Sa gitna ng kawalang katiyakang binabalandra ng mga namumuno sa Senado, taumbayan ngayon ang mapagpasyang nagbibigkis upang ipaglaban ang kagyat na pananagutan. Patuloy na lumalakas ang mga panawagang litisin ang ikalawang pangulo habang nag-aalinlangan ang mga dapat na nangunguna sa paghahatid ng katarungan.
Nanumpa na ang mga senador bilang hukom at nagpulong bilang korte ang Senado ngayong araw. Tagumpay man kung maituturing, nananatili ang katotohanang lumipas ang apat na buwan na nanatiling kimi ang Senado. Patuloy rin ang hakbang ng mga senador sa kampo ni Duterte na harangan ang paglilitis.
Sa kasagsagan ng tila kawalang kasiguraduhan ng mga pinunong tanging sariling pampulitikal na interes ang isinasaalang-alang, malinaw ang isang katotohanan: Higit pa sa mga hukom, taumbayan ang kukumpas sa kahihinatnan ng paglilitis kay Duterte kung magpatuloy ang pagtutulak ng tagibang na mga paninindigan ng Senado.
Lantad ang padaskul-daskol na desisyon at arbitraryong pagpapakahulugan sa Konstitusyon ni Senate President Chiz Escudero, na nagtatangkang linlangin ang mamamayan upang ligawan ang kampo ni Duterte at mapanatili ang posisyon bilang pangulo ng Senado. Kasama ng iba pang mga mambabatas, nililipol nila ang diwa ng Saligang Batas sa pamamagitan ng mga gawa-gawang probisyong magbibigay katwiran sa kagustuhang di ituloy ang paghuhukom.
Dahil sinusubukan pang matukoy ang pulso ng taumbayan matapos ang halalan na halos tabla ang resulta sa pagitan ng mga Marcos at Duterte, ang pinakaligtas na solusyon ay ang kawalan ng aksyon.
Taktika, kung gayon, ng parehong paksyon ang pagpapatagal sa impeachment proceedings. Nangagapa pa rin si Pangulong Ferdinand Marcos ngayon na lugmok pa rin ang trust ratings kung kaya’t iniingatan niya ang kanyang kampo tulad ng pagbabago sa gabinete, kaya tila umaatras din ang administrasyon sa tuwirang pagsuporta sa impeachment. Puspusang pinipigilan ng mga Duterte ang paglilitis sa takot nitong mawalan ng kapit sa kapangyarihan gayong malay sila sa lakas ng pwersa ng mga ebidensyang higit na magpapatunay sa kanilang korapsyon.
Kaya ang pagsasailalim ng Senado sa ganitong lohika ay tuwirang paglabag sa layunin ng Saligang Batas na magbigay ng mga mekanismo upang ganap na panagutin ang mga opisyal na nagkasala sa taumbayang dapat nilang pinagsisilbihan.
Habang nangangapa ang pangulo at ang administrasyon na kapwa naghihintay ng mas klarong suporta ng taumbayan, pumupostura ang mga Duterte bilang oposisyon upang magmistulang malakas pa rin sa publiko.
Ngunit hindi na malilinlang pa ng parehong pamilya ang taumbayan. Mula sa patuloy na pagpapalakas ng hanay ng oposisyon matapos ang eleksyon, kagyat ngayon ang pagpapaingay pa ng kampanya ng tunay na oposisyon upang tuluyan nang gumulong ang proseso at mapatalsik si Duterte sa pwesto.
Sa katunayan, kongklusibo na ang tunay ng pulso ng taumbayan, kung pipiliin lang makinig ng mga mambabatas. Nitong mga nakaraang araw, bumaha ng mga pahayag mula sa iba-ibang institusyon, mga organisasyon ng ligal na eksperto, at simbahan upang itulak ang pag-uusig kay Duterte. Mayorya rin ng mga Pilipino ang sumasang-ayon na dapat nang litisin si Duterte, ayon sa mga sarbey tulad ng OCTA Research.
Kung hindi pa sapat ang kabi-kabilang ebidensya sa pagnanakaw ng pera ng taumbayan at kataksilan sa tiwala nito, boses mismo ng publiko ang kinakailangang patampukin ng oposisyon sa korte man o sa lansangan.
Ngunit panimulang hakbang pa lamang ang pagtutulak ng paglilitis kay Duterte. Kahingian mula sa publiko, kasama ang mga estudyante at institusyon, ang patuloy na pagmamatiyag hanggang sa tuluyang mapatalsik ang pangalawang pangulo sapagkat ito rin mismo ang magpapatag ng daan patungo sa isang pamamahalang kontra korapsyon na may tunay na pangil laban sa mga lumalabag sa tiwala ng mamamayan.
Magsilbi dapat na babala sa mga mambabatas at hamon sa lahat ang malawakang pagkilos noon na nagpatalsik kay dating Pangulong Erap Estrada nang pumapalya na ang proseso ng paglilitis sa kanya.
Batid ng Senado kung paano napatalsik din ng nagkakaisang taumbayan ang diktador bago mabuo ang Konstitusyong pinagdedebatihan nila ngayon. At sa oras na hindi nila dinggin ang hatol ng publiko, hindi ito mag-aatubiling magbigkis at kumilos upang patalsikin si Duterte at kanyang mga kasabwat sa pwesto. ●