Ni RAMON L. BOBIS
“Magtuloy ang may lakas at tibay ng loob. Siya na wala niyaon kundi pag-uusisa lamang ay huwag.” —paskel ng KKK
Hindi maipagkakaila na may “gintong ani” sa pamantasan ng dokumentaryong dulang may tatlong yugto sa taong 1978. Ilan sa mga ito ay ang Mayo A-Beinte Uno Atbp. Kabanata ni Al Santos na tumatalakay sa “buhay at kamatayan” ni Valentin de los Santos, ang Supremo ng Lapiang Malaya; at ang Beatas ni Nick Joaquin na tumatalakay naman sa isang kakaibang kilusan ng ilang kababaihan na nais magtatag ng isang “lihim” na kumbento noong ika-17 dantaon. At ngayon naman ang Katipunan, Sigaw ng Bayan ni Bonifacio P. Ilagan.
Matatandaan na si Boni Ilagan, isang guro sa UP Departamento ng Pilipino sa kasalukuyan, ang sumulat ng Pagsambang Bayan at tagasalin ng Beatas, dalawa sa sampung dulang bumuo ng 1977 Theater Season. Ang Katipunan, na nagwagi ng unang gantimpala sa nakaraang 1978 CCP Playwriting Contest, three-act play division, ang ikalawang dulang itatanghal sa taong ito.
Ang unang silahis sa buhay ni Andres Bonifacio ay magsisimula sa petsang Disyembre 1863, ilang araw pagkaraan ng kanyang kapanganakan. Si Andres ay isinilang sa panahon ng pagbubukas ng mga daungan, pabrika, asukarera, imprenta, at mga bahay-kalakal. Kabilang siya sa uring anakpawis. Ang binhi ng uring manggagawa ay nagkahugis at naipunla sa dantaon ng kanyang kapanganakan. Dito rin sa panahong ito nagsimula ang malawakang pangangamkam ng mga lupain ng mga Kastila para sa pagpapatatag ng kanilang imperyo.
Mabilis ang transisyon sa unang bahagi ng dula sapagkat sinimulan ng may-akda ang ikalawang silahis sa buhay ni Andres nang siya ay 28 taong gulang na. Isa siya sa mangilan-ngilang proletaryo na nakisangkot sa Masoneriya, isang mapayapang kilusang may repormistang plataporma, sa Tondo at Trozo. Isa sa mga kabilang sa kilusang ito ay si Emilio Jacinto na estudyante pa lamang sa Pamantasan ng Santo Tomas.
Isang araw ng Hulyo 1891, dumating si Jose Rizal mula sa Espanya upang higit na pagtibayin ang pagkakaisa sa La Liga Filipina. Sa bahaging ito ng dula magkakaroon ng reenactment sa pagbitay sa Tatlong Paring Martir upang maipadama sa manunuod ang umusbong na nasyunalismo sa mga taong may kinalaman sa Katipunan. Dinakip si Rizal ilang araw pagkatapos nitong dumaong sa Pilipinas at maitatag ang Liga. Dito magsisimula ang ikatlong silahis ng buhay ni Andres.
Sa pamamagitan ng Gazeta de Manila, parang apoy na kumalat ang pagkakahuli ni Rizal sa Kamaynilaan at karatig-pook. Ngunit isa sa pinakamahalagang bahagi sa kasaysayang Pilipino ang pagpapatapon kay Rizal sa Dapitan. Dito nabuo ang balak ng mga nasyunalistang pinangungunahan ni Bonifacio at Jacinto sa tuluyang pagtatatag ng isang armadong kilusan. Kaya isang araw ng Hulyo 1892, “dumaloy ang iba’t ibang dugo” tungo sa isang baso—at naitatag ang Kataas-taasan, Kagalanggalangang Katipunan ng mga Anak ng Bayan (KKK).
Binalikan ng may-akda ang kasaysayan ng Pilipinas bago dumaong ang mga Kastila sa mga baybayin ng Pilipinas. At ang ika-apat na silahis sa buhay ni Andres ay kinapapalooban ng pangangalap ng mga bagong kasapi sa bagong tatag na Samahan, ang pagkakaroon ng mga sagisag ng mga kasapi (Emilio Jacinto bilang “Pingkian”) at ang pagdaraos sa unang halalan ng pamunuan.
Pinakamakulay na sandali sa buhay ni Andres ang muli niyang pagpapakasal kay Gregoria de Jesus. Ito ang simula ng ika-limang silahis sa kanyang buhay. Pagkatapos ng kasal sa simbahan ay nagkaroon ng pangalawang “kasalan” sa bahay ng mga Katipunero. Dito ay lubusang niyakap ni Gregoria ang ipinaglalabang simulain ng kanyang kabiyak.
Energo 1895 nang tanghaling Supremo si Andres Bonifacio, ang ikatlong Supremo ng Katipunan. Ito ang ika-anim at pinakamaningning na silahis sa kanyang buhay. Ngunit higit mang tumitining ang diwa ng pakikibaka ng masang Pilipino, lalo na sa pagkakahuli ng ilang Katipunero, hindi rin maiwasang magkaroon ng internal na kontradiksyon at suliraning pang-organisasyon ang samahan.
Nagpatuloy ang kaningningan ng tatlong silahis sa buhay ni Andres sa huling bahagi ng dula. Halimbawa, ang ika-pitong silahis sa kanyang buhay ay patungkol sa masinsinang pagkilos ni Gregoria para sa mahahalagang gawain ng Katipunan. Dito rin sa bahaging ito naglabasan ang mga traydor ng samahan. May ilang kasapi ng Katipunan ang nagtatag ng Binhing Payapa, isang reaksyunaryong samahan. Sa kapasiyahan ng Supremo, napatalsik ang mga “duwag.”
Ang isa sa pinakamahalagang pangyayari sa ika-walong silahis sa buhay ni Andres ay ang una’t huling publikasyon ng Kalayaan, ang opisyal na pahayagan ng Katipunan. May 2,000 kopya lamang naipamudmud ngunit marami ang nahikayat na sumapi sa samahan. Sa ika-walong silahis din ng buhay ni Andres natuklasan ng mga may kapangyarihan ang lihim na kilusan. Isang kasapi ng Katipunan na nagngangalang Teodoro Patiño ang nagsilbing daan upang maibunyaf ang lihim ng samahan.
Magsisimula ang ika-siyam na silahis sa buhay ng ikatlong Supremo ng Katipunan sa pag-alis ni Jose Rizal patungong Cuba. At noong ika-23 ng Agosto 1896, nagkaroon ng pangkalahatang pulong ang Katipunan sa Pugadlawin, kung saan ang lahat ay nagpupunit ng kani-kanilang sedula—ang simbolo ng pagkaalipin ng mga Pilipino sa mga dayuhan. ●
Unang nailathala sa isyu ng Kulê noong ika-16 ng Agosto 1978.