Ni MARISSA PANTASTICO
Ang kasaysayan ng lipunang Pilipino ay kasaysayan ng ilang dantaong pagkaalipin sa ilalim ng kolonyal na pamamahala—sa ilalim ng Kastila, Amerikano, at Hapon. Lubhang napakahaba na ng kasaysayang ito, kung kaya ang Pilipino ng kasalukuyang panahon ay bulag sa katotohanang, minsan sa ating kasaysayan, ang ating kapuluan ay binubuo ng malaya at nakapagsasariling mamamayan.
Batay sa pag-aaral sa iba’t-ibang panitikang katutubo na binubuo ng bugtong, salawikain, awiting-bayan, kuwentong-bayan, at epiko, inuugnay nila ang konsepto ng kalayaan sa lipunang malayo sa kumpas ng banyagang kapangyarihan. Sapagkat ang lipunang Pilipino noon ay binubuo ng mga tribo at grupong pangkultura, di pa angkop ang konseptong pambansa upang bigyang laya ang kapuluan. Sa ganitong pananaw, pang-tribo at di-pambansa ang marapat na gamiting batayan sa pagbaybay ng nakaraan.
Sa anu-ano nga bang mga kondisyon masasabing ang isang lipunan ay nakapagsasarili na? Dahil ang pulitikang sistema noon ay hindi pa kasing salimuot tulad ngayon, maaari nang matawag na nakapagsasarili ang isang katutubong lipunan kapag mayroon na itong sariling kultura, ekonomiya, at sistemang pampulitika. Lumilitaw na ang kaisipang tinutukoy ay iyong kasarinlang naaayon sa antas ng kaunlaran ng lipunang katutubo. Kasarilan at sariling pagpapasya ang saligan nito, kung ibabatay sa mga produktong pampanitikan.
Sa panitikan maaaring ipahayag ng mamamayan ang kaniyang damdamin hinggil sa daigdig na nakapalibot sa kanya—sa pamumuhay, sa pamahalaan, at maging sa kaugnayan ng kaluluwa kay Bathala. Sa kabuuan, ang katutubong panitikan ay isang tagapagbatid ng kultura sa mga rehiyon sa kasalukuyan. Napakarami sa kanilang mga akdang ang nagsasaad ng kanilang pamumuhay at walang bahid-impluwensya ng Kanluran.
Batay sa dulang Pilipino, halimbawa, ang pamamaraan ng paghingi ng pabor sa kanilang anito, sa pamamagitan ng mga ritwal, ay nagpapakita ng kulturang sariling-sarili nila. Gumawa sila ng orihinal na paraan upang makipag-ugnay sa anito. May ilan pang nakikipagtalastasan sa mga tagapamagitang babaylan. Ang mga Maranaw ay gumagamit ng sakripisyo na dumaraan sa kalikasang pinaniniwalaan nilang tirahan ng mga anito.
Ang pagkakaiba ng mga pamamaraan ay nakaayon sa uri ng lugar na kanilang kinamulatan, uri ng buhay na kinagisnan, ayos ng taong nakakahalubilo, at iba pa. Sila’y gumawa ng sariling paraan, iyong nababagay sa pamumuhay nila. Ang kanilang relihiyon ay patunay lamang na may sarili silang kultura. Sa tulang Pilipino man, makikita ang pagiging orihinal at malikhain sa ritwal, may mga bersong isinasa-awit (chanting) upang tumulong sa pagkakaisa at pagbibigay ng lakas-loob sa tribo; halimbawa nito ay ang epikong Lam-ang.
Ang pinakamahalagang silbi ng panitikan ay ang pagtugon sa mga prinsipal na pangangailangan ng lipunan. Ang mga alamat ay ginawa hindi lamang para aliwin ang bawat isa kundi para rin ipaliwanag ang mga bagay o konsepto na lampas sa kakayahan ng isip noon o di kaya’y mga kataka-takang pangyayari. Ang mga salawikain ang ginagamit na batas at pamantayan ng moralidad, ang bugtong upang makipagtalastasan sa kalikasan, ang tula upang lagusan ng emosyon, ang awiting-bayan upang pampagana sa gawain, ang dula upang managisag ng buhay sa pamayanan. Samakatuwid, dahil ang isang lipunan ay may sariling pangangailangan, ang panitikan nito ay partikular at orihinal, salamin ng uri ng pamumuhay at hibla ng paniniwala.
Gayunman, may tanong na lalabas mula rito: “Oo nga’t nakapagsarili sila, pero papaano namang nasabing namamalayan ng mga katutubo ang pagiging malaya ng lipunan?”
Mula sa mga dulang pananagisag ng aktong hango sa tunay na buhay, may digmaang tribo sa tribo. Batay sa alamat ng Bontok, ang kanilang diyos na si Lumawig ay isang mahusay na mandirigma at isa sa haligi ng edukasyon ng kanilang mga katutubo ay ang larangan ng pakikidigma. Bakit sila makikipagdigmaan? Makikipaglaban ba sila kung sa palagay nila ay wala silang sariling pamumuhay na dapat ipagtanggol? Samakatuwid, alam nilang may dapat silang pahalagahan. Makikita rin ito sa mga piging at pagdiriwang kapag sila’y nagtagumpay, sa mga sayaw ng pakikidigma at pakikibaka.
Dito papasok ang kaisipang pag-asa sa sarili. Ang panitikan ay nagbibigay repleksyon sa primaryang gawaing pangkabuhayan ng mga katutubo. Batay sa alamat ng Bontok, halimbawa, sila’y nangangaso dahil ang lugar ay bulubundukin, sila’y mandirigma dahil hinasa sila ni Lumawig sa sining ng pakikipagdigma, sila’y magsasaka dahil nasanay silang umani ng lentehas.
Malay sila sa kahalagahan ng pag-asa sa sarili. Batid nilang may sarili silang ekonomiya, at kailangan nilang panatilihing sapat ang kanilang kabuhayan. Papasok muli rito ang digmaang tribo sa tribo. Kapag nalupig nila ang kabilang tribo, magiging mas matatag ang kanilang ekonomiya—mas malaking lugar ang mapapagtaniman at mapapangasuhan, mas maraming manggagawa at mandirigma ang maaaring asahan at pakilusin.
Gayunman, maaari rin nating tingnan ito sa kabilang dako. Bakit nila pinagtatanggol ng kanilang tribo? Dahil alam nilang kaya nilang buhayin ang kanilang sarili. Alam nilang mabubuhay sila sa sariling sikap at kayod. Sa mga katutubong lipunan, tunay na may kamalayan at konsepto ng kasarinlan, ginagabayan di lang ng mga kaisipang lumalagos sa kanilang panitikan kundi pati ng kolektibong danas at dalumat. Di man perpekto ang kanilang kasaysayan, patunay itong hindi sila nagdarahop sa kultura, hindi bansot ang karunungan ng mga katutubo.
Bagaman tayo ngayo’y produkto ng kolonyal na nakaraan, kaya pa rin nating bagtasin at pahalagahan ang kulturang katutubo at ang panitikan nitong tila malaon nang nakalimutan o pinalimot sa atin. ●
Nailathala sa isyu ng Kulê noong ika-27 ng Nobyembre 1978, gamit ang pamagat na “Panitikan at ang Katutubong Lipunan.”