Ni F.Y. MEDINA
Hindi naman dahil sa patuloy nating ipinaglalaban ang tunay na demokrasya, kapayapaan, at kalayaan ay magkaibang mundo na ang rali natin sa lansangan at ang klase natin sa pamantasan. Bakit pa pilit nating ipinaghihiwalay ang dalawa?
Higit na napaigting noon ang estudyanteng kilusan dahil bahagi ng pakikibaka ang pagbuhay ng malayang talakayan, ng tunggalian ng mga ideya’t ideolohiya, hanggang sa loob ng mga giray-giray na silid-aralan ng UP.
Hanggang ngayon, mahalagang punto pa rin ang usaping pagbabalik ng pakikibaka sa loob ng ating mga klase. Sa usapin ng pagtaas ng matrikula, halimbawa, naging mahalaga ang ganitong mga diskusyon sa pag-unawa na hindi nahihiwalay ang ating mga problema sa kalagayan ng ibang sektor; na ang misprayoridad sa ating education budget ay repleksyon lamang kung paano tumugon ang kasalukuyang dispensasyon sa mga pangunahing pangangailangan ng ating lipunan.
Maaari pa rin nating suriin bilang mga estudyante ang kahalagahan ng akademikong kalayaan sa pagkakalap ng sari-saring alternatibo. Kaya, bilang pwersang kritikal, mayroon agad na mapagdadausan upang magsagawa ng mga talakayang ideyolohikal—maging ito’y sa loob ng ating mga silid-aralan, sa ating mga research paper, symposium, at iba pa.
At sa gayong paraan pa, ang mga kaalaman at karanasang napag-ibayo ng ating pagdalo sa mga rali at piketlayn sa labas ng unibersidad ay maaaring dalhin uli sa loob ng klase. Mga pagpapatunay na totoong marami pa ngang nakalatag na gawain ang ating babakahin at haharapin sa labas ng pamantasan.
Sa mga nagtataka kung bakit nanabang ang mga kasama nating mag-aaral at sa mga nagsesentimyento na sana’y naging estudyante na lang sila noong Unang Kwarto ng Sigwa, hindi ba ganoon naman talaga ang ginawa ng mga progresibong taga-UP noon?
Napakahalaga nga naman ng ganitong pamamaraan ng pakikibaka. Kung tutuusin, hindi ang pagwawalang-bahala ng mga estudyante ang malaking sagabal sa kilusan. Mismo ang elista’t kolonyal na oryentasyon ng ating mga paaralan ang hinaharap nating suliranin.
Bahagi pa rin ng pag-aangat ng kamalayan sa mga isyung panlipunan ang paghubad ng oryentasyong ito at, sa halip, ay bihisan ng oryentasyong mapanuri at tumutugon sa mga pangangailangan ng kabataan at sa mga sinusuportahang batayang sektor.
Paulit-ulit na nating sinasabi na “bulok ang sistema ng edukasyon,” o kaya’y ginagasgas ang linyang “hindi natitigil ang pag-aaral sa loob ng apat na sulok ng ating silid-aralan.” Pero dapat din namang isaisip na nasa loob ng mga silid na ito ang potensyal na pwersang kaagapay natin. Sila ang masang sinasabi ng ating mga lider-estudyanteng dapat na iorganisa at imobilisa. Sila ang ating mga kasama sa pagbaklas ng mga mapanupil na institusyon ng ating lipunan.
Sila ang mga kasama natin sa tunay na kalayaan, kapayapaan, at demokrasya. ●
Nailathala sa isyu ng Kulê noong ika-28 ng Enero 1988, gamit ang pamagat na “Hamon sa mag-aaral.”