Ni ISAAC JEOFFREY SERRANO
Makapagtapos ng pag-aaral ang pinanghahawakang pangarap ni Amalyn Ungkuing na nasa ikaapat na taon sa sekundaraya sa Alternative Learning Center for Agricultural and Livelihood Development Inc. (ALCADEV), paaralang itinayo para sa mga Lumad sa Mindanao.
Isa ang Mahalutayong Pakigbisog Alang Sumusunod (MAPASU) sa mga pribadong organisasyon na nagmamay-ari ng ALCADEV, na itinatag nooong 2004. Bukod sa mga pangunahing asignatura tulad ng Ingles, Matematika at Agham, bahagi ng kanilang kurikulum ang mga kursong may kinalaman sa agrikultura, tradisyon at kaugalian bilang alternatibong klase.
Ngunit kamakailan lamang nang mabahiran ng karahasan ang paaralang sana’y lulan ng karunungan at kalunangan. Nag-iwan nang malalim na marka sa alaala ni Ugking ang masalimuot na nangyari noong ika-1 ng Setyembre. Aniya, alas-kuwatro ng madaling araw nang salakayin ng grupong paramilitar na Mahagat-Bagani ang ALCADEV at ang kalapit na Tribal Filipino Program of Surigao del Sur Schools (TRIFPSS) na sinubukang sunugin ng armadong grupo.
Matapos umano silang sapilitang palabasin sa kanilang mga dormitoryo, walang pakundangang ipinakita sa kanila ang walang-awang pagpatay kina Dionel Campos at Datu Bello Sinzo. Samantala, ginilitan naman ang direktor ng ALCADEV na si Emerito Samarca.
Sa hudyat ng alingawngaw ng putok ng baril, nagsisisigaw at tumakbo sina Ugking papalayo sa kanilang eskwelahan. Kinalaunan, napilitan na rin silang lumikas dahil sa bantang kamatayan ng mga paramilitar sakaling hindi lisanin ang lugar. Sa tala ng Katribu, mahigit limang libong mga Lumad ang lumikas tungong iba’t ibang evacuation centers tulad ng Tandag City Sports Complex, kung saan kasalukuyang naninirahan sina Ugking.
Nakaugnay ang mga pagpatay sa pagtugis ng militar sa mga pinaghihinalaang kasapi ng Communist Party of the Philippines-New Peoples’ Army (CPP-NPA) sa pagpapaigting ng Oplan Bayanihan ng administrasyong Aquino. Ayon sa pamahalaan, sanayan daw ng mga rebelde ang ALCADEV kung saan NPA ang mga nagtuturo sa mga estudyante.
Ngunit pinasusubalian ng mga karanasan ng mga Lumad ang ganitong paratang ng pamahalaan. Marahas mang maantala ang kanilang pamumuhay, sinisikap nilang patuloy na mamuhay nang normal sa kasabay na paggiit sa kanilang mga batayang karapatan.
Buhay na Pamana
Tumutukoy sa salitang “Lumad” ang mga katutubong hindi Muslim sa Mindanao na binubuo ng 18 na grupong kinabibilangang ng mga B’laan, Manday, Manobo, Subanon at T’boli. Matatagpuan sila sa mga rehiyon ng Zamboanga, Hilagang Mindanao, Davao, SOCCSKSARGEN, at Caraga kung saan karaniwang bulubundukin at agrikultural ang mga pamayanan.
Lubos na nakatali sa kanilang ninunong lupa ang mga Lumad kung kaya’t gayon na lamang nila ito pahalagahan. “Mula kapanganakan hanggang kamatayan, lupang pagmamay-ari ang pinakamahalaga naming yaman,” salin sa Filipino ng isang matandang kasabihang Lumad sa kwento ni Ugking.
Buhay sa pamana kung ituring ng mga Lumad ang lupang ninuno na ipinagkaloob sa kanila ng mga naunang salinlahi kaya naman mahigpit nila itong pinangangalagaan. Bahagi ng kanilang kaugalian ang pamamahagi ng pananim tulad ng mais at palay tuwing anihan. Hindi lamang pinagkukunan ng pagkain ng mga Lumad ang kanilang lupain. Naipagbibili din nila ang kanilang mga alagang hayop sa lokal na pamilihan.
Masagana sa yaman ang lupang ninuno ng mga Lumad. Ayon sa tala ng Mines and Geosciences Bureau, masagana sa ginto, copper, chromite, at nickel ang mga bundok ng CARAGA kung saan kabilang ang Surigao.
Sa yamang taglay ng ninunong lupain, marami itong naaakit na mga negosyanteng nais mamuhunan. “Ang ninunong lupa ng mga Lumad ay labis na inaasam ng mga naglalakihang korporasyon sa pag-aangkat ng mga mineral na mahigpit na pinag-aagawan sa merkado,” ani Kerlan Fanagel, tagapangulo ng Pasakkaday Salugpongan Kalimuddan (PASAK) o Confederation of Lumad Organizations.
Natatanging pamana at yamang maituturing ng mga Lumad ang kanilang lupain kaya handa silang ipaglaban ito. “May mga ritwal kami tulad ng bangko at oyagdo kung saan nag-aalay ng dasal at pasasalamat para sa mga pananim at ang kahimuan na isang uri ng sayan ng pag-aalay ng baboy-ramo dulot ng biyayang natanggap,” ani Ugking.
Pilit na kinokontrol ng mga dayuhan at lokal na kumpanya gaya ng Shenzhou Mining Corporation, Marc Ventures and Mining and Development Corporation, at VTP Construction and Mining Corporation ang mga lupa ng mga Lumad. Kaugnay nito, talamak ang pamemeke ng pirma sa Free, Informed and Prior Consent (FPIC) upang makapasok at kumita nang malaki kapalit ng panganib para sa mga Lumad.
Pangarap at Pag-asa
“Lumalakad nang tig-16 kilometro papunta at pabalik mula sa tirahan ang mga magulang namin noong wala pa ang ALCADEV para lang makapasok sa pinakamalapit na paaralan,” ani Ugking. Tatlong beses nga lang umano sa isang linggo ang kanilang pasok dahil malayo sa sentro ang kanilang tirahan.
Kabilang ang ALCADEV at TRIFPSS sa mga paaralang nasa ilalim ng Alternative Learning System (ALS) ng Department of Education (DepEd), programang ng pamahalaan para sa mga hindi nakapag-aral. Sa programang ALS, malayang makapipili ang mga estudyante kung saang larangan nilang nais magpakadalubhasa gaya sa pagtatanim at paghahabi.
Bagaman kinikilala ng DepEd ang ALCADEV, pilit pa rin itong ipinapasara ng militar dahil sa hinalang lunsaran ito ng mga rebelde. Bahagi ng pinaigting na programang Oplan Bayanihan ng administrasyong Aquino ang pagpaparatang na hinuhubog ng ALCADEV ang mga kabataan sa kanilang murang edad na mag-aklas sa estado, sa halip na pansinin ng gobyerno ang malaking oportunidad na ibinibigay nito sa kabataan.
Sa laki ng kakulangan ng pamahalaan na magbigay ng batayang serbisyo para sa mga Lumad, nagagawa pa nilang tanggalan ng karapatan na magkaroon ng sapat na edukasyon ang mga katutubo.
Nagsisilbing tuntungan ng mga Lumad ang ALCADEV upang isakatuparan ang kanilang pangarap na makatuntong sa kolehiyo at hindi maranasan ang hirap na dinaranas ng kanilang mga magulang, pahayag ni Ugking.
Samantala, para naman sa mga guro o volunteer ng ALCADEV na sina Aivy Hora at Rico Pareja, pagtulong sa mga Lumad ang motibasyon nila sa pagtuturo. Hindi katulad ng mga ordinaryong guro, wala silang buwanang sweldo na tinatanggap.
Sa gitna ng kaguluhan, patuloy ang pag-aaral ng mga Lumad. Nagtayo sila ng mga pinagtagpi-tagping kahoy at sako sa covered court ng evacuation center sa Tandag, Surigao del Sur. Ani Pareja, ang pagtuturo sa mga bata ay isang uri ng pagbabayad ng utang na loob bilang produkto rin sila ng ALCADEV.
Paglaban at Paglaya
Sa lumalalang sitwasyon ng mga Lumad sa Mindanao, patuloy ang panawagan hinggil sa kawalang-aksyon ng pamahalaan. Ngayong darating na ika-26 ng Oktubre gaganapin ang malawakang protesta ng mga Lumad sa Maynila sa kanilang programang “Manilakbayan.”
Gayunman, hindi na bago ang ganitong uri ng panunupil sa mga katutubo. Noong 2012, minasaker ang pamilya ni Daguil Capion, isang Lumad mula sa pangkat etnikong B’laan sa Davaol del Sur. Pinatay nang walang awa ang kanyang asawa at dalawang anak dahil pinaghihinalaan siyang miyembro ng NPA.
Tulad ni Ugking, may mga pangarap din ang mga Lumad na kasalukuyang naiipit sa kaguluhan sa Mindanao. Sa kanilang pagdayo rito sa Maynila, ipinanawagan nila sa gobyerno na wakasan ang Oplan Bayanihan upang makapamuhay nang payapa sa kanilang lupang ninuno.
Pilit mang supilin ang karahasan, mababakas sa kanilang mga karanasan ang masidhing kagustuhang mamuhay nang maayos at mapayapa. Taliwas sa inaasahan, ang mga katutubong tulad ni Ugking ay hindi lamang mukha ng pagmamakaawa at pagkakawanggawa. Sa halip, ang kanilang mga kwento ay naratibo ng mga pangarap at pag-asa, ng paglaban at paglaya. ●
Nailathala sa isyu ng Kulê noong ika-26 ng Oktubre 2015, gamit ang pamagat na “Yutang Kabilin”