Noong Bagyong Glenda ko unang napansin ang kasalatan ng flood control sa amin. Punong-puno ng basura ang esterong katabi ng bahay, kaya ayun, bahang-baha. Buti nga nawalan lang kami ng kuryente. Yung mga kapitbahay namin, nawalan ng bahay. Yung mga pamilya ng mga kaklase ko, nawalan ng hanapbuhay.
Laging turo sa high school na mabisang engineering ang solusyon sa baha. Manghang-mangha ako sa teknolohiya tulad ng Ocean Cleanup na gumagamit ng robot para linisin ang mga baradong ilog tuwing baha. Suportado ko rin noon ang mga flood control projects ng gobyerno tulad ng dredging at pagpapatayo ng flood walls sa tabing-ilog.
Ngunit hindi ko naisip na tanungin kung sino ba ang naaagrabyado sa mga proyektong ito. Sentrong estratehiya ng flood control plan ng gobyerno ang managed retreat, o ang pagpapalipat ng mga informal settler families (ISF) na nakatira sa lupang madaling bahain. Minsan, sa malalayong pabahay ng gobyerno pa sila pinalilipat.
ISF ang madalas iturong salarin ng gobyerno sa problema ng baha. Sinisi sila ni Department of Public Works and Highways Sec. Manuel Bonoan sa isang press briefing noong Hulyo 2024, at sinisi din sila ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa State of the Nation Address niya sa parehong taon. Sabi nila, wala kasing disiplina ang mga ito, kung saan-saan nagtatapon ng basura at kung saan-saan nagtatayo ng bahay.
Kung gaano kadaling sisihin ni Marcos ang ISF, ganoon na rin sila kadaling palayasin nito. Umaabot na sa 43,582 na kaso ng pagpapalayas ang naitala sa ilalim ng gobyerno ni Marcos, ayon sa 2024 Karapatan Year-end Report. Kung tutuusin, dalawang bagyo ang kailangang suungin ng mga ISF: ang bagyong dala ng kalikasan, at ang bagyong dala ng gobyerno.
Hindi ibig sabihing ligtas na ang mga ISF mula sa lumalalang klima dahil lang nakalipat na sila. Proyektong reklamasyon man, pagputol sa mga mangrove o paggiba ng pabahay, kitang-kita na ang pagkamal ng kita ng gobyerno at mga pribadong korporasyon ang puno’t dulo ng problema ng mga ISF at ng lumalalang klima sa Pilipinas.
Ngayong simula na ng tag-ulan, kung hindi babaguhin ng gobyerno ang pihit nito, siguradong papalya na naman ang anumang bagong flood project ng gobyerno. Simula’t sapul kasi, nakaugat dapat ang kahit anong climate resilience plan sa konsultasyon sa mga ISF, pagpapabuti ng kanilang sitwasyon, at pagpapaunlad sa mga serbisyong panlipunan.
Kung sisingilin ng mga mambabatas ang kaunlaran ng mga proyekto ng gobyerno, alalahin din sana nilang busisiin hindi lamang ang pondo nito kundi pati na ang pumapailalim na plano. Dahil hindi kailanman matatapalan ng mga proyekto ang kapalpakan ng gobyernong kumalinga sa nangangailangan. ●