Naniniwala akong patuloy kong hahanapin ang aking sarili. At kaakibat ng paghahanap na yon ang hindi matapos-tapos na mga tanong.
Mahalagang bahagi ng pag-ako sa aking sarili bilang baklang effem ang mga kaibigan ko noong hayskul, mga kababaihang trans na unang yumakap at nakita ang aking katawhan bilang feminine. Ngunit ramdam ko, mabubuhay akong palaging nasa bingit at pagitan sa panahong ito.
Kolehiyo nang muli kong mabalikan ang sarili kasama ang kaibigan hinggil sa aking identidad. Binabagabag ako ng mga tanong na pilit hinahanapan ng sagot. “Trans ba ako?” Tanong ko sa aking kaibigan. Sagot niya, “Ikaw, gusto mo bang babae ka?” “Ayokong maging lalaki,” sabi ko. Sigurado akong ayokong maging lalaki—at kahit na anumang gawaing maikakabit dito.
Pero paano kung hindi rin ako nakararamdam na gusto kong maging babae? Mas lalo akong binalot ng kaba at pagkalito, dahil ramdam ko ang kabuuan ng sariling katawhan kapag ipinepresenta ang sarili bilang babae. Iniisip ko kung kaya pa kayang malirip at bigyang lunas ng mga salita ang pakiramdam ko. Hindi ko na rin alam.
Sa kabila ng mga kontradiksyong ito, ganito ko tinatanaw ang aking sarili: habangbuhay na naglulunggati; nagiging kaisa ng mundo; nabubuhay; nalulumbay; lumilingkis sa bawat espasyo na humuhubog sa aking katawhan; at umaalpas sa identidad na hinuhulma ng lipunan.
Muling pumasok sa aking isip ang nangyari sa akin sa Maginhawa kasama ang mga kaibigan matapos mabalitaan ang nangyari kay Awra. Nakasuot ako ng floral skirt at naka puting polo, magkahalo ang “damit panlalaki” at “damit pambabae.” Muntikan na akong masagasaan ng biker kahit na nasa tabi naman kami ng malawak na kalsada. Buti na lang nahila ako ng kaibigan ko, kundi matagal na siguro akong pinaglalamayan. Sinigawan pa ako matapos makalayo, “Bakla!”
May itinatagong balintuna ang bisibilidad: Kahit na ipangalandakan ng yong panlabas na kaanyuhan ang yong pagkababae, hindi pa rin ito sapat para sa iba. Sa patuloy na pagtanggi sa pagrespeto ng pronouns o identidad ng isang trans, nababalot ng takot at panganib ang pag-iral ng kababaihang trans at transfeminine sa araw-araw. Paano ko aakuin ang aking sarili na yinayakap ang katawhan bilang baklang effem sa lipunang pilit na pinatatahimik at ikinukulong ang mga kagaya namin?
Marahil, alam ko naman ang sagot sa mga tanong. Ngunit, natatakot lang akong akuuin ito dahil sa panganib ng espasyong ginagalawan. Sa isang cisheteropatriyarkal na lipunan, madali lang ang mandusta, madali lang ang pumatay ng mga taong hindi umaayon sa binaryong identidad–maging ng mga indibidwal na trans.
Nito lamang, binigyang tawag ng Komisyon ng Karapatang Pantao ang padron ng pagpatay ng mga kababaihang trans sa bansa: transfemicide. Ito’y mga pagpaslang na may tulak ng pagkamuhi dahil lang sa kasarian at pagiging trans. Ang padron na ito ay hindi lamang naghahasik ng takot sa kababaihang trans; pinatutunayan din nito kung paano kadaling kumuha ng isang buhay nang hindi pinaparusahan. Mula kay Jennifer Laude na walang halang pinatay ng sundalong Amerikano na si Joseph Scott Pemberton—na ang depensa sa pagpatay ay “hindi babae” si Laude at nabigyan din ng absolute pardon para sa krimen—hanggang sa sunod-sunod na kaso nina Ali Macalintal, Ren Tampus, Kierra Apostol, at Shalani Dolina.
Kaakibat ng takot na dala ng mga pagpatay sa mga kababaihang trans ang pagpatay sa sariling identidad na siyang kabuuan ng sarili. Natatakot ako, dahil ramdam kong pwede rin akong sumunod. Patuloy kaming mananahan nang may prekaridad. Patuloy kaming magtatago sa dilim para lang makaramdam ng huwad na kaligtasan. Ngunit higit sa lahat, patuloy kaming mabubuhay. ●
*Pasintabi kay Jaya Jacobo.
Unang nailathala sa isyu ng Kulê noong ika-28 ng Hulyo 2025.