Ni S.B.D. AFABLE
Ang taon ay 1896. Hudyat ng pagpunit ng sedula ang simula ng himagsikan laban sa 300-taong pananakop ng Espanya. Pinangunahan ito ni Andres Bonifacio, 28 taong gulang, kasama ang maraming kabataang miyembro ng Katipunan.
Ang taon ay 1970. Sinalubong ang mga unang buwan ng taon ng sunod-sunod at malakihang mga protesta laban sa rehimeng US-Marcos. Pinangunahan ng kabataan ang pagkilos sa mga lungsod at Pamantasan.
Hinubog ng pag-organisa’t pagkilos ng kabataan ang ating kasaysayan. Kaya’t nang palihim na inihimlay ang diktador sa Libingan ng mga Bayani, ipinakita ng kabataan ang kanilang mariing pagtutol. Tulad ng dating lumaban sa diktadura, sama-sama silang lumilikha ng kasaysayan sa lansangan.
'Kung hindi tayo kikilos, sino ang kikilos? Kung hindi ngayon, kalian pa?'
Umani ng batikos ang isinigawang protesta ng mga mag-aaral ng St. Scholastica’s College (SSC) laban sa libing ng yumaong diktador. Sa kabila ito ng mga dati nang pagprotesta ng mga “Kulasa” para sa mga Lumad o mga dinukot na batang Nigerian.
Dahil sa kanilang edad at kawalan ng karanasan, madalas na kinukuwestiyon ang kapasidad ng kabataan na unawain ang lipunan at maging bahagi ng diskusyong pulitikal at mga pagkilos. Ngunit taliwas ito sa ating kasaysayan. Sa katunayan, liberal na edukasyon at mga bagong ideya ang nagbigay-daan upang pangunahan ng kabataang Propagandista at Katipunero ang pag-alsa laban sa Espanya.
Sa pag-usbong ng mga bago at radikal na ideya sa mga pamantasan noong dekada ’60, kasabay ng iba pang pagkilos ng kabataan sa iba’t ibang panig ng mundo, muling umigting ang kamalayang makabayan ng kabataang Pilipino. Nagbigay sila ng matalas na pagsipat sa tumitinding kalagayan ng lipunan.
Pinatutunayan lamang nito na kritikal na edukasyon at kamalayan ang laging tumutulak sa kabataan upang harapin at kuwestiyunin ang realidad, at upang makapagsulong sila ng mga progresibong pagbabago kasama ng iba pang mga sektor ng lipunan.
Hindi nakapagtatakang kabataan din ang nanguna sa makasaysayang First Quarter Storm noong 1970 na yumanig sa rehimeng Marcos. Kalauna’y kabataan din, si Liliosa Hilao, ang unang naging biktima ng batas militar, at sinundan ng marami pang kabataang dinukot, tinortyur at pinatay.
Nagpatuloy ang pagtindig at pag-organisa ng maraming kabataan kasama ang uring manggagawa—mula sa pagpapatalsik sa diktador, paglaban kasama ng mga magsasaka, pagpigil sa tuition hike, pagpapatalsik muli sa isang pangulo, planong pagbitay sa isang OFW, at sa maraming isyung mahalaga sa lipunan.
'Kapag namulat ka sa katotohanan, kasalanan na ang pumikit.'
Karaniwang ipinagpapalagay ng marami na sagabal sa “edukasyon” ng kabataan ang kanilang pakikilahok sa mga kilos-protesta. Ikinukulong pa rin ang edukasyon sa apat na sulok ng klasrum, pamantayan ng kaalaman ang grado, at ang diploma’y tiket para makapagtrabaho.
Nagiging bangkong walang laman ang isang mag-aaral, ayon sa guro at pilosopong si Paulo Freire sa “Pedagogy of the Oprressed.” Sa “banking model” ng edukasyon, lagi lamang nakabukas ang “bangko” upang pasibong tanggapin ang anumang kaalamang idedeposito ng guro. Kaya ang mga paaralan ay nananatiling espasyo ng kompetisyon at hindi para sa makabuluhang diskurso, at pinananatili lamang ng edukasyon ang karahasan sa lipunan.
Malayo ito sa radikal at mas makabuluhang tunguhin para sa mga “pag-asa ng bayan” na natunghayan sa kasaysayan. Para kay Freire, mahalaga sa tunay na paglaya ng lipunan ang isang edukasyong huhubog sa kritikal na kamalayan. Hindi na lamang dapat pasibong tagapagmasid at bangko ng impormasyon ang kabataan; kailangang kaya na nilang kilalanin at suriin ang mga isyu ng lipunan.
Pinatunayan ito ng libu-libong mag-aaral na sumama at nanguna sa mga nakaraang kilos-protesta. Bagaman pilit na nililimitahan ang pakikilahok nila sa mga isyu, ipinapakita nila na nananatili ang pagiging mapanuri at kritikal ng kabataan. Hindi pa man ipinapanganak ang mga millennial noong Batas Militar, kaya nilang pumanig sa tamang bersyon ng kasaysayan.
'Temperamental brats will change the world!'
Tumataliwas ang ipinakitang pagmobilisa ng kabataan sa katangiang pilit ikinakabit sa “millennials”—indibidwalista at kimi sa mga isyu. Hindi naman sang-ayon si Propesor Sarah Raymundo ng UP Sociology na tawagin pa ring “millennials” ang kabataan.
“There is no good reason for us to believe that the generation lens, which was originally invented for the study of markets of bourgeois consumption, is a good way to approach political mobilizations organized around revolution,” aniya. Dagdag ni Raymundo, mas tapat na tawaging “petit-bourgeoisie” ang “millennials.”
Bagaman kinikilalang petit-bourgeois ang maraming kabataan, hindi ito nangangahulugang wala silang kakayahang sumama sa pakikibaka ng mamamayan. Mababalikan ang naging pagkakamali ng dating Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) noong 1930s—ang hindi nito pagtiwala at pagtanggap sa sektor ng mag-aaral dahil sa kanilang burgis na katangian, isang dahilan upang humina ang kilusang kabataan sa harap ng kolonyalismong Amerikano.
Ayon kay Amado P. Guerrero sa Philippine Society and Revolution, mahalaga ang posisyon ng petit-bourgeois—mga may iilang pagmamay-ari tulad ng kabataang estudyante, intelektwal, at propesyunal—dahil sa kanilang kakayahang mag-impluwensya at humubog ng pampublikong diskurso.
Kapansin-pansin sa mga protesta ang malikhaing mga placard: “Magnanakaw AF,” “Hero? ‘Wag ako gurl,” at “Bumagsak man grades ko, ‘wag lang ang bayan ko!” Nagagamit ng kabataang nagtungo sa lansangan ang kanilang lenggwahe, sabihin mang petit-bourgeois, upang itawid ang kanilang mensahe sa mga kapwa-kabataan at isulong ang interes ng mamamayan.
Dagdag ni Guerrero, “The student youth are again among those in the forefront of the propaganda movement of today’s struggle for people’s democracy … They can overcome their weaknesses and shortcomings only by deeply involving themselves in mass struggles over a long period of time.”
Ikinabigla at ikinatuwa naman ng mga biktima ng Batas Militar ang dami ng kabataan na nagprotesta. “Nararamdaman sa kaibuturan ng ating puso ang pagpapanibagong siklab ng pambansang demoktratikong pakikibaka ng kabataan at estudyante,” ani Satur Ocampo, biktima ng Batas Militar at isa sa mga nagtatag ng Kabataang Makabayan.
Ang taon ay 2016. Sa makasaysayang pagsasama-sama ng mamamayan noong Nobyembre 25, ipinasa ng mga dating aktibista at biktima ng Batas Militar ang sulo sa bagong mga lider-kabataan. Para sa bagong salinlahi, nagpapatuloy ang nasimulan. ●
Nailathala sa isyu ng Kulê noong ika-10 ng Disyembre, 2016, gamit ang pamagat na “Silid-Aklasan.”
Si Sanny D. Afable ang punong patnugot ng Kulê noong 2017-2018. Nagtapos siya ng BS Statistics at kasalukyang mag-aaral ng MA Demography sa UP Population Institute.