang tustusan ang kanilang gastos pang-araw-araw.
Dahil sa malawak na sakop ng digital VAT, hindi lamang mga serbisyong panlibangan tulad ng Spotify, Lazada, Shopee, at Steam ang inaasahang magmamahal. Kabilang na rin dito ang ilang esensyal na serbisyo sa mga estudyante at empleyado tulad ng Google Cloud, Udemy, Adobe, Canva, at Zoom.
Bagaman lalaktawan naman ang ilang serbisyong pang-edukasyon ayon sa batas, saklaw lamang nito ang may akreditasyon ng Department of Education, Commission on Higher Education, o Technical Education and Skills Development Authority. Hindi matatakasan ng mga estudyante at trabahador ang patong-patong na singil mula sa bawat serbisyong kanilang gagamitin.
Mabibigo rin ang digital VAT sa pagbuo ng “level playing field” sa pagitan ng mga lokal at dayuhang digital service provider dahil mismong mga maliliit na negosyo na nais suportahan ng batas ay kabilang sa magbabayad ng mas mataas na presyo sa software na kanilang kailangan.
Pagpapatuloy lamang ang digital VAT ng iba-ibang uri ng anti-mamamayang buwis na pawang nakatutok sa pagkonsumo, tulad ng excise tax na pinalubha pa ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law.
Sa katunayan, pinapanigan pa ng gobyerno ang mga dambuhalang korporasyon sa pagbabawas sa corporate income tax, sa ilalim ng Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises (CREATE) Law at ang katuwang nitong CREATE MORE na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong 2024.
Ipinagmamalaki ng gobyerno ang P105 bilyon na makokolekta nito sa limang taon ng digital VAT na gagamitin umano sa pagpapatayo ng mga paaralan, health center, at farm-to-market road. Ngunit taliwas ito sa ipinaparating ng 2025 national budget, kung saan kinaltasan ang pondo sa edukasyon, serbisyong medikal, at agrikultura. Hindi malayong isipin na mapupunta lamang ang kita sa mga kaduda-dudang proyekto tulad ng Ayuda para sa Kapos ang Kita Program na ginagamit ng mga pulitiko sa pagpapanatili ng impluwensiya.
Kung talagang nais ng pamahalaang magtakda ng epektibo at makatarungang buwis sa bansa, dapat nitong tutukan ang pagpapatupad ng wealth tax na malaon nang isinusulong ng mga progresibong grupo. Sa tala ng IBON Foundation, kung ipatupad ito sa 50 pinakamayamang Pilipino, kikita ng P259.4 bilyon kada taon ang gobyerno.
Ngunit nakabinbin pa rin sa lebel ng komite mula Hulyo 2022 ang “Super-Rich Tax” bill na inihain ng Makabayan bloc, pruweba ng pagpanig ng gobyerno sa malalaking negosyante.
Higit pa sa pagbabasura sa digital VAT, dapat nang talikuran ng gobyerno ang pagpataw ng mga iskemang nagpapahirap lamang sa mga mamamayan. Imbes, dapat nitong tutukan ang patas na pagbubuwis sa malalaking korporasyon at mayayamang mamamayan upang maisulong nito ang pag-unlad na may pagsasaalang-alang sa kapakanan ng madla. ●
Unang nailathala sa isyu ng Kulê noong ika-15 ng Mayo 2025.