Mahirap na hindi magduda sa bakuna kung napapaligiran ako ng mga taong may sari-saring pagpapalagay dito. Tila nagsasanib kasi ang realidad ng kasalukuyang kalagayan ng ating bansa sa eksaherasyong madalas ko lamang naririnig sa mga pamahiin at agam-agam—at maraming taong tulad ko ang napaniniwala nito, frontliner man, matanda, o kahit ang edukadong kabataan.
Isang linggo bago ang aking nakatakdang pagpapabakuna, nagbabala ang aking mga kapitbahay na nagiging zombie umano ang sinumang maturukan ng bakuna. Narinig ko rin sa aking alaskador na kapatid at kanyang malapit na kaibigang nagsimula umanong mag-glitch at mag-time lapse ang kanilang kakilala nang makakuha nito.
Maging ang aking mga magulang ay nagtatalo sa usaping ito. Isang hapunan, nagdiskusyon sila kung aling bakuna ang kukunin ng aking inang frontliner—Sinovac, AstraZeneca, o ipagpaliban na lamang ang oportunidad—isang bagay na hindi ko inaasahang problema para sa kanyang pinanggagalingan dapat ng impormasyon.
Tugon naman ng aking ama, kahit alin na sa dalawa, dahil wala umanong ginawa ang mga siyentistang makakasama sa taumbayan. Ngunit kahit siya, hanggang ngayo’y, hindi pa rin natuturukan bagaman ilang linggo nang naka-iskedyul para rito. Ang kanyang palusot: “Wala pang bakunang tatalab para sa mga katulad kong bad boys.”
Bagaman hindi nasasagot nitong mga kakatwang kwento ang aking mga tanong—tulad ng, “Talaga bang sulit ang pagtitiis sa side effect ng Sinovac kung 50 porsyento lamang ang efficacy rate nito?”—kahit papaano ay inililihis naman nito ang aking pagdududa at pangamba sa bakuna. At marahil, para sa aming sawa na sa buhay sa pandemya, nakabubuo kami rito ng mga alternatibong realidad na malayo sa kinasasadlakan namin ngayon.
Dinala ako ng pansamantalang kapalagayang ito sa isang malaking paaralan na nagsilbing vaccination hub sa aming lugar. Habang papunta sa lugar, nabubuo sa aking imahinasyon na magiging matagal at nakakapagod na araw ito dahil inaasahan kong magkakandarapa at magkakagulo ang mga tao para sa matagal nang inaantay na bakuna. Ngunit kabaliktaran ito sa aking naabutan.
Bilang lamang sa daliri ang mga magpapaturok at sa katunayan ay mas marami pa ang kawani at doktor na naroon noong panahong iyon. Maluwag ang buong lugar at tahimik, mas malakas pa ang tunog ng tinitipang keyboard at ugong ng printer kaysa sa usapan ng mga tao sa loob.
Nabasag lamang ang katahimikan nang sumitsit sa akin ang matandang nagpapaabot ng kanyang nilipad na face shield. Pasalamat at ibinalik nito ang aking ulirat kung kaya kinuha ko na rin ang tsansang may makausap kaysa maburyo sa paghihintay.
Siya si Nanay Feliza, isang senior citizen mula sa aming karatig-barangay. Matapos ang tipikal na pangungumusta at pagpapakilala, tinanong ko kung bakit ngayon lang siya nagtungo para sa bakuna gayong matagal nang nagsimula ang pamamahagi sa kanilang mga higit na bulnerable sa sakit.
“Takot ako sa karayom,” aniya, na sinundan ng kanyang tawa. Hindi ko mapantayan ang kanyang enerhiya dahil sa kaba kung kaya siya na lamang ang kusang nagpatuloy ng kwento. Ang totoo, hindi umano siya pumayag sa naging unang alok ng barangay health worker (BHW) para sa bakuna. “Matanda naman na ako, talagang marupok na at malapit nang mamatay,” sambit umano niya sa BHW.
Nabanggit niyang nagpositibo siya sa COVID-19 at nahawaan niya ang kanyang anak na nagsusustento sa kanila. Namatay din kalaunan ang kanyang anak at ngayon pa lamang ulit nakabangon ang kanilang pamilya, kahit papaano, mula sa pagluluksa.
Naputol ang aming usapan dahil umusad ang pila. Habang naglilipat-lipat ang mga tao sa mga bagong silya, natatanto ko na humantong na si nanay sa pagtanggap sa kawalang pag-asa at pagyao hindi lamang ng mga kamag-anak kundi ng sarili bilang bahagi ng normal. Mapait man, hindi ito malayo sa posibilidad lalo pa ngayong lumalala lamang nang lumalala ang kalituhan sa pandemya at bakuna.
Pinag-iisipan ko sa mga saglit na naantala ang aming usapan kung paano babaybayin ang mga tanong na, “Saan niya nakuha ang sentimyentong wala nang kwenta ang mga matatanda?” “Wala na ba siyang gustong gawin kahit sa matandang edad matapos ang pandemya?” “Dulot ba ng pagsisisi ang kanyang pagtalimang mabakunahan?”
Ngunit ngiti na lamang ang kanyang naging sagot dahil tinawag na siya ng doktor upang agarang mabakunahan para makauwi bilang pag-iwas sa matagalang pagkaka-expose sa mga tao.
Sapat na rin sigurong naputol ang aming usapan. Kahit naman mabatid niya ang aking mga tanong ay hindi pa rin nasisigurong mayroon siyang tiyak na kasagutan dito. Dahil gaya ng kanyang mga isinalaysay, nagsasanga-sanga ang salik na nakapangyayari sa kanyang desisyon—pagluluksa, paniniwalang wala nang maiaambag ang mga matatanda, at marahil, pag-aadjust ng kanyang buong pamilya sa pagkawala ng sumusustento sa kanilang pangangailangan.
Bagaman hindi lamang iisa ang maysala kung bakit naging ganito ang pananaw nina Nanay Feliza at ng publiko sa bakuna, malaking bahagi ang ginampanan ng gobyerno para ibaliko ang maraming makatwirang naratibo ng hesitasyon sa bakuna. Binabaling nito sa publiko kalaunan ang palpak na pagbabakuna dahil umano sa pagpapasaway at pagkakalat ng mamamayan ng peligrosong paniniwala.
Isang halimbawa nito ang pagpapaubaya ng pangulo sa kanyang nakatakdang bakuna sa isang pahayag. “Fatalistic” kung tawagin ang sarili, iginiit niyang mas maigi umanong magsakripisyo ang mga matatandang tulad niya para mabigyan ng turok ang mga mas nakababata at produktibo kaysa kanila.
Ngunit makalipas ang isang buwan, hinihiling na ng pangulo ang pagkamatay ng mga nagdududa sa bakuna dahil itinuturo silang dahilan kung bakit hindi umuusad ang pagbabakuna sa bansa. Taliwas din sa naunang pagtanggi sa bakuna, nagpaturok ang pangulo ng hindi pa aprubadong bakunang Sinopharm.
Pinalala lamang ng mga ganitong hakbang ang kalagayan ng pagbabakuna sa bansa dahil, bukod sa nakakahanap ng abswelto ang mga namumuno sa kanilang kapabayaan, nakapag-iiwan din sila ng mga sentimyentong kumukunsinte sa hesitasyon sa bakuna. Lalo lamang tumatagal ang pandemya at kahirapan sa bansa, habang lumalim ang ugat ng mga kontra-bakunang paniniwala.
Ngunit ang kumplikasyon sa usapin ay hindi rin naman nangangahulugang mapapalagay na lamang tayo sa pagtitiis habang di pa natatapos ang pagbabakuna sa masa. Nananatiling bukas ang maraming rekursong maaaring paghalawan ng gobyerno ng mga susunod nitong hakbangin.
Maaaring maging modelo sa panghihikayat na magpabakuna ang pamamahagi ng isang distrito sa Thailand ng insentibo sa mga magpapabakuna. Pinataas nito ang bilang ng nagparehistro mula sa daan lamang hanggang umabot sa libo-libo.
Sa pag-aaral naman ng UCLA, kalakhan ng kanilang kinapanayam na mamamayan sa Estados Unidos ay kumbinsidong magpabakuna kung kaakibat nito ay pinansyal na ayuda. Sa Pilipinas, hindi lamang ito taktika upang paramihin ang interesadong magpabakuna ngunit patuloy na gampanan ang iniwanang tungkuling solusyunan ang kagutuman at kahirapan dulot ng pandemya.
Subalit hindi ito agarang magiging matagumpay kung patuloy ang gobyerno sa kanilang oportunistiko at mapanising ugali sa tuwing napupuna ang kanilang kapalpakan. Sa halip ay marapat na maiwasto ng pamahalaan ang kanilang mga pagkakamali. Dapat maging bukas ito sa maraming salik kung bakit dumarami ang hesitasyon sa bakuna para lumikha ng mga bagong kaparaanan para labanan ito.
Nakakapanlumo na tila malabo pa ang inaasahan kong pagbabalik sa aking mga kinagawian kung tila naglipana pa rin ang mga agam-agam, mula mismo sa gobyerno. Gayunman, gaano man ito katawa-tawa at madalas na hindi sineseryoso, ang pag-iral nito sa usap-usapan ng publiko ay mahalagang pananaw sa mga inatasang lumutas sa pandemya. Mula rito, maaari silang makapagbukas ng iba pang paraan sa pagresolba ng krisis, na sa dulo ay makalilikha ng normal kung saan nakalaya na ang tulad nina Nanay Feliza na naipit sa pagitan ng eksaherasyon at realidad. ●