Hindi kailan man nagagamot ng pansamantalang kasagutan ang sakit na taon-taon nang sumisira sa sistemang pangkalusugan ng bansa.
Maikakabit ang pagkapanalo at pangunguna ni Bong Go nitong nakaraang halalan sa kanyang pagsulong ng Malasakit Centers, isang one-stop shop na binubuo ng iba-ibang ahensya, tulad ng PhilHealth, Philippine Charity Sweepstakes Office, at Department of Social Welfare and Development. Layunin nitong mapabilis ang proseso ng pagbibigay tulong pinansyal sa mga may sakit, partikular ang mga maralita, nang hindi kinakailangang pumunta sa iba-ibang opisina.
Ngunit pansamantalang kasagutan lamang ang programang ito sa mas malawak na suliraning kinahaharap ng sistemang pangkalusugan sa bansa. Sa pagtutok dito ni Go, nababaon ang halaga ng pagsasaayos ng mga institusyong pangkalusugan, at hindi naitataguyod ang sistematikong pagbabago sa naghihingalong serbisyong medikal.
Naiwang nakabinbin sa bicameral conference committee ang isinusulong na pag-amyenda sa Universal Health Care Act, kung saan isinama ang pagtanggap ng mga benepisyo kahit walang PhilHealth ID, at ibinaba ang premium contributions. Kung hindi ito maipapasa hanggang Hunyo 13, ang araw ng pagtatapos ng ika-19 na Kongreso, dadaan ulit ito sa pinakasimula ng mahabang proseso ng pagsasabatas. Mandato ng Universal Health Care Act ang pagbibigay ng aksesible, kalidad, at abot-kayang serbisyong medikal sa mga Pilipino. Ngunit hanggang sa kasalukuyan, hindi pa rin ito nakakamit.
Ayon sa National Demographic and Health Survey noong 2022, tinatayang P46,640 ang karaniwang gastos sa pagamutan, at P17,507 o 37.5% lamang ang binabayaran ng PhilHealth. Dahil dito, kinakailangan pa ring pasanin ng mga pasyente ang natitirang malaking gastusin na kaakibat ng pagpapagamot.
Bilang chairperson ng Senate Committee on Health and Demography, inaasahan ang pangunguna ni Go sa pagsasaayos ng Universal Health Care Act. Ngunit hindi pa rin naisasabatas ang ganap na pag-amyenda rito. Sa halip, abala pa siya sa isyung anomalya sa Philippine Offshore Gaming Operators at sa impeachment case ng kanyang kaalyadong si Bise Presidente Sara Duterte.
Bagaman nakapag-aabot ng tulong pinansyal ang Malasakit Centers sa mga nangangailangan, hindi nito natutugunan ang suliraning kinahaharap ng PhilHealth pagdating sa epektibong pamamahala ng pondo. At dahil hindi nailalaan nang tama ang badyet sa pagpapaunlad ng mga benepisyong maaaring magbawas sa gastusin ng mga pasyente, nagiging takbuhan ng mga maralita ang mga programang nagpapadali sa serbisyong medikal, tulad ng Malasakit Centers.
Higit, nagagamit lamang ito upang maging instrumento ng pulitiko para sa sariling pag-unlad. Noong 2019, ipinatanggal ng Commission on Elections sa Department of Health ang mga poster na nakapaskil sa Malasakit Centers, dahil nakabalandera dito ang mukha ni Go. Nitong halalan, Malasakit Centers ang kanyang naging pangunahing puhunan upang matiyak ang pagkapanalo.
Tinatakasan ng Malasakit Centers ang masalimuot na burukratikong proseso ng pagpapagamot sa bansa, sa halip na solusyunan. Kaya bilang pagtaliwas dito, mahalaga ang pagpapaigting sa pwersa ng progresibong oposisyon na magtitiyak sa pagpapatibay ng Universal Health Care sa bansa, partikular ang ganap na pag-amyenda rito, tungo sa mas epektibong serbisyo.
Gayundin, kailangang paglimiin ng progresibong oposisyon ang mensaheng ipinahihiwatig ng pagkapanalo ni Go gamit ang Malasakit Centers, at ni Bam Aquino, gamit naman ang libreng edukasyon sa kolehiyo—na higit na kinikilala ng mamamayan ang mga programang nakatuon sa seguridad ng kanilang kinabukasan. Mula rito, nananatili ang kahilingan sa serbisyong medikal na hindi lamang opsyonal, pagkakaroon ng sapat na pondo para sa mga pampublikong pagamutan, at pagkilala sa karapatang pangkalusugan ninuman.
Ngayong tapos na ang halalan, pagkakataon ito ng progresibong oposisyon upang dalhin sa landas ng konkretong sistemang pangkalusugan ang bansa. Lampas sa pagpapaigting ng Universal Health Care, gampanin nilang gamutin ang lumulubhang sakit ng maling pamamahala sa mga institusyong pangkalusugan sa bansa—dito nasusukat ang tunay na malasakit sa kapwa. ●
Unang nailathala sa isyu ng Kulê noong ika-27 ng Mayo 2025.