Ni MARY JOY CAPISTRANO
May kung anong kapangyarihang taglay ang hangin na nagtataboy sa mga katutubo o Lumad sa Mindanao. Patuloy silang dinarahas ng mga militar at paramilitar. Ganito rin ang kapalarang sinasapit ng ibang mga katutubo at minorya, sa loob at labas ng bansa, dahil magkakaiba man sila ng kultura o pangkat na kinabibilangan, iisa naman ang kanilang hangarin sa buhay—masumpungan ang kapayapaan at seguridad sa buhay.
Kamay na Bakal
Sa walang katapusang pandarahas ng mismong gobyerno sa mamamayan nito, matutunghayan ang libu-libong kwento na hindi man nailimbag sa mga pahayagan, nakaukit naman sa kasaysayan ng kani-kanilang bayan.
Iisa ang naging kapalaran ng mga Lumad o ng iba pang mga pangkat na nagsilikas sa kanilang mga bayan—bakwit o refugee kung sila’y tawagin. Dulot ito ng pangungunyapit sa poder ng kapangyarihan ng iilang naghahari-harian sa bayan.
Dinarahas ng gobyerno ang mamamayan gamit ang militarisasyon na bunga ng mga bayolenteng programa ng gobyerno tulad ng Oplan Bayanihan na naglalayong sikilin ang mga kalayaan ng mamamayan at ipagpatuloy ang madugong politikal na kontrol laluna sa mga makabayan at progresibo. Tinatawag itong “giyera” ng gobyerno laban sa diumano’y panganib sa seguridad ng bansa—ang mga progresibo at rebolusyonaryo. Ngunit, ang totoo, ang tunay na giyera ng mamamayan ay giyera laban sa dominanteng kaayusan.
Sa halip na pakinggan ang panaghoy ng mamamayan, tuwinang sinasagot ng dahas ng gobyerno ang mamamayan. Tahasang ipinapakilala sa bayan ang armas bilang batas. Ikinukubli sa pangalang “giyera para sa kapayapaan” ang pandarahas ng gobyerno. Ayon nga kay Friedrich Engels, “war, formerly waged only in revenge for injuries or to extend territory that had grown too small, is now waged simply for plunder and becomes a regular industry.”
Minamarkahan ng militar ang bawat sityo sa kanayunan kung saan pangkaraniwang nararanasan ang pandarahas sa mamamayang sumasalungat sa kanilang kagustuhan. Armas ang pangunahing instrumentong ginagamit upang palawakin ang espasyo ng kapangyarihan ng gobyerno, gayundin ng mga naghahari-hariang mamamayan. Kaya naman maging paaralan ay hindi nakaligtas sa mga militar.
Inaagawan ng espasyo at pinalalayas sa sariling bayan ang mga katutubo at mamamayan. Nawawalan ng pagkakataon ang mamamayan na hubugin o pagyamanin ang kanilang sariling kultura. Bagkus, tila tumitigil ang pag-inog ng mundo—kalakalan, hanapbuhay, pag-aaral ng kabataan, bukod sa pagbibigay nito ng pinsala sa mga ari-arian ng mga pamayanan. Nariyan nasisira ang kanilang mga pananim, namamatay ang mga alaga nilang hayop, kinikitil ang kanilang mga buhay.
Alsa-Balutan
Panibagong buhay ang hinahanap ng mamamayang nakikipagsapalaran sa ibang lugar. Hindi madali ang lumisan sa kanilang sariling bayan—bitbit nila ang lahat ng bigat ng pag-agaw sa kanilang lupa para sa ganansiya ng mga dayuhang minahang kompanya.
Napipilitan silang lumikas upang takasan ang kawalang hustisya sa sarili nilang bayan, kapalit man nito ay pag-iwan sa kanilang katutubong lupain kung saan nahubog ang kanilang pagkakakilanlan at kultura. Tulad ng mga Syrian at Rohingya, mga grupong pumukaw sa atensyon ng mundo kamakailan dahil sa paglisan nila sa sariling lupain, sinuong ng mga Lumad ang panganib ng pagbaybay sa mga dayuhang teritoryo, upang humanap ng isang lugar na inaasahan nilang pagtatayuan ng bagong buhay: panibagong espasyo na magbibigay ng sarili nilang kasarinlan mula sa dayuhang lupain.
Ngunit anumang pilit na pagbabanhuyay sa isang dayuhang lupain, mahihirapan itong isakatuparan ng mga bakwit. Sapagkat salungat sa positibo nilang pananaw ang kanilang tunay na mararanasan at nararanasan kung saan tila higit pa silang ibinaon sa kahirapan saan man sila madatnan ng magkasala-salabid na krisis ng militarismo at pandarambong.
Nagkalat sa social media ang iba’t ibang porma na pagmamalupit sa mga bakwit. Nariyang ipagtabuyan, harangan ng isang bundo ng sangkapulisan, pahirapan, at hayaang mamamatay sa gutom sa gitna ng karagatan. Bukod pa rito ang pandarahas ng militar, pananamantala at kung ano-ano pang masahol pa sa hayop na pagtrato. Mangilan-ngilan nga kung maituturing ang mga bansa at bayang tumatanggap nang buo sa mga bakwit.
Sa mga panahong nawala na ang konsepto ng pagmamay-ari ng isang tao, walang humpay ang kaniyang pakikipagsapalaran–sa kultura, tradisyon, paniniwala, at maging sa ibang mga tao.
Bagong Pag-asa
Pagbabagong-hubog man ang kapalit ng paglisan, pakikibakang maituturing ang pakikipagsapalaran sa isang dayuhang lupain. Ngunit saan man mapadpad ang mga Pilipino, hindi nawawala ang pag-asang may panibagong bukas para sa kanila. Ang panloob at panlabas na diaspora ng mamamayan ay malinaw na manipestasyon ng pandaigdigang panunupil at pandarahas.
Labas sa pakikisangkot ang pangangailangang ugatin ang problema sa lipunan. Anumang anggulo tingnan, pangunahing ugat ang karahasan ng estado, na siyang dapat na nangangalaga sa kapakanan ng mamamayan.
Sa mga pagkakataong salungat sa inaasahang tugon ang ginagawa ng gobyerno at ng mga taong may hawak sa batas, kailangan ng bawat Pilipinong iangat ang antas ng pakikibaka at pagtugon sa kahingian ng panahon. ●
Nailathala sa isyu ng Kulê noong ika-1 ng Oktubre 2015, gamit ang pamagat na “Alsa-Balutan.”