Giniba noong Martes ang isang maliit na furniture shop sa kahabaan ng C.P. Garcia Avenue matapos ang kaliwa’t kanang mga pagbabanta mula sa nagpapaupa, sa kabila ng kawalan ng demolition notice at pagbaba ni Vice Chancellor for Community Affairs Jerwin Agpaoa ng dalawang linggong hold-off order.
Pinangunahan ng mga Dela Pesa, ang pamilyang nagpapaupa sa pwesto, ang demolisyon na nagsimula dakong 11:30 n.u. Sa kalagitnaan ng ulan, halos pumagitna sa isang linya ng daan ang nabasang paninda ng mag-asawang Pedro Misa, 71, at Amalia Misa, 70, na yari sa kahoy gaya ng upuan, walis, at blinds.
Nadatnan ng rumespondeng si University Student Council (USC) Councilor Kristian Mendoza ang mga blue guard na nasa ilalim ng Office of the Vice Chancellor for Community Affairs (OVCCA), na hindi umawat at nanood lamang sa demolisyon kahit pa pinagpaliban na ito ni Agpaoa. Ayon kay Mendoza, ipinaabot ni Agpaoa ang pagpapatigil sa pamamagitan ng tawag.
Nasa lupang pagmamay-ari ng unibersidad ang negosyo ng pamilya Misa at ang bahay sa likod nito kung saan nakatira ang mga Dela Pesa.
Subalit giit ng mga Dela Pesa, siyam na buwan nang hindi nagbabayad sa kanila ng renta ang mga Misa, kaya’t pilit nang pinagigiba ng mga Dela Pesa ang estrukturang minsa’y nagsisilbing tahanan ng mga Misa.Â
Sa pinanghahawakang dokumento ng mga Dela Pesa na pinirmahan ni Office of Community Relations (OCR) Director Annie Pacaña-Lumbao at ni Agpaoa noong Mayo 13, pinahintulutan ang pagsasauli sa unibersidad ng lupa sa pamamagitan ng paggiba ng mga nakatirik dito, na ayon sa pamilya ay garahe lamang nila.Â
Â

Nakasaad sa dokumento na wala nang maaaring umokupa sa lupa matapos ang demolisyon. (Airish Gale De Guzman/Philippine Collegian)
Hindi nakalagay sa kahilingan ng mga Dela Pesa na 10 taon nang hindi ginagamit ang garahe bilang paradahan ng kanilang taxi, at ngayon ay pagawaan na ng muwebles ng mga Misa.
Saad ng mag-asawang Misa, tumigil sila sa pagbabayad noong Setyembre ng nakaraang taon matapos ipabatid sa kanila ng isang pulis ng UP Diliman na libre at nararapat na walang bayad ang kanilang pag-okupa sa lugar sapagkat lupa ito ng UP.Â
Maliban pa rito, hindi rin nakakaya ng dalawang matanda ang taas-singil sa renta na nagsimula lamang sa P3,000 nang bagong lipat sila rito, na naging P5,000 noong 2019, at P7,000 noong 2022. Laking-gulat ng dalawa kamakailan nang umabot sa P10,000 ang buwanang renta, sa kabila ng kawalan ng kasamang palikuran, tubig, at kuryente ng lugar.