Isinisiwalat ng bawat krisis ang katotohanan, gaano man ito kahirap lunukin o sikmurahin. Para kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., mismong ang huling tatlong taon niya sa pwesto ang babasag sa kanyang mga ilusyon ng isang maunlad na Pilipinas.
Nitong mga nakaraang linggo, hinagupit ang bansa ng tatlong magkakasunod na bagyo. Tumambad ang mga baradong estero at at umaapaw na ilog bilang patunay sa kapalpakan ng mga flood control infrastructure na malaking bahagi ng Build Better More (BBM) Program. Higit 4.5 milyong Pilipino ang sinalanta ng bagyo buhat ng kapabayaan ng estado.
Ngunit higit sa baha, nilantad lamang ng kapalpakang ito ang katotohanang wala sa prayoridad ng administrasyon ang mamamayang Pilipino—kahit pa sa sarili nitong mga flagship na proyekto.
Isinasangkalan ni Marcos Jr. ang mga panawagan at kahingian ng mga batayang sektor upang magmistulang maunlad sa pandayuhang merkado. At sa ngalan ng paglalako ng sariling lupa, binuksan niya sa foreign ownership ang maraming serbisyo tulad ng imprastrakturang riles, paliparan, at expressways.
Habang inilalagak ang kaban ng bayan sa mga proyektong nagkakamal ng kita para sa iilang negosyo, patuloy na pinagkakaitan ng gobyerno ng matiwasay na pamumuhay ang karaniwang Pilipino. Nasa P695 ang minimum wage sa NCR—malayo sa pinaglalabang nakabubuhay na sahod at family living wage na nasa P1,200. At nang tinanggi ng Kongreso ang panukalang P100 wage hike, tinanggi na rin nito ang kapasidad ng sambayanang makaahon sa kabi-kabilang krisis na estado rin ang may pakana.
Ito, habang tinali ng tatlong taong pamumuno ni Marcos ang ekonomiya sa impluwensya at kontrol ng mga dayuhan. Kabilang na rito ang patuloy na pag-aangkat ng mga agrikultural na produkto habang kapos pa rin ang suporta sa sektor ng agrikultura.
Imbes na pagtuunan ng pansin ang lokal na industriya, higit pang nalulubog sa utang at kompetisyon ang mga magsasaka bunsod ng mas mababang presyo ng mga inangkat na produkto. At sa gitna ng kawalang suporta sa mga magsasaka at sa nilalayon ng programang BBM na tutukan ang transportasyon, enerhiya, at logistics sa mga ipapatayo nitong imprastraktura, inaasahang lalo lamang iigting ang kontrol ng mga pribado at dayuhang kumpanya sa pampublikong serbisyo.
Sa katunayan, hindi makakamit ng isang bansa ang kaunlaran hanggang lugmok ang kanyang batayang sektor at lokal na mga industriya. Nananatiling hungkag ang mga pangakong kaunlaran ni Marcos Jr. kung hindi rin mamamayang Pilipino ang aani ng magandang epekto ng kanyang mga polisiya.
At sa halip na ituwid ang kapabayaan ni Marcos Jr. sa sambayanan, mas pinipili ng kanyang administrasyon na manupil at manlinlang ng mga bumabalikwas sa kanyang baluktot na pamamahala. Simula nang umupo si Marcos Jr., mahigit 119 extrajudicial killings ang naitala noong huling taon. Mahigit siyam sa mga pinaslang ang kabilang sa midya.
Sa kabila ng mga krisis na kinakaharap ng bansa, nagbabadya ang muling tagisan ng namamayaning paksyunan sa pagitan ng pangulo at kanyang bise sa Kongreso. Isang pagtalikod sa mandatong magsilbi sa taumbayan ang pagsandig ng mga politiko sa kanilang sariling interes.
Sa gitna ng hidwaang ito, lalo pang umiigting ang tensyon matapos hatulang unconstitutional ng Korte Suprema ang articles of impeachment laban kay Vice President Sara Duterte. Ngunit ang usapin ng pananagutan ay hindi nagtapos sa desisyong ito—bagkus, lalong naging malinaw na ang pagpapatalsik kay Duterte ay hakbangin sa pagbubunyag ng mas malawak na korapsyon sa pamahalaan. Mula rito, maaaring mabuksan ang pinto para sa mas malalim na imbestigasyon sa mga makinaryang matagal nang nananamantala sa kaban ng bayan.
Kahingian ng panahon ngayon ang pagiging mapanagot at mapagmatyag, lalo na sa mga pagdedebatihang panukala at batas sa Kongreso. Sa gitna ng mga krisis na ito, malinaw na hindi sapat ang mga proyektong walang katuturan ni Marcos Jr. Pangunahing hakbang para panagutin si Marcos Jr. ang paniningil ng sambayanan sa administrasyon para sa climate justice. Sentral dito na pagpapasa ng Climate Accountability Bill na isinusulong ng Greenpeace Philippines, habang inuudyok din ang mga makataong kondisyon ng sahod, lupa, at karapatan. Ilan na rito ay ang P1,200 sahod, Campus Press Freedom Bill, at tunay na reporma sa lupa.
Kalahati na ng termino ni Marcos Jr. ang lumipas. Naniningil na ng katarungan at maayos na pamamalakad ang taumbayan, at ito ang katotohanang kailangan niyang tugunan at harapin. ●