Sa dinami-dami ng mga artikulong naisulat at na-i-edit ko, sinong mag-aakalang sa pagsusulat lang pala ng social media caption masusukat ang karanasan ko sa publikasyon magmula pa noong high school.
Simple lang naman ang utos ng supervisor ko: Magsulat ng social media caption para sa bagong imprastraktura ng pamahalaan, at kung sino ang mga matutulungan nito. Sa loob ng halos dalawang buwan ng internship, umikot ang trabaho ko sa madalas ko naman nang ginagawa sa Kulê—ang pagsusulat.
Kung tutuusin, hindi naman na dapat ako nahihirapan. Matagal na akong nagsusulat bilang miyembro ng publikasyon, pinapalalim ang analisis sa bawat isyung tinatalakay sa mga artikulo. Pero noong mga sandaling iyon tila hindi ko na mapurga ang natitirang brain cells ko. Sa pagkatataong mga prinsipyo at ideolohiya na ang tumutunggali sa kakayahan kong gawin ang trabaho, nahihinto ako—natutuliro at tila naninibago.
Ito na siguro ang pinakamalaking hamong naranasan ko bilang lingkod-bayan: Harapin ang kontradiksyon ng pagtatrabaho sa loob ng isang sistemang batid mong lumalabag sa mga batayang karapatan ng masa.
Mahirap purihin ang mga nagtataasang gusali at naglalakihang proyekto kung alam mong ang naging kapalit nito ay tirahan ng indigenous peoples o kabuhayan ng mga magsasaka. Ito marahil ang bumabagabag sa isip ko sa bawat trabahong iniatas sa akin. Lalo pa para sa akin na nakaranas nang makisalamuha at makipamuhay sa mga magsasaka at pesante, mangingisda, at IPs na silang pangunahing apektado ng kaunlarang pilit idinadambana ng administrasyon.
Kasabay nito, nariyan ang katotohanang may kaakibat na intensyon at pagpapasya ang pagsusulat, at batid ito ng maraming mamamahayag.
Sa panahong buhay na buhay ang disimpormasyon at malala ang paglalathala ng administrasyon ng sarili nitong mapanlinlang na naratibo, patuloy na pinagkakaitan ng boses ang mamamayang Pilipino habang naisasantabi ang kanilang mga karapatan at kapakanan. Bawat balita, press release, at artikulo, kung gayon, ay may kontribusyon sa namamayaning naratibo na kinokonsumo ng mga mambabasa. May parehong bigat para sa mga manunulat ang pagpapasya kung kaninong kwento o naratibo ang litaw sa mga isinusulat nito, kung hindi man tahasang nagpapakalat ng disimpormasyon.
Ngunit napagtanto kong hindi ko basta basta mahuhusgahan ang mga kawani ng opisinang ito. Tulad ng marami, ito ang bumubuhay sa kanila at nakatutulong na suportahan ang pamilya. “Nasa ganyang stage ka pa pala ng buhay mo?” sambit ng isa kong katrabaho na dating miyembro ng isang progresibong pormasyon ng mga manunulat. Mula sa pagiging mamamahayag, natulak siyang maghanap ng ibang trabaho dahil walang pera sa midya at mababa ang pagpapahalaga sa mga tulad namin, aniya.
Sa tumitinding represyon at pananamantala ng estado, wala na dapat pang puwang sa mga iskolar ng bayan na hayaang maging yugto na lamang ang pagiging masikhay sa pagkilos. Garapalang tinatakasan ng mga nasa pwesto ang pananagutan sa publiko, habang naisasantabi ang kanilang mandato sa pamumulitika at paksyunan. At sa dami ng mga estudyante mula sa pamantasan na kalaunang naging instrumento ng estado sa paglabag nito sa karapatang pantao, mas umiigting ang kahingiang panindigan ang prinsipyo at tunay na magsilbi sa publiko.
Higit na kahingian sa ating mga lingkod-bayan ang pagsisigurong nailalapat ang mga susing konseptong pinag-aaralan sa tunay na pangangailangan at konkretong danas ng masa. Lampas dito, tunay lamang na makakamtan ang mabuting pamamahala sa pagsisigurong tangan ng bawat lingkod-bayang iniluluwal ng pamantasan ang pagsasapraktika ng mga natutuhang prinsipyo at teorya.
Kung may napulot man ako sa maikling karanasan ko sa opisina, ito ang tumitinding kahalagahan ng midya, partikular ng alternatibong midya, sa patuloy na paglalathala at pagsusulat. Pagkat wala nang mas epektibong makatutunggali sa propaganda ng estado kundi ang mismong danas at kwento ng mga magsasaka, IPs, manggagawa, kababaihan, at kabataan. Silang tunay na apektado ng sistema, silang dapat na pinaglilingkuran ng pamahalaan.
Higit pa sa aking natutuhan, lalo lamang umigting at napagtibay ang tiwala ko sa tungkulin nating mga mamamahayag na makapagpamulat, tangan ang kwento ng katotohanan ng ating mga sinusulatan. Sa maikling oras na ginugol ko sa opisina, masasabi kong patuloy pa rin ako babalik sa kinagisnang kong kritikal na pagkilos at pagsusulat sa Kulê.
Karamihan sa aming mga lingkod-bayan ang susuong sa pagtatrabaho sa pamahalaan sa nalalapit naming pagtatapos. Alam kong alam din ng bawat estudyante sa aming programa ang sagot sa tanong na “Para kanino nga ba ang public administration?” Nawa’y manatili sa bawat isa sa amin ang mga aral at tuntuning humulma sa aming pagiging Iskolar ng Bayan. ●
Unang nailathala sa isyu ng Kulê noong ika-12 ng Agosto 2025