Ni ALDRIN VILLEGAS
Madaling araw noong ika-26 ng Hunyo 2006, dinukot sina Sherlyn Cadapan at Karen Empeño sa Hagonoy, Bulacan ng mga miyembro ng 7th Infantry Division ng Armed Forces of the Philippines. Kapwa estudyante ng UP Diliman (UPD), nagsasagawa noon ng fieldwork sina Sherlyn at Karen sa komunidad ng mga magsasaka. Pinaghinalaan silang mga miyembro ng New People’s Army, kaya’t dinakip at tinortyur sila ng mga militar.
Makalipas ang 11 taon, hindi pa rin sila natatagpuan, gayundin ang mailap na hustisya. Ito ang kwento ng mga naglaho, dinahas, at sapilitang winala ng gobyerno. Ito ang naratibo ng paglaban—ang patuloy na paglalahad ng kwento ng mga desaparecidos, mula mismo sa kanilang mga ina
“Sana’y Di Magmaliw ang Dati Kong Araw”
Masayahing bata si Karen. Mahilig siyang kumanta at sumayaw. Kinder pa lang ‘yan, marunong na siyang magbasa dahil tinuruan ng Papa niya. Mahusay din siya sa pag-aaral—valedictorian siya sa elementarya, at nakapasok sa special science class pagdating ng high school sa amin sa Iba, Zambales.
Dahil marunong siyang maggitara at keyboard, elementarya pa lamang ay kumikita na siya sa pagtugtog sa mga birthday, sayawan at handaan. Kaya naman naipasa niya sa UPCAT ang kurso sa Conservatory of Music. Nang nakapasok siya sa UP, pati ako ay pumipila para sa enrollment at validation.
Pero pagkatapos ng araw na iyon, umiiyak na siya sa akin. Sabi niya, “Mama, ayaw ko na sa music.” Tinanong ko kung bakit. Gusto na raw niyang lumipat sa social science, BA Sociology. Mahilig din kasi si Karen magbasa tungkol sa pulitika, at makipagdebate kasama ang kuya at Papa niya tungkol sa mga problema ng bayan.
Sinuportahan ko siya sa gusto niyang kurso. Sa first year niya, sa Kalayaan siya nag-dorm. Kasama na rin sa bayad naming ‘yung pagkain, pero after a while sabi ni Karen, “Nakakasawa na ang pagkain. Ma. D’un na lang ako sa Sampaguita.” Pagkatapos noon, tumira rin siya sa labas ng UP kasama ang mga kaibigan niya.
Dahil malayo ang Zambales, occasional lang ang pag-uwi ni Karen—kapag Pasko, kapag may birthday kung minsan, pero kadalasan, ako ang pumupunta sa UP. Lagi ko rin siyang tine-text at tinatawagan para kumustahin. Nag-aaral naman siyang mabuti, pero noong graduating na siya, nabigyan siya ng “incomplete” sa kanyang thesis writing.
Para sa thesis niya, nangangalap siya noon ng mga awitin ng peasants. Isa ito sa mga dahilan ng pagpunta niya sa Hagonoy, Bulacan. Sabi pa ng adviser niya, risky yung kaniyang thesis.
Isang araw, Martes, may tumawag sa akin, si RC [Asa] ng Pinoy Weekly: “Nanay, anong maiutulong namin?” Sabi ko, “Bakit, anong tulong? Anong nangyari kay Karen?”
Nawawala raw. Binigyan ako ng contact number ng Karapatan. Kinabukasan, sinabinila ang mga detalye sa pangyayari pero hindi pa ako nakarating ng opisina ng Karapatan noon dahil principal ako sa elementary school sa amin. Sa school meeting namin, wala na ako sa sarili, di ko alam ang gagawin ko.
Pinapunta ko na lang ang kuya niya sa Maynila. Dumiretso rin siya sa Bulacan, at doon niya na-meet si Nanay Linda Cadapan. Sabado na ako nakasunod; sinundo kami sa opisina ng Karapatan, at ininterbyu kami sa Umagang Kay Ganda. Yun na ang simula ng paglalagi ko sa Maynila magmula nang mawala sina Karen at Sherlyn.
Naaalala ko pa ‘yung huling beses na umuwi si Karen dito. Magdamag kaming nag-iyakan at nagyakapan. Sabi ko uuwi siya sa birthday niya. “Opo, Mama,” sabi niya, at saka, ikakasal kasi ang kuya niya sa December. Binilinan ko pa siya na sana makapagtapos na siya.
Heto ngayon, ang naiwan sa akin ay ang graduation picture niya. Kinuha ko sa dorm, naka-kwadro pa ‘yong picture na nakatoga siya ng UP. Binigyan din niya ako ng album na ginawa niya, clippings mula pagkabata hanggang sa pagdadalaga. Dala-dala ko lagi ang mga larawang ‘yun.
Matagal na rin naming natanggap, pero hindi kami makalimot. Nawawala siya pero lagi laging isasabuhay ang kwento niya. Madalas akong iniimbitahan magsalita tungkol sa human rights. Nakapunta na rin ako sa Europe for three months dahil sa Amnesty International.
Nagsalita ako sa mga universities sa London, France, Germany, at Netherlands tungkol sa pagdukot kay Karen, at sa kalagayan ng mga katulad niya sa Pilipinas.
Sa kasalukuyan, naghihintay pa rin kami. May pag-asa pa rin kami na darating siya sa buhay namin, na makakamit namin ang hustisya. Hangga’t buhay ako, hindi ako titigil lumaban. ●
— Concepcion Empeño
“Sa Piling ni Nanay, Langit ay Buhay”
Matalinong bata si Sherlyn o Nenen kung tawagin namin. Mula elementarya, nagkaroon siya ng honors at aktibo siya sa mga school activities tulad ng declamation at sayaw. Nakapasa rin siya sa UP Rural High School sa Los Banos. Doon, naging scholar siya bilang International Junior Researcher ng IRRI (International Rice Research Institute) hangang sa makapagtapos.
Magaling din siya sa sports. Pagdating niya ng third-year high school, naging atleta si Nenen—100-meter dash, 200-meter dash. Nakapasok nga siya sa Palarong Pambansa noong 1993 sa 100-meter dash, at nanalo ng second place.
Pagdating niya ng kolehiyo, pumasok siya sa UPD bilang varsity scholar sa College of Human Kinetics. Hindi niya pinabayaan ang pag-aaral hanggang sa matapos niya ang certificate program at tumuloy sa Sports Science. Dahil ang Sports Science ay may anatomy of human beings, sinabi sa akin ni Nenen, “Ma, gusto kong mag-continue sa medicine.” Kaya lang, hindi sapat yung pera namin para mapag-aral ko siya sa kursong iyon.
Sa kolehiyo niya, may isang beses na naging representative siya sa student council. Sa palagay ko, doon siya nagsimulang maging mulat sa mga isyu, at doon na rin nagsimula ang kaniyang aktibismo. Tapos noong 2005, umuwi siya sa bahay para mag-Pasko sa Laguna. Umalis siya ng January 2006, hanggang sa pumunta siya ng Bulacan.
June 25 ng gabi, nakausap pa niya yung tatay niya, at sabi niya, pauwi na raw siya. Nakipagkwentuhan pa siya sa isa niyang kapatid. Binalita niya, “Si Mommy madadagdagan na naman ng isang apo.” Doon ko nalaman na buntis siya. Dapat, June 26, pupunta siya sa doktor para magpa-check-up. Pero dinukot siya nang araw na iyon, at simula noon, napakarami nang nagbago sa buhay namin.
Unang-una, naapektuhan ‘yong hanapbuhay namin. Hindi kami makapaghanap ng trabaho sa regular na paraan—kumikita ako noon sa mushroom production na kailangan ng maraming oras. Pero halos lahat ng oras ay ginugol ko sa paghahanap sa aking anak, kaya nawalan ako ng pinagkukunan ng panggastos.
Sa loob ng pitong taon, very aggressive kami sa paghahanap, palipat-lipat kung saan may marinig na namataan daw si Sherlyn. Tumagal nang tumagal at hindi namin siya mahanap. Lagi ring may hearing ng kaso, halos kada buwan, pero hindi naman mahuli si Palparan.
Isang madaling araw, tumawag yung isa kong anak. “Ma, buksan mo ‘yung TV. Nahuli na raw si Palparan.” Napahagulgol ako sa iyak dahil nahuli na ‘yung salarin. Pero ‘yung masakit nasaan naman ‘yung aking anak na hinahanap ko? Saan nila dinala? Bakit ayaw pa nilang ilabas? Hanggang ngayon, wala kaming ideya—buhay pa ba siya, at anong ginawa nila sa kanya?
Ngayong nakikita ko na si Palparan sa mga hearing, naiinis ako sa trato sa kanya. Nakasakay siya sa magarang sasakyan, at nakapalibot ang apat na militar. Hindi ko mainitindihan kung bakit ganoon ang proteksyon sa kanya ng pamahalaan.
Ngayong ika-11 taon ng pagkawala ni Sherlyn, ganyan na naman ang maiisip ko: Ganito ba talaga ang gobyerno? Nangyari ito noong panahon pa ni Gloria Arroyo. Akala ko, makatutulong din si Noynoy Aquino, pero wala rin pala. Hindi rin ako umaasa kay Pangulong Rodrigo Duterte dahil mas mahal niya ang militar at kapulisan kaysa sa mga mamamayan.
Ang aming mga anak, sina Sherlyn Cadapan at Karen Empeno, ay mga Iskolar ng Bayan. Marahil kung nakapagtapos sila ng kurso o, kahit hindi man, nakakatulong na sana sila sa ating mamamayan sa mahabang kasalukuyan.
Para sa aking anak, Sherlyn, kung nasaan ka man, ang iyong mga magulang, mga kapatid, kamag-anak, at mga kaibigan, ay lagi kang hinahanap. Sana, dumating ang araw na magkitakita tayo, bago pa man bawiin ang aking buhay ng maylikha. ●
— Linda Cadapan
Pasintabi kina Lucio San Pedro at Levi Celerio. Unang inilathala ang artikulo noong ika-29 ng Hunyo 2017, gamit ang pamagat na “Sa Piling ni Nanay.”