Mula nang pumasok ako sa UP, bukambibig na ng mga senior kong wag matakot sa posibilidad na ma-delay sa kurso. Anila, hindi dapat kasindakan ang mga pagkakataong mag-alanganin, bumagsak, at higit sa lahat, mahuli sa inaasahang panahon ng pagtatapos.
Para bang kapalaran na talaga sa amin na mauna munang sumablay sa iba-ibang paraan. Wag daw kami masyadong magpakalunod sa pangamba at pagod. Normal lang na mag-drop, makakuha ng singko, o kaya ay mag-LOA dahil kinikilala natin sa UP ang kahirapan ng pag-aaral sa unibersidad kaya may kanya-kanya tayong usad.
Patunay ang mga senior kong hindi ito katapusan ng mundo gayong magsisipagtapos na sila bukas. Gayunpaman, ngayong mag-iikalawang taon pa lang ako rito, hindi ko magawang magpakampante gaya ng mga ipinapayo nila dahil may katumbas na dagok ang isang sablay para sa akin.
Bagaman libre ang matrikula sa pamantasan, may kahirapan pa rin ang aming pamilya na tustusan ang pangangailangan naming magkakapatid na sabay-sabay ring nag-aaral. Kinailangan kong maghanap ng scholarship bago pa man magsimula ang klase at humanap ng paraan upang magbayad ng mga pangunahing pangangailangan sa pang-araw-araw tulad ng pagkain at renta sa dormitoryo.
Para sa mga katulad kong di naman mayaman, pribilehiyo ang pagiging kampante. Mahirap magkaroon ng singko o INC sa CRS dahil kapalit nito ang stipend na makukuha namin para sa susunod na semestre. Maging ang kulangin ng yunit ay nakakapangkalam na ng sikmura dahil sa dagdag gastusin kung sakaling kailangan pang pahabain ang pananatili ko sa pamantasan.
Di rin naman pwedeng habambuhay na akong nasa UP. Hindi lang dahil limang taon lang ang libreng matrikula rito pero kung di kasi ako makakapagtapos sa oras, di rin ako agad makakapagtrabaho para makatulong sa pamilya.
Batid kong ang mga pangambang ito ay hinubog lang din ng sistemang edukasyong hindi pa rin tuluyang abot-kaya sa lahat dahil sa mga suliraning umiiral sa kabuuang lipunan. Hindi ito kakailanganging bitbitin ng mga katulad ko kung may sapat lang na suportang pinansyal para sa lahat at di kalunos-lunos ang sitwasyon ng ekonomiya na nagtutulak sa ating ituring ang edukasyon bilang karera para agad na maibenta ang ating lakas-paggawa.
Sa kabila nito, gagap kong sa mga panahon ng alinlangan ay napapanatag ako sa pagsandal sa aking mga kapwa kumakaharap sa parehong sitwasyon. Marahil sa diwa rin ng pagkakaisang ito at kolektibong paglaban ganap na namumukadkad ang mga mirasol para sa lahat nang walang takot at agam-agam sa hinaharap. ●
Unang nailathala sa isyu ng Kulê noong ika-5 ng Hulyo 2025.