Pitong taon makalipas na masungkit ni Kevin Balot ang korona bilang Miss International Queen, isang patimpalak para sa mga transgender beauty queen, patuloy na tinitingala ng ilang kabahagi ng komunidad ng LGBTQ+ ang kanyang ganda at talinong kinilala sa buong mundo.
Itinulak nito ang mas masiglang pag-usbong ng interes sa mas maraming transgender na maglakas-loob na baguhin ang hulma ng kanilang katawan, halaw sa kariktan ng postura ni Balot. Ito ay bagaman batid ng komunidad na milyun-milyong piso ang kailangan nilang bunuin kasabay, madalas, ng pagtitiis na manirahan ng buwan hanggang taon sa ibayong-dagat kung saan mayroong sapat na medikal na kahusayan para sa kanilang pangangailangan.
Sa kabila ng pagbabandera ni Balot bilang mukha ng kanyang komunidad, kabalintunaan nito ang nalalantad sa kanyang sagot nang tanungin siya kung sang-ayon ba siyang magkaroon ng representasyon ng mga transgender sa Miss Universe.
"We have the Miss International Queen pageant, which is the most prestigious transgender beauty pageant," ani Balot sa podcast kasama ang iba pang beauty queen tulad ni Pia Wurtzbach noong Hunyo 23. "If us, joining pageant ng mga babae, hindi na siya equality, e, parang asking too much na."
Ikinukupot ng ganitong simplistikong pahayag sa korona at mga papuring mula sa paligsahan ang konsepto ng pagkakapantay-pantay. Kung kaya ang anumang lalagos pa rito, kabilang ang paggigiit ng pagkilala sa kanilang piniling identidad at paghiling ng kaakibat nitong mga karapatan, ay utang na sa kakarampot na espasyong inilalaan ng heteronormatibong lipunan para sa LGBTQ+.
Sapat nang indikasyon ang mahaba at masalimuot na prosesong pangkalusugan na kanilang kailangang indahin upang masabing patuloy na ipinagdaramot sa kanila ang antas ng serbisyong pangkalusugang natatamasa naman ng mga heterosexual.
"Mahal ang maging kamahal-mahal," ani Mariko**, 21, isang transitioning transwoman. "Meron nga akong maputing kutis at mahabang buhok, nahihirapan naman ako i-achieve na magkaroon ng maumbok na dibdib at aring naka-set sa'min bilang basis ng pagkababae. Kaya may feeling sa'min na parang kulang pa. Babae ako, pero hindi pa ganap."
Sa oras kung kailan pinakatahimik ang mga kalsada, nagpapagal at nagbabanat ng buto si Mariko. Kinasanayan niya nang sumugal sa panganib ng dilim kapalit ng maliit na pangsustento hindi lamang sa kanyang baon kinabukasan kundi upang makabili ng sapat na suplay ng gamot para sa kanyang hormone replacement therapy (HRT).
Nagiging mga tableta at hiringgilyang panturok ang perang kanyang napapanalunan mula sa mga liga ng volleyball sa lungsod at mga barangay na kanyang dinadayo. Bagaman mas malaki ang kita sa mga pageant at pagtatrabaho sa call center na kanyang parehong pinag-iisipang pasukin, mas pinipili nyang tahakin ang larangan ng palakasan para hindi siya saktan ng kanyang ama.
Kinatatakutan ni Mariko na mawaldas sa wala ang libu-libong perang kanyang pinag-ipunan kung gagalusan ng kanyang ama ang kutis at kurbadang taon niyang inalagaan. Mainit itong nagbababala sa kanyang huwag kailanman tangkaing lumahok sa mga beauty pageant. Gayunding pinagdidiinan nitong huwag subukang hatiin ang kanyang oras sa pag-aaral at pagbabalak na magtrabaho upang tustusan ang mga "luho" ng kanyang pagkababae.
Malimit na pag-usapan bilang bahagi ng medikal na pangangailangan ng komunidad ng LGBTQ+ ang HRT. Inilalarawan ang HRT bilang second puberty kung saan matagalang hinuhubog ng isang transitioning transgender ang kanyang katawan sa pamamagitan ng pagpapataas ng lebel ng hormones batay sa kanyang napiling gender identity, ayon kay Dr. Maddie Deutsch, direktor ng Clinical Services sa University of California San Francisco (UCSF), sa website na Transgender Care ng pamantasan.
Para makamit ang ganitong pisikal na pagpapanibagong-hubog, gumagastos ng hanggang P4,000 si Mariko para sa oral contraceptive na may 35 pirasong gamot. Umiinom siya ng tig-dalawa sa loob ng apat na araw kada linggo para mas paramihin sa kanyang katawan ang produksyon ng estrogen. Pinapawalang-bisa naman ng anti-androgen na ibinibigay ng gamot ang epekto ng nalalabing lebel ng testosterone na responsable sa paghubog at pagpapabigat ng buto’t kalamnan sa isang lalaki.
Ngunit dahil sa pangamba ng masamang epekto ng matagalang pagkonsumo ng mga tableta sa atay, halinhinan sa pills ang pagtuturok ng estrogen injectables, isang beses kada linggo, na karagdagang P4,000 sa kanyang gastusin. Maaaring siyang makakuha ng sakit na jaundice at liver failure kung tuloy-tuloy niyang iinumin ang medisina.
Bagaman maingat ang kanyang pagsasailalim sa HRT, pinangangasiwaan ni Mariko ang lahat ng ito nang walang paggabay ng isang endocrinologist. Sa kanyang pag-iikot sa mga ospital at clinic bago ang pandemya, kinailangan niyang magpakonsulta kada anim na buwan habang nagta-transition at gumastos ng hanggang sa P1,000 para sa consultation fee.
Sumatotal, papalo ito ng P10,000, anim na beses na mas malaki sa tig-P1,500 na kanyang parte sa cash prize ng grupo niya kung magkataong manalo sa mga paliga ng volleyball.
"Dati doon talaga ako sa mga legit na bilihan ng gamot pero pabigat siya nang pabigat sa ginagastos ko, taking into account na nag-aaral pa lang ako,” ani Mariko. “I have no choice but to patronize yung nasa Tondo kahit na may doubt ako sa medical accuracy nung pagkaka-manufacture ng gamot. Ito yung tunay na tiis-ganda.”
Ngayong humaharap sa krisis pangkalusugan ang Pilipinas dahil sa COVID-19, kasabay ng pagsasara ng mga ospital at institusyong pangkalusugan, hamon din ang maghanap ng suplay ng mga gamot para makapagpatuloy siya sa HRT.
Nakikitang nakakapag-ambag ang pagtigil ng mga transgender sa proseso ng HRT sa kanilang pagkakaroon ng mga sintomas ng psychosis, batay sa pag-aaaral ni Olivia Moffitt at Jonathan Chase Findley ng University of Texas Health Science Center noong 2016.
Hinaharangan ng estrogen ang dopaminergic tract, ang bahagi ng utak na may kinalaman sa mga sintomas ng psychosis. Nagdudulot ito ng mas sensitibong pagtugon ng utak bilang pamamaraan ng katawang balansehin ang daloy ng impormasyon. Kung biglaang ititigil ang pagdedeposito ng estrogen sa kalagitnaan ng HRT, kasabay ng mas sensitibong estado ng utak, nagiging dahilan ito ng kalabisan sa aktibidad ng dopaminergic tract. Nagreresulta ito sa pagkakaroon ng sintomas ng pagkabalisa.
Kaya rin marahil dalawang beses na mas mataas ang posibilidad ng pagpapakamatay sa hanay ng mga bakla sa Pilipinas, kabilang ang mga trans, kaysa sa mga heterosexual, ayon sa pag-aaral noong 2014 ni Eric Julian Manlastas, dalubhasa sa sikolohiya ng LGBTQ+ mula sa UP Diliman.
Hanggang sa kasalukuyan, walang kahit na anong batas o panukalang magbibigay-daan sa pagtatatag ng mga institusyong magiging lunduyan ng makamasa’t abot-kayang serbisyong pangkalusugan para sa mga LGBTQ+, lalo na sa mga trans.
Kasabay ng pagmamatigas ng mga pulitiko sa bansa, kung patuloy na itatanggi ng mga katulad ni Balot, mula mismo sa hanay ng mga LGBTQ+, na may mga babaeng gaya ni Mariko na nabubuhay sa dusa ng kawalang pribilehiyo, mas masalimuot pang laban ang naghihintay sa kanilang komunidad.
Hanggang hindi pa tuluyang abot-kamay ng bawat transgender ang hiyas ng matiwasay na kalusugan, uugong na lang ang kanilang karapatan at kaganapan sa retorika ng beauty pageant at kung ano pang katiting na espasyong ipagdadamot sa kanila ng lipunan. ●
* hindi niya tunay na pangalan
** paumanhin sa Eat Bulaga
Unang inilathala ang akda noong ika-30 ng Hunyo 2020.