Makulay ang buhay sa maraming aklat at kwentong pambata. Hindi na bale kung ang sagabal sa iyong tagumpay ay tiranikong hari o makapangyarihang datu o sultan. Sa kinathang daigdig na ito na madalas ay iilang pahina lang, laging naiisahan ng pilyo ang tuso; laging nagwawagi ang kabutihan laban sa kasamaan.
Ngunit sa tunay na buhay, hindi ito ang laging kalakaran.
Nasa kalagitnaan ako ng pagsusulat ng poetika para sa aking tesis nang matisod ko ang balita tungkol kay Baby River, anak ng bilanggong pulitikal na si Reina Mae Nasino. Abril pa lamang ay nakatutok na kami sa kampanyang pagpapalaya sa mga bulnerableng bilanggong pulitikal bunsod ng COVID-19, kaya labis din kaming nadismaya sa naging desisyon ng Korte Suprema. Sa huli, namaalam ang sanggol nang hindi man lang nakakarga, ni nahahawakan, ng kanyang ina.
Labis akong nanlambot sa balitang ito, gayong sentral sa aking isinusulat na tesis ay tungkol sa konsepto ng kapayapaan ng mga bata. Karahasang maituturing ang pagkawalay ni Baby River makalipas ang isang buwan sa kanyang ina, kaya napagkaitan siya ng kalingang sana’y nakapagligtas sa kanyang buhay.
Ipinakita ng pagkakataong ito kung gaano kalupit ang mga pwersa ng estado sa mga katulad niya at inang walang ibang hangad kundi isang lipunang walang pagsasamantala. Sa kumpas ng pangulong astang Datu Usman, lahat ng ituro niya’t paratangan ay subersibong dapat ikulong at ipatapon sa dagat ng Maranaw. Milyon-milyong bata ang mauulila ng kanyang mga marahas na polisiya at palpak na tugon sa pandemya, at sa kaso ni Baby River, maging sila ay pwede ring maging biktima.
Hindi madalas paksain sa mga akdang pambata ang ganitong isyu, kaya mabilis ding nakalalagos sa kamalayan kahit ng matatanda ang mga karahasang dulot nito. Ngunit ayon sa pag-aaral ni Prop. Rosario Torres Yu, sa pamamagitan ng mga akdang pambatang mangahas na tumatalakay sa mga ganitong isyu, napupukaw ang kamalayan ng bata at nagagamit nila itong paraan upang sabihin ang hindi nila masabi sa mga nakakatanda. Subalit sa kasalukuyan, iilan pa lamang ang nakatutugon sa hamong ito.
Marami rin ang nakukulong sa political correctness sa pagtalakay sa mga isyu na madalas, bagaman hindi sinasadya, tinatakpan ang karahasang dulot nito sa mga bata. Malinaw namang hindi “drama serye” ang sitwasyon ni Reina at Baby River, at marami pang batang inulila ng giyera kontra droga, at kasalukuyang nabubulid sa karahasang dulot ng distance learning at pagkagutom.
Esensyal ang mapagpalayang haraya sa pagbuo ng bata ng kani-kanilang konsepto ng kapayapaan. Subalit hangga’t patuloy ang estado sa pagsikil sa karapatan ng mamamayan at ang walang habas nitong pangri-red tag at pagpaslang, patuloy lang ding mabubulid ang mga bata sa siklo ng pang-aabuso at kawalang-katarungan. Paano nga ba maaasahang maging pag-asa ng bayan ang kabataan kung pagkapanganak pa lamang sa kanila ay tinatanggalan na sila ng karapatang mabuhay nang payapa at maging malaya?
Hamon, kung gayon, sa ating higit pang patampukin at palaganapin ang isyung kinahaharap ng bawat bata sa ating bansa. Susi ang ating pakikiisa at pakikisangkot upang lumikha ng lipunang ligtas at may puwang para kina Reina at Baby River. Hindi naman habambuhay maghahari ang kadiliman, at tulad sa mga kwentong pambata, may makulay ding bukas para sa lahat ng mga bata. ●
Unang inilathala noong ika-19 ng Oktubre 2020.