Pinisikal ng 203rd Infantry Brigade at PNP Roxas sa harap ng Roxas Municipal Station at Lordville Funeral Services ang isang humanitarian team na nagsasagawa ng humanitarian mission noong Sabado, matapos ang dalawang bagong kaso ng extrajudicial killing sa lugar.
Kinabibilangan ang humanitarian team ng ilang mag-aaral mula sa UP Los Baños at UP Diliman na nakakampo pa rin sa punerarya ngayon.
Tumungo ang humanitarian team sa Mindoro upang mangumusta at tiyaking maayos ang pagtrato sa dalawang bangkay ng mga umanong miyembro ng New People’s Army na pinatay ng militar noong Huwebes, ayon sa Karapatan Southern Tagalog.
Pumunta ang humanitarian team sa opisina ng PNP Roxas dahil pumayag ang hepe nitong makipagdayalogo sa kanila kahapon. Ngunit sa harap ng estasyon pa lang, binantaan na sila ng operations officer ng estasyon na si Holden Guerrero na ikukulong sila dahil sa pagpupumilit nilang pumasok.
Imbes na kumprontahin sila nang maayos ng hepe ng estasyon, pinaghintay ang grupo ng ilang oras. Sa huli, ang dapat na pakikipagdiyalogo ay nauwi sa pananakit at pagtapon sa lupa sa mga paralegal.
Naiwan ding punit-punit ang damit ng isang miyembro ng humanitarian team, matapos subukang palayasin at palayuin sila sa estasyon kung saan dapat may magaganap na pagpupulong.
Tumungo pagkatapos ang team sa Lordville Funeral Services, kung saan nalalagi ang dalawang bangkay, para magprotesta sa harap nito. Agad nagpadala ang militar ng kanilang puwersa kung saan pinisikal ang humanitarian team.
Habang sinusubukang i-smuggle ni Guerrero ang bangkay papalayo sa team, nagbanta ito na papaputukan niya ang mga nagpoprotesta. Kasabay nito, may isa silang kasamahang ngungusuan ng baril, ngunit nakailag dahil nakita niya ito.
“While conducting the fact finding mission, members of the humanitarian team had their clothes torn, glasses broken, and feet run over by a vehicle. One member of the team almost got shot by the police while protecting the women in the group,” saad ni Karapatan Southern Tagalog spokesperson Ida Palo sa Kulê.
Pinagbantaan ng PNP Roxas na labag sa batas ang nasabing protesta, kahit hindi ito mabanggit ang nasabing batas, dagdag ng Anakbayan.
Ayon sa mga ulat, hinablot din ng mga pulis si Nemo Yangco, 40th student regent nominee ng UPLB College of Engineering and Agro-technology.
Matagal nang biktima si Yangco ng paniniktik ng estado. Noong 2024 pa lang, napag-alamang may mga taong umaaligid na sa kaniyang apartment.
Labag sa Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law ang mariing pagkontrol ng mga militar sa mga nasawi sa pinaghihinalaang armadong labanan. Ayon dito, nasa LGU dapat ang kustodiya ng mga labi, kung kaya’t tinututulan ng mga grupo ang naging aksiyon ng militar sa Mindoro.
Ganitong-ganito rin ang sinapit ni Juan Sumilhig, na kinuha ng militar ang bangkay at nailibing lamang makalipas ang isang linggo. Nitong Ago. 1 lang, pinaslang ng 4th IB ang sibilyan na si Sumilhig na pinalabas na resulta ng isang engkuentro laban sa New People’s Army sa San Jose, Mindoro.
“This incident shows the deeply entrenched militarization in the countryside, where instead of respecting the law and humanitarian work, state forces resort to harassment and violence. We stand firm that no amount of threats, intimidation, or violence will deter us from delivering humanitarian aid and upholding the rights of the people.” banggit ni Jeverlyn Seguin, spokesperson ng Katipunan ng mga Samahang Magbubukid sa Timog Katagalugan. ●