Alas-8 pa lamang ng umaga noong Hunyo 18 nang magtipon-tipon ang mga magtutubo at magsasaka sa Balayan Government Center sa Batangas. Patungo sila sa AGAP Building na katabi lamang ng munisipyo at napapaligiran ng ekta-ektaryang sakahan at tubuhan.Â
Sinubukan mang gambalain ng mga lokal na pulis, taas-noo nilang nailunsad ang kanilang programa para sa mga kahingiang bayad-pinsala at suporta sa 8,089 na magtutubo at magsasaka sa probinsya na nasalanta ng Bagyong Kristine noong Oktubre 2024.
Sama-samang nagmartsa patungo sa Balayan Government Center ang mga apektadong magsasaka at magtutubo mula sa iba-ibang panig ng Batangas upang makipagdiyalogo kasama ang Department of Agriculture-CALABARZON. (Lemuel Pabalan/Philippine Collegian)
Walong buwan na ang nagdaan nang maunsiyami ang mga sakahan at tubuhan, ngunit ramdam pa rin ng mga magsasaka ang bigat ng pinsala buhat ng kawalang-aksyon ng pamahalaan. Ito, sa kabila ng P42 milyong pondo na inilaan matapos ideklara ng lokal na pamahalaan ang state of calamity sa lalawigan, ang P2 bilyon mula sa Department of Agriculture (DA), at mga hindi nagamit na disaster fund ng probinsya.
Hanggang walang inihahaing kongkretong suporta at tulong ang pamahalaan na mga butil, materyales, makinarya, at kaukulang bayad-pinsala para maiangat ang estado ng sektor ng agrikultura, higit lamang lulubog sa lupa ang lugmok nang kalagayan ng mga magtutubo at magsasaka.
Â
Pag-usbong ng Unos
Kalat-kalat na ang pananim, troso, at mga parte ng bahay nang datnan ng magsasakang si Edna Bayungan at magtutubo na si Myrna Benjamin ang kanilang taniman.
Tinatayang umabot sa P6.20-bilyong halaga ng pinsala ang iniwan ng unos, ayon sa DA Disaster Risk Reduction Management Operations Center. Buhat nito, nangako ang ahensyang mamamahagi ito ng P541 milyon para sa binhi, P500-milyong pautang, at P1-bilyong quick response fund. Para sa mga magtutubo, nagpahayag ang Sugar Regulatory Administration (SRA) na sila ay mamamahagi ng mga libreng taad o mga putol na tubong maaaring muling itanim.
Sa kabila ng mga pangakong libreng taad at pinansyal na suporta ng mga ahensya, wala pang dumarating na tulong o kahit butil sa palad ng mga naapektuhang magsasaka at magtutubo magpahanggang-ngayon. (Lemuel Pabalan/Philippine Collegian)
Subalit liban sa donasyong yero at bigas ng isang dating kandidato sa pagka-kongresista, wala silang natanggap ni kusing na tulong para sa mga nasirang pananim, ani Edna at Myrna. Bagsak ngayon ang kita ng mga magsasaka at magtutubo. Si Myrna na kumikita ng P500 sa tubuhan, madalas limang araw pa bago ito mabuno dahil hinahakot at binabiyahe pa ang mga tubo.
Upang makaagapay sa mga gastusin, napwersa ang mga magsasakang humanap ng dagdag na pagkakakitaan. Si Edna, naggagamas at naghuhulip sa tubuhan habang si Myrna naman, kung hindi naghuhurnal, naglalabada o naglilinis sa ibang bahay.
"Parang ang hirap yatang makabangon. Ang alam mo lang na trabaho, maggagapak, tapos na-pending," ani Myrna.
Matapos ang Bagyong Kristine, panibagong unos na naman ang sinuong ni Myrna at ng kanyang asawa sa paghahanap ng mga alternatibong pagkakakitaan, bukod sa kinagisnang pagtutubo. (Lemuel Pabalan/Philippine Collegian)
Pinagtitiisan nila ito alang-alang sa edukasyon ng mga anak. Sinisikap ni Myrna na kumita para makapagpadala sa anak niyang nasa Bulacan na magtatapos na sa hayskul. Samantalang si Edna na may anim na anak, nag-aalangan sa kanyang kolehiyo at nais munang tumigil para makabawas sa gastusin.
Kaya upang tuluyang makaalpas sa lusak na kapalaran, hindi lang kompensasyon ang kailangang resolbahin ng pamahalaan, kundi maging ang pagpapatatag sa nanlulumong industriya na bumubuhay sa kanila at maging sa buong bansa.
Â
Salat na Palad
Buhat ng hindi pagkibo ng pamahalaan, itinatag ng mga manggagawang-bukid sa Balayan ang Alyansa ng Magsasaka para sa Kompensasyon (AMK). Katulong ang Sugarfolks' Unity for Genuine Agricultural Reform-Batangas (SUGAR), binitbit ng mga magsasaka at magtutubo mula sa taniman patungo sa tanggapan ng mga ahensya ang kanilang mga kahingian. At sa kabila ng kagipitan, kolektibo nilang tinustusan ang pagluwas patungong Maynila.
Hindi na bago sa kanila ang ganitong pakikitungo ng pamahalaan. Enero pa lamang kinakalampag na nila ang DA, SRA, at Department of Social Welfare and Development. Dahil walang tugon, bumalik sila noong Marso 28 para magpaabot ng petisyon tungkol sa bayad-pinsala ng mga nasalanta ng Bagyong Paeng at sa mga naapektuhan ng pagsasara ng kumpanya ng asukal na Central Azucarera Don Pedro Inc (CADPI). Pagbalik nila nitong Hunyo 11, ni hindi sila pinatuntong sa loob ng mga opisina at hinayaang mabasa ng ulan.
Ngunit matapos pagkibitan ng balikat nang ilang buwan, hindi pa rin nila narinig ang mga kahingiang nais matugunan.