Malaki ang agam-agam ni Roberto Gimenez, 61, sa kasalukuyang Ahunan Dam Project sa Pakil, Laguna, dahil sa pagkalbo ng gubat at pagsira sa mga watershed areas na pinangungunahan ng mga awtoridad.
Kabilang si Roberto sa mga miyembro ng Mamamayang Nagmamahal sa Pakil (MANAPAK) na nangangamba sa paglagas ng mga kagubatan at mga palayan kapag nagpatuloy ang naturang proyekto.
Pero nagising na lamang sila noong Hunyo 21 na sinisimulan na ang pagpuputol ng puno sa mga bundok na sakop ng Ahunan project.
“Umahon ako kanina upang alamin kung totoo ang balita na nagpuputol na ng mga puno sa bundok na dadaanan ng dam project. Nakakalungkot [ito at] nakakagalit,” pahayag ni Lina Naldo, isa sa mga residenteng nakasaksi ng pagpuputol.
Layon sana ng Ahunan Dam Project na makabuo ng isang 1,400-megawatt hydropower plant na siyang gagamitin bilang reserba ng enerhiya, hindi lamang sa Pakil, kundi pati sa mga karatig nitong bayan at probinsya, batay sa dokumentong inilabas ng proyekto.
Pinangungunahan ang dam project ng Prime Infrastructure Capital Inc. na parte ng korporasyong Razon group at JBD Water Power Inc.
Pinalilibutan ng landslide-prone areas ang bayan ng Pakil kaya mas magdudulot lamang ng panganib sa mga residente ang pagpapatayo sa Ahunan Dam.
“Yung lugar namin ay talagang red area according to the map sa report ng Project NOAH, and kung gagawa ka ng proyekto doon sa lugar, talagang delikado. Marami ring mga masisirang mga palayan at kabundukan,” saad ni Roberto sa Kulê.
Bukod sa pagkawala ng tirahan at hanapbuhay ng mga mamamayan ng Pakil, masisira rin ang mayamang biodiversity sa mga kagubatan at katubigan kapag ipinatayo ang Ahunan Dam, batay sa pagsisiyasat ng Philippine Misereor Partnership Inc.
Dagdag pa rito, hindi rin daw dumaan sa maayos na konsultasyon ang proyekto sa mga lokal na mamamayan ng Pakil bago ito sinimulan, bagay na ikinagalit ni Roberto at ng ibang mga residente.
Sa kabila ng pahayag ng pamunuan na nagsagawa sila ng public scoping o konsultasyon noong Marso 2022, marami pa ring mga residente ang nagpaabot na wala ni isa ang nagbigay-impormasyon sa kanila ukol dito, batay sa public hearing document na inilabas ng Environmental Management Bureau para sa proyekto.
Nilinaw naman ni Vince Soriano, dating alkalde ng Pakil, na nagkaroon na rin ng pagpupulong ang mga kasapi ng MANAPAK sa lokal na pamahalaan tungkol sa proyekto, batay sa kanyang pahayag sa opisyal nitong Facebook account noong Abril.
Inihayag nila sa nasabing pagpupulong na ang proyekto ay makakapagdala lamang ng pagkasira sa Mount Pingas at iba pang kabundukan, gayundin ang mga bukal tulad ng Turumba Spring, sa bayan ng Pakil.
“Sana pag-aralan nila ulit. Sabihin at ipakita nila kung ano yung mga hawak nila na mga data tungkol sa proyektong ito. Ang hinihiling lamang naman namin sa kanila ay pakinggan at unawain ang side ng mga mamamayan,” saad ni Roberto. ●
Unang nailathala sa isyu ng Kulê noong ika-5 ng Hulyo 2025.