Ni GLOIZA PLAMENCO
Tahimik na nakikinig ang mga mag-aaral habang nagsasalita si Propesor Sarah Raymundo sa klase niyang Global Studies sa Center for International Studies (CIS). Tanging kaluskos lamang ng mga bolpen sa papel ang mauulinigan, nang biglang tumunog ang “Kill Bill” ringtone ng cellphone ng isang mag-aaral.
Dumako ang tingin ng lahat sa may-ari ng tila nagwawalang cellphone. Nagmamadaling hinalukay ng estudyante ang kanyang bag upang hanapin at patayin ang kanyang telepono, ngunit lalo pang lumakas ang tunog nito. Naging “awkward” ang pangyayari para kay Raymundo dahil, aniya, nakakaawa ang mag-aaral na tila takot na takot na mapagalitan.
Tumalikod na lamang si Raymundo at saka kinanta ang himig ng ringtone. Nagtawanan ang lahat.
Karaniwang eksena na ito sa UP kung tutuusin, ngunit halimbawa ito ng kung paano sinusubok buwagin ng mga gurong tulad ni Raymundo ang pyudal na relasyon sa loob ng silid-aralan—kung paano nila sinisimulang tawirin ang tila malawak na espasyo sa pagitan ng pisara at ng mga silya, na kadalasan ay naghihiwalay sa mas makabuluhang gampanin ng guro sa pagmulat sa kanyang estudyante.
Pagtaliwas sa ‘Karaniwan’
Madalas na bansagang “cool” dahil sa estilo ng pagtuturong kakaiba sa karamihan sa mga guro ng UP, tila sinasadya ng mga progresibong gurong tulad ni Raymundo na maging hindi pangkaraniwan, lalo na’t itinuturing nilang mapanganib ang pagsakay lamang sa agos.
Kahit noong kabataan pa lamang nila, nasimulan na nilang bumalikwas sa nakasanayan dahil sa kanilang maagang pagkamulat at pagsali sa mga kilusan. Isa na rito si Propesor Mykel Andrada ng Kolehiyo ng Arte at Literatura (KAL), na nagsimulang maging aktibista sa pagsali niya sa League of Filipino Students (LFS), isang progresibong organisasyon ng mga kabataan, noong 1995.
“Napakalaking bagay ang pagsali ko sa LFS. Nagbukas ito ng lagusan upang magkaroon ako ng mas malalim na social consciousness,” ani Andrada. Kaakibat ng pagiging Iskolar ng Bayan ang pagsisilbi sa bayan, kaya nais ring imulat ng mga progresibong guro ang kanilang mga estudyante, upang tuligsain ang nangingibabaw na uri ng pagtuturo sa silid-aralan.
“Malinaw sa mga gurong tulad namin na hindi lamang tayo pumapasok sa classroom at naglalagak ng impormasyon sa mga mag-aaral. Kailangan mayroon ring kritikal na pang-unawa upang makaalpas tayo sa kolonyal at pyudal na kultura ng edukasyon sa bansa,” ani Andrada.
Dahil dito, hindi naging mahirap para sa mga progresibong guro ng pamantasan na pagtambalin ang sining ng pagtuturo at pagiging aktibista. “Hindi career ang pagtuturo. Bahagi ito ng aking adbokasiya, bahagi ng pagiging progresibo,” ani Raymundo.
Teorya Patungong Praktika
Mula sa mga natututunan nila sa kanilang pagkilos at paglubog sa iba’t ibang sektor ng lipunan, malay ang mga progresibong guro na higit pa sa pagiging tagapagturo lamang sa klase ang tanging gampanin nila.
Kahit ang grupo ng mga guro sa buong bansa tulad ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) ay nakikiisa sa iba't ibang sektor sa lipunan, liban pa sa panawagan ng pagtaas ng sahod na nakaangkla sa usapin ng pagpapataas ng badyet sa edukasyon, ani Mabelle Caboboy, ikalawang tagapangulo ng ACT Quezon City Chapter. Naglulunsad sila ng mga community service at exposure trip sa iba’t ibang lugar upang mas mamulat ang mga guro sa kalagayan ng iba’t ibang sektor.
Sa katunayan, mahalaga ang naging papel ng pagiging aktibista sa tungkulin ng isang guro, ani Propesor Melania Flores ng KAL. Doon niya natutunan ang pagtitiwala sa sarili at ang kasanayan sa pagtuturo. Dati pa nga raw noong kabataang aktibista pa sila, pupunahin sila ng mga kasamahan nila kung pangit silang magturo tuwing may “ED,“ o educational discussion, kwento ni Raymundo. “Kailangan kapag magtuturo, laging handa at bukas sa kritisismo at debate,” aniya.
Ngunit bawat klase sa pamantasan ay isang hamon, dahil hindi naman lahat ng mag-aaral ay nagsisimulang may progresibo nang pang-unawa, ani Propesor Roland Tolentino, dekano ng College of Mass Communication. Halimbawa, tuwing may malawakang pagkilos ng iba’t ibang sektor tulad ng SONA ng Bayan tuwing State of the Nation Address ng pangulo, hindi aniya maiiwasang may ilang mag-aaral na hindi pa handang lampasan ang hangganan ng teorya at isabuhay ang mga napag-aralan sa klase.
“Ang mga isyu sa labas, dadalhin mo sa klase, uunawain ninyo ito sa mas kritikal na antas, at sana’y makumbinsi mo rin silang hindi makulong sa apat na sulok ng silid-aralan,” ani Tolentino.
Sinisikap ng mga progresibong guro na wasakin ang ideyang “facilitator” lamang ang mga guro sa klase. Ani Flores, “Kailangang ang silid-aralan ay maging larangan ng talakayan at diskurso [ng mga estudyante]. Ito ang pagkakataon nila na magpahayag at mag-debate.”
Samakatwid, napakahalaga ng pagkakataong binubukas ng mga progresibong guro, lalo at may ilang mga estudyanteng mas pinipiling umiwas sa tunggalian ng mga ideya at magpakahon na lamang sa kung ano ang “tama” para sa guro.
“Dahil sa pagiging grade-conscious nila, tinatantiya nila ang guro. Kung relihiyoso ang guro, magbibigay sila ng mga relihiyosong paper. Kung progresibo ang guro, magbibigay rin sila ng mga pulitikal na paper,” ani Tolentino.
Upang mas maunawaan ng mga estudyante ang mga usapin at mahimok na maging kritikal, isang mabisang paraan ang paglalapit ng mga isyu sa karanasan ng mga mag-aaral, ani Flores. Ang mga kinahihiligan ngayon ng kabataan tulad ng larong DOTA, na sa unang tingin ay tila libangan lamang nila, ay maaaring ilapat sa mga talakayan sa klase. “Pwede itong magamit upang ipaliwanag ang mga complex na konsepto tulad ng alienation at imperyalismo,” ani Andrada.
Sa ganitong paraan, tinatangkang ipaunawa ng mga guro sa mga estudyante na lahat ng bagay ay magkaugnay at hindi dapat tingnan ang sarili bilang hiwalay sa lipunan. Sa kanilang larangan, natutunan ng mga progresibong guro ang pagiging mapagkumbaba, isang patunay ng kanilang pagtunggali sa pyudal na relasyon ng mag-aaral at guro.
“Kailangan ito upang maunawaan ng mga mag-aaral na hindi lang tungkol sa pagkamit ng degree ang edukasyon. Tungkol rin ito sa paglilingkod sa bayan,” ani Andrada.
Patuloy na Pakikibaka
Ngunit sa kabila ng pagkakaroon diumano ng “academic freedom” sa loob ng pamantasan, nananatili pa rin ang mga limitasyong tinatakda ng pyudal na sistemang kahit ang mga progresibong guro ay nasasailalim. Halimbawa nito ang pagkaantala ng pagbibigay ng tenure kay Raymundo na inabot nang tatlong taon, at isa sa mga pinaghihinalaang dahilan ay ang kanyang pagiging aktibista.
“Hindi naging bukas ang Department of Sociology [na dating kinabibilangan ko] sa ideya ng aktibismo, at hindi sila naging malinaw tungkol dito,” ani Raymundo na nagawaran ng tenure nang lumipat na siya sa CIS.
Gayunman, hindi naging sagka ang ganitong mga hamon upang humina ang grupo ng mga guro sa bansa na patuloy na ipinaglalaban ang mga karapatan ng kanilang kapwa guro. Sa katunayan, ubos-lakas ang ACT na may mahigit 70,000 kasapi, na itaguyod ang mga panawagan sa sapat na sahod, na kasalukuyang nasa mahigit-kumulang P18,000 lamang.
Hindi maikakailang mapalad ang mga mag-aaral na mayroon pa ring mga gurong mapangahas na bumabalikwas sa nakasanayang mga diskurso sa klase, mga gurong hindi pangkaraniwan sa kanilang patuloy na paggampan ng mga tungkuling hindi lamang para sa paaralan kundi para rin sa bayan.
Kung lalagumin ang pinanghahawakang prinsipyo ng bawat progresibong guro sa loob at labas ng UP, pinakatumpak marahil ang sinambit ni Caboboy: “Ang masa ang aming guro. Ang lipunan ang aming paaralan. At ang pagkilos ang pagsasabuhay ng aming pagtuturo.” ●
Nailathala sa isyu ng Kulê noong ika-28 ng Setyembre 2013, gamit ang pamagat na “Panata ng Larangan.”
Si Gloiza Plamenco ay kapatnugot ng Kulê noong 2014 at kasalukuyang kumukuha ng Juris Doctor sa UP College of Law.