Napapalibutan ng takot at pangamba ang komunidad ng mga katutubong Dumagat-Remontado sa Tanay, Rizal nang magsagawa ng surveillance at profiling ang mga militar ilang araw matapos lumahok ang mga katutubo sa kilos-protesta noong State of the Nation Address.
Nakiisa ang mga Dumagat sa People’s SONA sa Commonwealth Avenue, Quezon City noong Hulyo 28 upang igiit ang kanilang karapatan sa lupa at irehistro ang kanilang panawagang ipatigil ang konstruksyon ng Kaliwa Dam, isang dambuhalang proyekto na magdadala ng pinsala sa lupa at pamumuhay ng mga katutubo.
Ngunit apat na araw matapos ang protesta, inulat ng mga katutubo na nag-ikot ang mga sundalo ng 80th Infantry Battalion sa kanilang komunidad upang alamin ang mga pangalan ng mga lumahok.
“Hindi talaga umalis yung mga militar at doon pa sa sentro, kumbaga sa sentruhan ng mga katutubo nakakampo, [naka-dispatch]. Takot talaga ang nararamdaman ng mga katutubo,” sabi ni Saara Rapisora, coordinator ng Karapatan Rizal, sa panayam ng Kulê.
Kabilang din sa nakakaranas ng intimidasyon ang naulilang pamilya nina Randy at Puroy Dela Cruz, kapwa lider-katutubo na pinangunahan ang laban ng mga Dumagat kontra sa Kaliwa Dam. Kabilang sila sa siyam na aktibistang pinatay sa Bloody Sunday Massacre noong Marso 7, 2021, at hanggang ngayon ay wala pa ring napapanagot.
Naghahanda ang pamilya upang magsampa ng kaso ngayong buwan at makahingi ng hustisya para kina Randy at Puroy. Ngunit mula Hunyo ay nakakaranas sila ng intimidasyon at panunuhol, kung saan inaalok sila ng “tulong pinansyal” para hindi ipagpatuloy ang kaso, mula sa mga tauhan ng Tanay Municipal Police Station.
Nagaganap ang intimidasyon sa kabila ng salat na suporta mula sa gobyerno upang makaahon ang mga Dumagat mula sa matinding pag-ulan noong Hulyo. Bilang grupong naninirahan sa Sierra Madre, isa sila sa unang naapektuhan ng habagat at bagyo, at marami pa rin sa komunidad ay walang makain.
“Sa usapin ng produksyon, eh di yung mga binhi nila, yung mga tanim nila ay lubos na naapektuhan. Pangalawa, hindi sila mabilis na nakakapuntang bayan para sana makabili ng pagkain dahil nga sa kataasan ng ilog,” ani Rapisora.
Matagal nang tinututulan ng mga Dumagat ang konstruksyon ng Kaliwa Dam na sinimulan noong 2021 sa pangunguna ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System at China Energy Engineering Corporation.
Bagaman magdadagdag ito ng 600 milyong litrong tubig sa suplay ng Metro Manila bawat araw, tinatayang 9,700 ektarya ng kagubatan ang babahain at halos 1,500 pamilya ang kakailanganing lumikas mula sa Rizal at Quezon.
Bilang pagtutol sa proyekto, nagkasa ng iba-ibang protesta nitong mga nakaraang taon ang mga katutubo at mga grupong pangkalikasan laban sa Kaliwa Dam. Noong 2023, nagmartsa ang 300 Dumagat mula Quezon patungong Metro Manila sa isang alay-lakad bilang pagtutol sa proyekto.
Ngunit imbes na pakinggan ng gobyerno ang kanilang mga hinaing, tinaasan pa ng National Economic and Development Authority ang kabuuang pondo ng proyekto mula P12.2 bilyon hanggang P15.3 bilyon noong Abril.
Tinutugunan din ang mga Dumagat ng dahas sa sapilitang pagpasok sa komunidad at maging ang pekeng pagpapasuko sa ilang katutubong pinagbibintangan bilang bahagi ng mga rebeldeng grupo.
Sa kabila ng mga insidente ng harassment, patuloy ang panawagan ng mga katutubo na itigil ang mga mapaminsalang proyekto at palayasin ang mga militar sa kanilang lupang ninuno.
“Dapat ang mga katutubo ay magkaroon ng sariling pagpapasiya, at itigil ang pangangamkam sa lupaing ninuno,” ayon kay Rapisora. ●