Kahit puno ng pagdududa ang lipunang ginagalawan, tiyak na magwawagi ang kababaihan sa ano mang laban. Sa iba-ibang papel na ginagampanan sa lipunan na kanilang napagtatagumpayan, naipapamalas ng mga babae ang angking kagalingan.
Inilarawan ng direktor na si Charles Yee sa dulang “Ningning sa Silangan” ng Tanghalang Ateneo ang lagay ng mga pinagkatiwalaan ni Inang Kalikasan na payabungin ang mundo. Ngunit sila ngayo’y naiipit sa masalimuot na kalagayan sa kanayunan.
Naipasa ang bigat ng tungkuling muling maibalik ang sigla ng baryo kay Sita, ang bidang babae, na nagdurusa sa ilalim ng among si Mukerdyi at ang kapatid na si Rhodes. Sa pagpipilit niya sa asawang si Muntu na ipaglaban ang lupa, at sa kaniyang huling tagumpay dahil sa sariling aksyon, tinutunggali ang mga pesteng nagkalat sa bayang ginagalawan — patriyarkang mistulang halimaw na dumudurog sa kanyang pagkatao, at sanhi ng krisis sa kalikasan.
Baryong balot ng kadiliman
Pinuna ni Luz Rodriguez sa “Patriarchy and Women’s Subordination” ang pag-iral ng patriyarka sa pagsisimula ng mga pyudal na sistema noong pang mga nagdaang siglo sa tulong ng kolonyalismo. Bukod dito, binaklas din niya ang paniniwalang sa isang partikular lamang na lugar umuusbong ang patriyarka: Una itong namayani sa mga kahariang may kalabisan sa produksyon, kung kaya napasailalim ang mga kababaihan sa pananamantala upang makatulong sa pagpapatibay ng kalakalan.
Malaking dagok para sa mga pesante ang pilit na pagpapasailalim sa mga panginoong maylupa.
Sa mga pamantayang nilalatag ng mga amo, nawawalan ng kalayaan ang pesanteng isagawa ang mga pamamaraang sa tingin nila ay higit na magpapadali ng trabaho. Kapag pangit naman ang nagiging tubo o nasisira ang pananim, sila pa rin ang sinisisi sa huli.
Madalas na napaparatangan ng ganito ang mga babaeng nasa marhinalisadong sektor, ayon kay Babette Resurrección sa librong “People, Power, and Resources in Everyday Life.” Dahil sa kawalang-interes ng mga amo sa pagpapaunlad ng pagsasaka, basta-basta na lang sila nagpapagawa ng mga gawing nakakabawas ng ani at nakakasira ng lupa. Nababaligtad ang katotohanan na ang kababaihang taga-bukid ang pinakaapektado ng pagkasira ng kalikasan.
Iniiwang paalala ni Resurrección na hindi dapat niroromantisa ang tradisyonal na gawi dahil umuunlad din ito paglipas ng panahon. Ngunit sa kalagayan sa loob ng dula kung saan tuluyan nang tinatanggalan ng karapatang magbungkal ng lupa sina Sita, maski siya ay nahihirapan ring madama at isabuhay ang pag-unlad sa mga gawi.
May pagsusumikap ang dula na lapatan ito ng teoryang ecofeminism, na tumatalakay sa koneksyon ng pang-aaping danas ng kababaihan at pananamantala sa kalikasan sa konteksto ng Pilipinas. Sa pagkakatawang-tao ni Inang Kalikasan bilang matandang babae at pagpapahintulot sa sariling makihalubilo at dinggin ang mga hinaing ni Sita, pinapatibay ang pananaw na may mahigpit na ugnayan ang kapaligiran at kababaihan.
Pagpupumiglas ng mga kababaihan
Kolonyalismo ang nagpatibay ng patriyarkal na mentalidad sa Pilipinas. Naging salik nito ang pagdidikta sa papel ng kababaihan sa lipunan at pagbibigay ng limitado o halos walang kalayaan upang tanggihan ito.
Hindi mawawala sa trabaho ng mga babaeng pesante ang magtiis sa pamamalakad ng mga among nagmamay-ari ng lupang sinasaka. Bukod sa mababang arawang sahod, kadalasang wala rin silang natatanggap na benepisyong pangkalusugan kapag sila’y nasa bingit ng sakit.
Higit sa lahat, hindi nakukulong ang kababaihan sa pagiging asawa, ina, at manggagawa lamang. Nilalabanan din ng mga babaeng tulad ni Sita ang mga naghaharing uring sumisira ng kalikasan. Maagap silang nakabantay upang pigilan ang panghihimasok ng malalaking kumpanya at negosyong may pagnanais na ubusin ang mga likas na yaman. Patunay rito si Petra Macli-ing, isang katutubong lider ng Bontoc na nagbuwis ng buhay upang pigilan ang pagpapatayo ng Chico Dam Project at protektahan ang mga kasamang naninirahan sa lupang ninuno.
Panunumbalik ng ningning ni Sita
Kayang-kayang pagsabayin ng patriyarka ang pagkontrol sa iba-ibang uri ng opresyon. Madaming kalunos-lunos na pangyayari ang kailangang takasan ng kababaihan.
Sa isang brutal at madugong paraan nagsimula lahat upang makamit ni Sita ang ningning na kinuha mula sa kanya. Sa pagkamatay nina Rhodes at Mukerdyi, mga taong gumahasa sa kanya, kay Sita pa rin ibinigay ang tagumpay sa huli. May domino effect ang pagbalikwas ng babae sa opresyon mula sa kalalakihan — nabawi nila ang lupang kanilang pagmamay-ari, at nanumbalik ang sigla ng kapaligiran sa kanilang bayan.
Isang mahalagang gampanin ang pagkalinga ni Inang Kalikasan sa babae, at ang paniniwala nitong makababangon muli si Sita sa masalimuot na nangyari. Isang malaking basbas na pinagkakatiwalaan niya si Sita — at ang mga kababaihan — sa kakayahan nitong sugpuin ang patriyarka at pangalagaan ang kalikasan. Pinalitaw rin ng dula ang katotohanan na si Inang Kalikasan ang tunay na masasandalan ni Sita.
Aminado ang orihinal na playwright ng dula na si Jo Clifford na may kakulangan sa malalimang paghabi ng peministang teorya ang pinakaunang bersyon ng dulang ito, “Light in the Village,” na naisulat niya noong 1990. Sa artikulong “Making Theatre for the World,” ibinahagi niya ang pangunahing layuning makagawa ng isang teatrong labas sa pagpapakita ng mga indibidwal na nakipagtutunggali sa mundo at sa isa’t isa.
Isinasabuhay ng dula ang konseptong “personal is political.” Ang mga danas ni Sita ay hindi lamang eksklusibong pangyayaring kinakailangan ng pisikal at sikolohikal na lunas. Hindi lamang ito isinalaysay upang kahit paano, mabawasan ang bigat dulot ng mga traumatikong pangyayari sa baryong kanyang ginagalawan. Isinasaboses din ng bida ang danas ng libu-libong babaeng inaalipusta ng patriyarkal na sistema, na kadalasang pinapakiusapan silang isantabi ang mga personal na problema.
Hindi kailanman pinal ang pagsasailalim ng baryo sa kadiliman at kamangmangan. Hindi rin pinal ang opresyon ng patriyarkang binubuno ng mga babae at Inang Kalikasan. Tulad ng pagbangon muli ni Sita, magsisimulang manumbalik ang ningning at liwanag ng baryo at ng mundo kapag nabigyang kapangyarihan ang mga kababaihang mamulat, bumangon, at lumaban. ●