Sa ating butihing Tsanselor Edgardo Vistan, sa mga miyembro ng Board of Judges na pinamunuan ni Dekana Diosa Labiste, sa mga kasama ko sa Editorial Board, sa mga minamahal kong miyembro ng Kulê, sa mga miyembro ng konseho ng mag-aaral ng UP Diliman, at sa lahat ng mga kaibigan ng malayang pamamahayag,
Kung pagtugon sa hamon ng panahon lang ang sukatan ng tagumpay ng isang institusyon, siguradong nagpunyagi ang Collegian noongnakaraang taon. Kahit nabinbin ang pag-imprenta ng pisikal na kopya ng Kulê ng pitong buwan, nakapaglabas pa rin tayo ng labingpitong pisikal na isyu, isang tagumpay kung tutuusing limang buwan lang ito nagawa. Naudlot man ng problema sa badyet ang suporta sa miyembro para sa gastos ng presswork, malalim at malawak pa rin ang mga nasuring isyung panlipunan ng publikasyon. At sa gitna ng tunggalian ng Marcos, Duterte, at iba pang makapangyarihang interes, tumindig ang Kulê sa panig ng mga sektor, na silang pinakagipit sa kapalpakan ng administrasyon at estado.
Pero malayo pa ang pwede nating marating. Marami pa ang pwede nating wastuhin.
Siguro tanong ko na lamang sa inyo: kelan huling nakarinig ng balita ang mga kaibigan natin sa labas ng publikasyon hinggil sa pang-aabuso sa karapatang pantao sa kanayunan? Kelan huling nagkapake ang karaniwang estudyante sa isang isyu dahil sa ating nasulat? Kelan huling nakabasa ang estudyante tungkol sa isyu ng unibersidad sa ating mga pahina? O kung nakakapagbasa pa nga ba sila?
Sa paglabas-pasok ng mga estudyante sa UP Diliman, hindi nagbabago ang tungkulin ng Kulê na magpamulat at magpakilos. Ebidensya ang mga nakatambak na dyaryo natin sa sulok ng Palma Hall o ng Vinzons na kailangan pang paghusayan ng publikasyon ang koneksyon nito sa mambabasa. Ang hamon ngayon ay hindi lamang ipakilala muli sa komunidad ang Collegian. Ang hamon ngayon ay ipundar ang tiwala ng komunidad sa Collegian.
Haharapin natin ang hamong ito nang buo ang lakas at buo ang loob. Sa ika-isangdaan at tatlong taon ng Collegian, hindi komunidad ang mangangarap na abutin o umugnay sa Collegian, bagkus tayo mismo ang lulubog sa komunidad.
Ipagpapatuloy natin ang matalas at malalim nating pag-uulat sa mga isyu ng unibersidad at bansa—komersalisasyon ng edukasyon, kawalang-pananagutan sa mga opisyal, at patuloy na kahirapan ng sambayanan. Gagawin natin ito na may layuning ipaabot ito at ikonekta sa danas ng estudyante at komunidad ng UP, ang ating primaryang mambabasa. Gagamitin natin anumang paraan at anumang plataporma—kaya itatayo ng Kulê ang pinakabago nitong section, ang multimedia.
Bubuksan din natin ang mga pahina at operasyon ng publikasyon sa mambabasa nito, na sila namang pumopondo sa ating operasyon. Mas makikipag-tulungan tayo sa mga organisasyon sa loob at labas ng UP. Mas magiging bukas tayo, sa pamamagitan ng paglabas ng guidelines at financial statements ukol sa operasyon ng publikasyon. Papaigtingin natin ang alyansa ng mga publikasyon ng unibersidad, at sisiguraduhing handa tayong tumulong saan man tayo kailanganin. Mananatili tayong bukas sa kritisismo sa mga pagkakataong tayo ay magkamali.
Binabandera ng Collegian ang mga layuning ito nang may buong pagtitiwala sa mga miyembro nito, na silang pangunahing lakas ng publikasyon. Sa mga miyembro ng Kulê: ang pag-aalaga natin sa isa’t isa, at ang kolektibo nating pagkilos ang magtatawid sa atin sa tagumpay.
Gagap ng Collegian ang bigat ng papel nito bilang opisyal na publikasyon ng mga mag-aaral ng UP Diliman. Gagap nito ang radikal na tradisyon nito ng alternatibong pamamahayag na nakasandig lagi sa mga inaapi. Gagap nito ang tungkuling makapagmulat at makapagpakilos sa gitna ng malalaking laban sa loob at labas ng pamantasan. Pero kasama ang sangkaestudyantehan at ang mas malaki pang komunidad ng UP, alam naming mapagtatagumpayan din natin ang laban. ●
Talumpati ng pagtatanggap ng tungkulin bilang susunod na punong patnugot ng Philippine Collegian. Ipinahayag sa Turnover Ceremony noong ika-12 ng Agosto 2025, Vinzons Hall, UP Diliman.