Malayo na sa nakaraang reputasyong marumi at magulo ang mga bundok sa Lupang Pangako, Payatas, Quezon City. Sa ibabaw ng lupang tumatakip sa basura, unti-unting tumutubo ang mga damo at puno, nagmimistulang mga ordinaryong bundok na natatanaw malapit sa La Mesa Dam.
Ang tanging bakas ng nakaraan ay mga plastik na sumisilip mula sa ilalim ng lupa at nakahilerang junkshops sa gilid ng highway. Pinagmumulan pa rin ang mga ito ng kabuhayan ng mga taga-Payatas. Nawala man ang tambak na mga basura, naging sandigan nila ang tira-tirang bag, sintas, at zipper na binabagsak ng mga dumadaang trak ng basura.
Sa ibabaw ng samot-saring mga bag at kalakal sa Lupang Pangako, nakahimlay ang isang pusa. Dito nagku-krus ang landas ng buhay at sirang bagay na muling binubuhay. (Mark Lemuel Pabalan/Philippine Collegian)
Bagaman pagpapabuti sa lagay ng kalikasan sa komunidad ang sinasabing dahilan sa pagsasara ng tinaguriang Smokey Mountain, naiwan sa laylayan ang mga manggagawa sa impormal na sektor ng basura.
Tuklap, tahi, tapyas
Payak ang paglalarawan ni Katanori James Sasaki Jr. sa kanyang araw-araw na paggawa sa tatlong taon na pag-ba-bag. Pagbangon ng 8:00 n.u., sinasabay niya ang pagkain ng almusal at pagkalas ng mga zipper at accessory gamit ang magnet at kutsilyo. Dalawang oras siyang nagtatastas bago pumunta sa tinatawag nilang bag-an, lugar kung saan binabagsak ng mga suking trak ang sako-sakong bag ng basura mula sa kalakhang Maynila.
Apat na dekada nang nakatira si Katanori James Sasaki Jr., 47, sa Payatas. Sa edad na 16, maaga siyang nagka-anak at napilitang magtrabaho sa tambakan. Pagba-bag ang kasalukuyan niyang kabuhayan. (Mark Lemuel Pabalan/Philippine Collegian)
Maghapon niyang kinakalas ang mga zipper, slider, strap, at abubot sa labas ng isang kilalang tindahan sa kahabaan ng Payatas Road. Sa loob nakapwesto ang iba pang mga trabahador: silang naghihiwalay ng mga sira o wasak na bag na binibigay kay James, mga naglalaba, nananahi, at nagkukulay gamit ang mga marker sa mga kumupas na bag.
Pagpatak ng 9:00 n.g., panandaliang uuwi si James para maghapunan bago bumalik muli sa bag-an at maglinis ng kalat. Inaabot siya ng ala-una ng madaling araw bago umuwi at magpahinga. Sa loob ng halos labing-walong oras na pagtatrabaho, kumikita siya ng di bababa sa P800.
“Nakakaraos naman, dagdagan mo lang ng sipag tsaka tiyagain mo,” aniya.
Gayunman, hindi lahat ay kasimpalad at may sariling pwesto sa kahabaan ng Payatas. Sa loob ng tatlong taon, umaasa ang mag-asawang Andeng at Rico sa bigay ng mga kaibigang paleros o crew ng trak ng basura para makapaghanapbuhay.
Sa gilid ng Payatas Road nakapwesto ang mag-asawang Andeng at Rico. Sandata nila sa kanilang pagtastas ang mga kutsilyo at kalasag sa mainit na araw ang bughaw na sirang payong.(Mark Lemuel Pabalan/Philippine Collegian)
Panangga nila sa araw at usok ng kalsada ang payong na nakatali sa mga pinagpatong-patong na bag at maleta. Umaabot lamang sa P200 ang kinikita nila sa isang magdamag—sapat sa bigas at ilang pangunahing bilihin.
“Sanayan na lang, hindi naman kasi tayo mayaman,” ani Andeng.
Tinastas ng estado
Habang patuloy na inaalis ng estado ang akses ng mga namamasura sa dumpsites para sa layuning makakalikasan umano, iwan sa laylayan ang mga manggagawa gaya nina James, Andeng, at Rico.
Limang dekadang naging pinakamalaking tambakan ng basura sa bansa ang Payatas dumpsite bago ito ipasara noong 2017, bunsod ng pagkasagad ng kapasidad nito at banta sa humigit-kumulang 4,000 pamilya na nabubuhay sa pangangalakal. Makasaysayan ang trahedyang ‘trash slide’ sa 22-ektaryang dumpsite noong 2000 na kumitil sa halos 300 na tao at sinasabing nag-udyok sa pagsasabatas ng Ecological Solid Waste Management Act.
Mandato ng batas, kasama ng Local Government Code, ang segregasyon at koleksyon ng basura sa antas ng lokal na pamahalaan kasabay ng sapilitang pagsasara ng open dumpsites. Ngunit ang padalos-dalos na desentralisasyon ay nauwi sa mahigit dalawang dekadang mahina at urong-sulong na pagpapatupad ng mga patakaran. Noong 2017, 14% lamang ng LGU ang may akses sa mga landfill at nananatiling kapos ang suporta sa mga impormal na manggagawa, ayon sa Asian Development Bank noong 2017.
Dagdag pasakit din ang maliit na bahagi ng basurang maaari pang pakinabangan. Nasa 1.61% sa 28% na recyclable lang ang napapakinabangan ng mga nag-ba-bag, ayon sa datos ng National Waste Management Commission noong 2015. Mas lalo pang lumiit ang kanilang kabuhayan nang magsara ang Smokey Mountain sa Payatas at ilipat sa mga karatig-bayan ang ilang tambakan para malayo sa lungsod.