Ni DANIEL BOONE
“The honor due any profession is to be judged alone by the measure of its services to the people..."
— Murray Bartlet, Unang Pangulo ng UP
Sa mahigit isang siglong pag-iral, naging pandayan ang UP ng ilan sa pinakatanyag na lingkod-bayan: mga taong naging instrumento sa pagguhit ng kasaysayan at pagbabago ng lipunan. Ngayon, nananatiling mandato sa mga bagong Iskolar ng Bayan na gamitin ang lahat ng natutunan upang maglingkod sa sambayanan, lalo na sa mga inaapi at mga nasa laylayan.
Ito ang tungkuling matapang na tinupad ng mga dating mag-aaral ng UP na sina Chad Booc at Kenneth Cadiang, mula sa Kolehiyo ng Inhinyeriya at Kolehiyo ng Edukasyon. Noong 2016, nagpasya silang ibahagi ang mga natutunan sa pamamagitan ng pagtuturo sa mga batang Lumad sa Alternative Learning Center for Agricultural and Livelihood Development (ALCADEV).
‘Tinig ng masa ang siyang lagi nang pakikinggan’
Ibinabandila ng karamihan sa mga produkto ng UP ang angking husay bunga ng kalidad ng edukasyon sa pamantasan. Nananatiling pinakamahusay na paaralan sa bansa at isa sa pinakamagaling sa Asya ang UP, ayon sa pinakahuling tala ng QS World University Rankings, isang institusyong nakabase sa United Kingdom at nagsusuri sa mga unibersidad sa buong mundo.
Hindi kataka-takang daan-daang kumpanya ang naghahanap ng mga may angking talentong pinanday ng ilang taong pag-aaral sa UP. Iba pa ang usapan para sa mga tumatanggap ng matataas na karangalan, tulad ni Chad na grumadweyt bilang cum laude.
Ngunit higit pa sa pagkamit ng matataas na marka ang lalong pagpapalalim ng pag-unawa sa lipunan sa pamamagitan ng pakikipamuhay sa masa. Sa kaso ni Chad, hindi naging hadlang sa kaniya ang dami ng pang-akademikong gawain upang makipamuhay at alamin ang sitwasyon ng iba pang sektor sa lipunan.
Pagkagradweyt sa UP, hindi nagpakulong si Chad sa makipot na espasyo ng pribadong opisina. Bagkus, tumungo siya sa Mindanao upang makisalamuha, magturo, at matuto sa komunidad ng mga Lumad. Para sa kanya, nararapat lamang na ibalik sa sambayanan ang lahat ng natutunan sa loob ng pamantasan.
“Laging sinasabi sa ating mga Iskolar ng Bayan ang mga katagang, ‘paglingkuran ang sambayanan’... At alam ko na sa pagtuturo sa mga Lumad, tunay kong maisasabuhay ang motto nating iyon,” ani Chad.
‘Dito maglilingkod sa bayan natin’
Inspirasyon ni Chad ang mga batang Lumad na una niyang nakilala noong 2015 sa Manilakbayan. Humigit-kumulang 700 Lumad ang tumungo noon sa Maynila upang ipanawagan kay dating Pangulong Benigno Aquino III na itigil ang pandarahas sa kanilang komunidad.
Pinaslang ng mga grupong militar at paramilitar noong 2015 ang tatlong lider-Lumad, kabilang si Emerito Samarca na direktor ng ALCADEV at Dionel Campos na isang guro.
Ngunit hindi alintana ni Chad ang takot. Tumugon siya sa hamon na paglingkuran ang pambansang minorya bilang guro sa paaralan ng mga Lumad.
Itunuturo ni Chad ang Matematika at Agham sa mga nasa sekundarya. Magaling man siya sa mga asignaturang ito, nahirapan pa rin si Chad lalo na sa unang buwan ng kanyang pagtuturo. Malayo sa pamilya at sa maginhawang buhay sa Maynila, malaking pagbabago para kay Chad ang mamuhay sa mismong komunidad ng mga Lumad.
Kakabit ng desisyong ito ang panganib sa seguridad matapos ang serye ng pandarahas sa kanilang komunidad. Kwento ni Chad, hindi madaling ipaintindi sa kanyang mga magulang ang piniling landas, subalit sa kanyang determinasyon ay napapayag niya rin sila kinalaunan.
Nahikayat pa ni Chad ang kanyang ama na magtungo sa ALCADEV upang masaksihan nito ang tunay na kalagayan ng mga Lumad at ang pangangailangan ng paaralan sa mga guro. Matapos nito ay naging bukas ang isipan ng kanyang mga magulang upang payagan siyang magturo sa Mindanao.
‘Silangang mapula, sagisag magpakailanman’
Itinatag ng mga Lumad ang ALCADEV para mismo sa mga Lumad—lapat ang kanilang kurikulum sa kanilang kultura at pangangailangan. Bago itatag ang ALCADEV, 20 kilometrong lakaran ang binubuno ng mga bata upang makapag-aral sa pinakamalapit na paaralan.
Isa lamang ang ALCADEV sa mga paaralang Lumad na hinuhubog ang mga mag-aaral upang maging katuwang sa pagpapaunlad ng komunidad. Kumbaga, ayon naman kay Kenneth na isa ring guro ng ALCADEV, makabayan, siyentipiko, at makamasa ang oryentasyon ng kurikulum ng paaralan.
“Tumutugon [ito] sa pangangailangan ng komunidad na kinapapalooban nito. Ang natututunan ng mga estudyante ay agad na naisasapraktika sa komunidad,” aniya. Iba rin ang pagtanaw ng mga Lumad sa kasaysayan dahil may matatag na lipunan na sila bago pa man pumasok ang mga mananakop. Malinaw nilang nailalatag ang nagdaang panahon base sa karanasan ng mga nakaraang henerasyon.
Agrikultura naman ang isa sa pangunahing itinuturo sa ALCADEV dahil mga magsasaka at manggagawang bukid ang karamihan sa mga Lumad. Maaari ring lumahok sa gawaing bukid ang mga mag-aaral upang lalo nilang maunawaan ang mga pinag-aaralan.
‘Ating ipaglaban, laya ng diwa’t kaisipan’
“Iba ito sa kasalukuyang oryentasyon ng kurikulum sa DepEd na madalas ay hiwalay sa tunay na pangangailangan ng bansa,” ani Kenneth.
Aniya, karaniwang iginigiya ng kurikulum ng DepEd ang mga mag-aaral upang maging murang lakas-paggawa para sa malalaking kumpanya. Hindi itinuturo sa isang pampublikong hayskul sa probinsya ang mga aralin na magagamit sana upang paunlarin ang lokalidad. Samantala, nakaangkla ang kurikulum ng ALCADEV sa pagtugon sa lumiliit na bilang ng guro, magsasaka, at manggagawa sa komunidad.
“[Ang mga mag-aaral ng ALCADEV ay] may kagyat na pagsasapraktika sa mga natututunan sa klase, may siyentipikong pamamaraan sa pagsusuri sa lipunan at kolektibo ang pagbabahagi ng kaalaman sa loob at labas ng classroom,” dagdag ni Kenneth. Panahon na rin, aniya, upang maging ganito ang oryentasyon ng kurikulum ng DepEd.
Gayunman, hindi madali ang magturo sa ALCADEV lalo pa’t nakapataw pa rin ang Batas Militar sa Mindanao, kwento ni Kenneth. Kaya naman daan-daang Lumad ang muling tumulak pa-Maynila ngayong buwan para sa taunang Lakbayan upang ipanawagang itigil ang pamamaslang at tuluyang magkaroon ng kapayapaan sa kanilang lugar.
‘Mabuhay ang lingkod ng taumbayan’
Sa kabila ng umiigting na krisis at banta ng terorismo sa Mindanao, hindi binitawan ni Chad, Kenneth, at mga kasamang volunteer teachers ang tungkuling magturo sa mga Lumad. Para sa kanila, lalong hindi dapat iwanan ang mga batang Lumad sa harap ng lumalalang sitwasyon.
“Talagang sinisiguro [ng mga bata] na babalik pa kami para magturo. Takot sila na mawalan pa ulit ng guro tulad ng nangyari noong una na halos nangalahati ang bilang ng mga academic staff. Lagi din nilang sinasabi sa amin na mag-imbita pa raw kami ng mas marami pang taga-UP para magturo doon,” ani Chad.
Nagsisilbing inspirasyon ang kwento nina Chad at Kenneth upang gamitin ang karunungan sa pagtulong sa mas higit na nangangailangan. Nananatili ang hamon, hindi lang sa mga nagsipagtapos, kundi pati sa mga bagong papasok sa Pamantasan na paglingkuran ang sambayanan.
“[Magagawa ito] kung handa na tayong isantabi ang pansariling interes para sa interes ng nakararami at ng mga inaapi,” ani Chad. ●
* Hango sa UP Naming Mahal, bersyon nina Gary Granada, et al. Unang nailathala ang akda sa isyu ng Kulê noong ika–22 ng Agosto 2017, gamit ang pamagat na “Pamantasan ng Bayan.”