Kung paano natunghayan ng mundo ang ebolusyon ng midya, ganoon din sinabayan ng Kulê ang pagbabagong-anyo ng peryodismo sa loob ng mahigit isang siglo. Kaya sa ika-103 taon ng pahayagan, opisyal nang kinikilala bilang hiwalay na seksyon ang Multimedia, bitbit ang mga pagpupunyagi ng mga nagdaang termino na yumakap sa iba-ibang makabagong moda ng pamamahayag.
Inumpisahan ng Kulê ang mga inobasyong ito sa maiikling video, interbyu, hanggang sa dokumentaryo. Para sa publikasyon, tulay ang mga ito upang epektibong maisulong ang pamamahayag na bumabasag sa pang-aapi.
Patunay itong inaangkop ng pahayagan hindi lang ang nilalaman ng mga kwento ng paglaban, kundi maging ang mismong paraan ng paglalathala nito ayon sa mga kahingian ng panahon.
Pagbabalik-tanaw
Sa pagdatal ng dihitalisasyon, umangat ang pagkonsumo ng impormasyong nasa porma ng mga video batay sa unang Digital News Report ng Reuters Institute noong 2012. Dahil dito, matapos ang mahabang panahon ng paglilimbag ng mga dyaryo, mababakas sa ika-87 taon ng Kulê pa lamang ang unti-unting pagtatangka na gawing instrumento ang video sa paglalathala. Sa Facebook page ng terminong ito, unang inilakip ang mga kuha mula sa Hacienda Luisita Caravan at protesta hinggil sa Maguindanao Massacre noong 2009.
Sa sumunod na termino, dahil YouTube na ang naging primaryang plataporma ng mga video na dinaragsa ng kabataan, nilikha ang unang YouTube channel ng pahayagan noong Pebrero 2011. Laman nito ang mga panayam sa mga kumakandidato noon sa University Student Council. Ipinagpatuloy naman sa bagong channel sa ika-90 termino ang mga gawing ito.
Sa ika-91 taon, ipinakilala ang programang “#Kulê91seconds,” naglalaman ng mga interbyu ng mga tumatakbo para sa konseho at mga nominado bilang Student Regent. Nanatili ang tradisyon ng pakikipanayam na ito hanggang sa Facebook, at nadagdagan pa ng programang “Sumatotal,” isang quiz show na kumikilatis sa kaalaman ng mga kandidato na sinimulan noong 2016 at 2017.
Sa loob din ng dalawang taon na ito, tumutok ang Kulê sa Lakbayan ng Pambansang Minorya, isang taunang pagtitipon ng mga katutubo. Noong 2017, naglabas ng infographic video ang pahayagan ukol dito. Sa puntong ito, muling lumawak ang paksang saklaw ng mga video mula sa mga usaping pampaaralan patungo sa isyung panlipunan.
Puspusang pamamatyag
Pagsapit ng 2018, ibayong humakbang palabas ng unibersidad ang ganitong paraan ng pag-uulat. Gamit ang multimedia, sinuong ng Kulê ang mga espasyo ng impormasyong pinaghaharian ng mga vlogger na nagpalala ng disimpormasyon at nagdulot ng kawalan ng tiwala ng mga tao sa mga peryodista.
Isinapubliko sa Facebook ang makailang-beses na senaryo ng panunupil gaya ng nangyari sa piket sa NutriAsia at welga ng mga manggagawa sa Surface Mount Technology Inc. Kahit noong kasagsagan ng pandemya, hindi napigilan ang Kulê na ilantad sa publiko ang kalagayan ng frontliners. Sa panahon ding ito nakuhanan ang mga eksena sa mga protestang kumokundena sa Anti-Terrorism Law, na isinabatas sa administrasyon ni Rodrigo Duterte.
Noong ika-100 termino ng Kulê at ika-50 taong paggunita sa deklarasyon ng batas-militar, inilabas ng pahayagan ang dokumentaryong “Langkap ng Memorya, Deka-dekadang Pasya,” tampok ang mga dating miyembro ng Kulê sa kalagitnaan ng diktadura. Samantalang sa Buwan ng Kababaihan noong 2023, ibinida naman ang isang serye tungkol sa pakikipagbuno ng mga babaeng lider para sa kapakanan ng kanilang sektor.
Taong 2024, ilan sa mga sinulatan ng artikulo ng pahayagan ang ginawan ng video tulad ng mabusising pagsisiyasat sa badyet ng UP system para sa naturang taon, gayundin ng pagsisiwalat sa estado ng mga tsuper sa gitna ng banta ng PUV phaseout. Naglabas din ang Kulê ng mga ulat hinggil sa UP-AFP Declaration, panawagan ng pagpapalaya para sa mamamahayag na si Frenchie Mae Cumpio, at panunuligsa ng komunidad noong unang binuksan sa publiko ang DiliMall.
Oktubre din nitong nakaraang taon nang pasukin ng Kulê ang TikTok. Sa Digital News Report ngayong 2025, napag-alamang dumarami na ang sumasangguni rito para sa impormasyon. Dito ibinabahagi ng Kulê ang mga video tungkol sa mga napapanahong usapin gaya ng pagpapaunawa sa mga balitang-sakuna. Inilunsad rin ang programang “Tip Jar” kung saan nag-iinterbyu ng mga mag-aaral ang pahayagan gaya noong Araw ng Pagtatapos at UP College Admission Test ngayong taon.
Sa malikhaing pagpapalaganap ng impormasyon, makapangyarihan ang pag-uugnay sa kulturang popular upang makuha ang kiliti ng madla at mabisang mapatimo ang mensahe, ayon kay Luis Lagman, namumuno sa seksyon ng Multimedia. Sa kabilang dako, tinatanaw rin ng seksyon ang makagawa ng mga dokumentaryo sa mga marhinalisadong komunidad.
Tulad nitong Abril, nagbunga ang ilang buwang pagsisikap ng mga kasapi ng Kulê sa dokumentaryong “Bagsakan,” tampok ang mga magsasaka sa Bulacan na nagpasyang magtinda sa unibersidad upang umigpaw sa mga pangingikil at pang-aabuso ng militar sa kanilang lupain. Habang sa malalaking mobilisasyon, naging standupper ang ilang mga kasapi tulad noong ika-39 na anibersaryo ng EDSA People Power, SONA ni Ferdinand Marcos Jr. nitong nakaraang buwan, at ang kamakailang 59th General Assembly of Student Councils.
Sa lahat ng kuwentong ito na matingkad na naisalarawan ng Kulê, malinaw ang ginampanan ng Multimedia: aktibo itong sumasabay sa bawat takbo ng mga uring api para bigyang-buhay ang bawat mukha ng paglaban.
Pag-usad sa pagsipat
Dahil laganap na sa kasalukuyang midya ang ganitong gawi ng pag-uulat, tinugunan ito ng Kulê sa pagyakap sa Multimedia bilang opisyal na seksyon at nagsimula nang maghanap ng mga miyembro nitong Hunyo.
Ngayon, habang ipinapanawagan ng pahayagan na mapagkalooban ang seksyon ng karampatang pondo, patuloy na patatagusin ng Multimedia sa kamera ang mga kwentong nakasentro sa interes ng masa at sa lente ng kritikal na pamamahayag—sa dokumentaryo, longform, o maiikling reels man.
“Multimedia encourages Kulê to innovate more para mas mainam na dumikit sa kamalayan ng tao ang midyang kanilang kinokonsumo,” ani Lagman.
Sapagkat pabago-bago man ang kalakaran ng midya, hindi nito mapapalabo ang prinsipyadong kamalayan ng Kulê sa pamamahayag na may progresibong pagtingin—isatitik man sa mga pahina o matunghayan sa mga iskrin. ●