Apat na beses pa lang nagkaroon ng Martial Law sa Pilipinas: Laurel noong 1944, Marcos noong 1972, Arroyo noong 2009, at Duterte noong 2017. Para sa Karapatan Southern Tagalog, ang mga pangyayari sa Mindoro ngayon ang maaaring ituring na panlima.
Ipinagmalaki ng 4th Infantry Battalion sa isang Facebook post ang isang engkuwentro laban sa New People’s Army (NPA) sa Sitio Salidang, Brgy. Naibuan, San Jose, Occidental Mindoro noong Ago. 1, na nauwi sa bangkay ng umanong isang miyembro.
Ngunit ipinunto ng National Democratic Front of the Philippines na imposible ito, lalo’t walang yunit ng NPA Mindoro sa nasabing barangay noong araw na iyon.
Sa halip, nauwi ang naging operasyon ng 4th IB sa pagpaslang kay Juan Sumilhig, isang sibilyan. “Taliwas at nakakapagtaka din ito sa paulit ulit na deklarasyon ng 203rd Bde (brigade), 68th IBPA, at ng local government unit ng San Jose na wala nang NPA sa saklaw ng San Jose,” saad sa isang pahayag ni Patricia Andal, NDF-Mindoro spokesperson.
Hindi malayo ang kinagisnang buhay ni Sumilhig, mahigit 50 anyos, sa kasalukuyang sitwasyon ng mga Mangyan. Maaga siyang namulat sa pananamantala at pang-aagaw ng lupa bilang nanggaling sa pamilya ng maralitang magsasaka-Maranao sa Mindanao. Bunsod nito, mahigit isang dekada rin siyang nakipamuhay sa mga komunidad ng katutubong Buhid at Hanunuo Mangyan.
Ngunit nagresulta ang pagmamahal niya sa mga katutubo sa dalawang tama ng bala: isa sa dibdib at sa kaliwang balikat. Giit ng humanitarian team, inamin na rin mismo ni Occidental Mindoro police commander Victor Lacwasan na koordinado sa mga pulis ang planadong pagpatay.
Pagkubli sa Katotohanan
Pangatlong kaso ng extrajudicial killing ng 4th IB si Sumilhig ngayong taon. Nagsimula ito sa 21 anyos na si Jay-el Maligday noong Abril 7, kung saan bigla na lang pinasok ng mga militar ang kanyang bahay at bigla siyang pinagbabaril. Ganito rin ang sinapit ng magsasakang si Hulyo Aytag noong Marso 14, kung saan pinaslang siya habang nasa kampo.
Dalawang araw matapos ang pagpaslang kay Sumilhig, sinundan at minanmanan ng mga taong nakamotorsiklo ang bawat opisina at puneraryang pinuntahan ng isang humanitarian team na naglalayong usigin ang kaso niya, ayon sa isang ulat ng Karapatan Southern Tagalog.
Nang makarating sila sa punerarya, tumambad sa kanila ang mga sundalo kaysa sa mga tao ng LGU. “Binabantayan nila ang labi ng mismong biktimang inaakusahan silang pinaslang. Ayon sa kanila, ginagawa raw nila ito bilang “proteksyon” sa labi. Tanong namin: proteksyon mula kanino?” pagsisiyasat ng Karapatan Southern Tagalog.
Para din sa grupo, malinaw na paglabag ito sa Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law, na nagsasaad na sa LGU dapat ang kustodiya ng mga labi ng mga nasawi sa pinaghihinalaang armadong labanan, at hindi sa militar.
Limang araw na ang lumipas, hindi pa rin inililibing si Sumilhig at hindi na rin nagbigay pa ng tugon si San Jose Mayor Rey Ladaga patungkol sa pagpaslang.
Ang huling sinabi ni Ladaga na nakalap nila: “Wala akong magagawa.”
Ganito rin ang natamo ng isa pang humanitarian team na bumisita sa San Jose para alamin ang kabuhayan at kalagayan ng mga Mangyan, nitong Miyerkules. Patuloy silang hinaharang ng barangay pati ng LGU, bago makapunta sa mga katutubo.
Ayon sa barangay, kinakailangan daw munang aprubahan ng AFP ang pagpunta ng humanitarian team sa lupang ninuno ng mga Mangyan. Diin ng Karapatan Southern Tagalog, binabalewala nito ang right to self-determination ng mga Mangyan sa Indigenous People’s Rights Act, na “nagsasabing hindi dapat sila hinahadlangan na makipag-usap sa kahit sino kung kanilang gugustuhin.”
Litaw din ang relasyon ng LGU at militar sa isang kaso ng pag-iintimida kamakailan lang. Isang barangay official ng Paclolo, Occidental Mindoro ang dumating kasama ang isang di kilalang lalaki, na tahasang inakusahan ang isang humanitarian team sa pagbibitbit ng mga armas, nitong Sabado.
Itinurong dahilan ng grupong Defend Mindoro ang Retooled Community Support Program Operations ng AFP sa patuloy na presensiya ng militar sa San Jose, nilelehehitimisa ng mga ganitong operasyon ang matinding militarisasyon sa lugar.
Ganito rin ang binabanggit ng Karapatan Southern Tagalog, sa nakakubling panghihimasok ng militar sa pamamagitan ng Civil Military Operations, naisasainstrumento ang takot na siyang inilalagay ang isla sa isang de facto martial law.
Ang Sitwasyon ng Mindoro
Hindi lang mga pamamaslang ang dala ng militarisasyon sa San Jose, sabi ng Defend Mindoro. Kasama na rito ang pagturing dito bilang isang “putahan”, na siyang tahasang nagpapahamak sa mga kababaihan sa lugar.
Dagdag nila, matapos gamitin ng mga sundalo ang kababaihan sa Sitio Mantay, “binabayaran sila ng maliit na halaga para manahimik pagkatapos.”
Mula 2022 din, tumindi ang mga kalapastanganan sa karapatang-pantao sa San Jose sa anyo ng harassment, sapilitang pagpapasuko, tortyur, at pambabastos na ikinukubli sa pamamagitan ng civil-military operations, ayon sa Karapatan Southern Tagalog.
Patunay rin ang patuloy na pag-igting ng mga kaso ng pambobomba at pambubulabog sa mga Hanunuo Mangyan sa lumulubhang kaso ng karapatang-pantao sa Mindoro, ayon sa isang ulat ng Kulê. Nitong Pebrero lang, tatlo agad ang naging kaso ng pag-atake sa Mindoro. Wala ring takas ang fact finding team na nakaranas ng pangha-harass mula sa dalawang military intelligence.
Nitong Huwebes lang, may inilabas muli ang 4th IB na post na nagsasabing inilibing “nang may dangal at paggalang” si Sumilhig. Hanggang sa kaniyang huling hantungan, binansagan pa rin siyang miyembro ng NPA.
Isang araw bago ang libing, naglabas pa muli ng propaganda ang 4th IB na nagsasabing may kinakaharap si Sumilhig na dalawang kaso ng murder at dalawang kaso ng frustrated murder, pati na tumakas daw ito mula sa Sablayan Penal Colony.
Taliwas ang pagpipinta ng gobyerno kay Sumilhig sa kung papaano siya kinilala sa mga komunidad ng Mangyan, kung saan siya nagpalipat-lipat mula 2012. Kahit nakasuhan at nakulong na rin siya sa Sablayan Penal Colony, dahil sa paglaban niya para sa kanilang lupang sakahan sa Mindanao, hindi ito naging sapat para maimpid ang kaniyang pag-oorganisa.
“Matiyaga niyang tinuruan ang mga katutubo sa pagsasaka sa pagpupundar ng mga tubigan, paglikha ng mga irigasyon, at iba pang kaalaman at teknik sa pagsasaka na hindi itinuro ng reaksyunaryong gobyerno sa mga katutubo,” dagdag ni Andal. “Nagsilbi siyang manggagamot ng masa …, naging tagapag-ayos ng mga kaso at problema ng masa, at naging titser ng mga katutubo...”
Isang linggo matapos ang pagpaslang kay Sumilhig, dalawang pinagsususpetsahang miyembro ng NPA ang pinatay na naman ng AFP, sa Roxas, Oriental Mindoro. Nang tumungo ang humanitarian team sa punerarya, gaya rin ng ginawa nila kay Sumilhig, nakitang nakabantay na naman ang AFP sa mga bangkay.
“Hindi pa abswelto ang 4th IB sa mga naunang kasalanan nito sa pamilya Maligday at pamilya Agtay. Kung nananatiling malaya ang mga sundalong pumapatay sa mga sibilyan, habambuhay ang paniningil ng mamamayang Mindoreño sa institusyong instrumento ng gobyerno sa patuloy na paglabag sa karapatang pantao,” saad ng Defend Mindoro. ●