Malinaw pa sa alaala ni Maria Fe Gagatam, 72, kung paano sila pinangakuan taong 2021 ng libreng pabahay ng noo’y alkalde at bise alkalde ng Maynila na sina Isko Moreno at Honey Lacuna.
Kabilang ang pamilya ni Fe sa 600 mag-anak na nawalan ng tahanan sa sunog na tumupok sa Block 15A sa Baseco, Maynila, noong Peb. 6, 2020. Nakatakda para sa mga residenteng nasunugan at iba pang pamilya sa Baseco ang pampublikong pabahay na Basecommunity, na ibinida ni Moreno dalawang buwan bago niya ianunsyo ang pagtakbo sa pagkapangulo para sa halalan 2022.
Isa si Fe sa 229 na pinagkalooban ng yunit.
Ngunit kung ano ang pagmamalaki ni Moreno at Lacuna sa proyekto na matagal na anilang pangarap para sa mga maralita ng Maynila, ganoon na lamang ang panliliit na naramdaman ng mga residente gaya ni Fe, noong 2023 nang unti-unti silang binabaan ng mga eviction notice at kasulatan hinggil sa hindi pagbabayad sa mga yunit.
“Masakit, masama sa pakiramdam,” ani Fe. “Mahirap ka na nga, nasunugan ka na, ginaganyan ka pa.”
Patong-Patong na Perwisyo
Dalawang palapag ang bawat 42-metro kwadradong yunit sa Basecommunity. Ipinamahagi ito sa pamamagitan ng pag-ra-raffle sa mga residenteng nakatira noon sa kinatitirikan ng pabahay ngayon at sa 600 pamilyang nasunugan—bilang na maaaring umabot sa 1000 kung isasama ang mahigit 400 nangungupahan.
Kaya labis ang tuwa at pasasalamat ng ginang sa lokal na pamahalaan ng Maynila nang matawag ang pangalan ng kanyang asawa sa mga mabibigyan ng yunit. Gaya ng mga kapitbahay niyang napagkalooban ng bahay, sinuportahan nila ang kampanya ni Moreno noong 2022 dahil sa binigay nitong atensyon at tulong sa mga mahihirap.
"Basecommunity" ang bagong komunidad na itinayo sa Baseco, Maynila matapos matupok ng sunog ang kabahayan dito noong 2020. (Lemuel Pabalan/Philippine Collegian)
Naputol lamang ang suportang ito matapos ang eleksyon. Matapos matalo ni Moreno sa kanyang kandidatura at nang pumalit sa pagka-alkalde ang noo’y kasangga niya na si Lacuna, unti-unting nagsimulang mangolekta ang Maynila ng renta para sa Hunyo hanggang Disyembre 2022.
Nang minsa’y komprontahin, tinanggi ng alkalde ang pagkakasangkot sa singilan, kahit pa nasa pangangasiwa nito ang Manila Urban Settlements Office, isa sa mga ahensya kung saan nakapailalim ang Basecommunity. Iyon na rin ang huling pagkakataon na kinausap sila ni Lacuna, samantalang hindi na nagpakita si Isko.
“Tatlong beses kaming pumunta doon sa City Hall. Nandon [kami] sa ilalim ng tulay pinapunta ng mga pulis,” ani Fe. “Hindi siya humaharap sa amin.”
Noong bagong lipat pa lamang sa mga yunit, sinalubong din ang mga residente ng tumataginting na bayarin sa tubig kahit hindi pa sila nakakagamit ni isang patak, gaya na lamang ng P2,000 siningil kay Fe. Ito aniya ay mula sa nakonsumong tubig ng mga tauhan noong ginagawa pa lamang ang pabahay.