Karaniwang may baong bagong simula ang bawat pagtatapos. Para sa karaniwang estudyante, hudyat ng pagtatapos sa pag-aaral ang pagsabak sa sinasabing tunay na mundo. Oras nang maghanap ng trabaho, tumangan ng mas malaking responsibilidad. Pero para kay Chricelyn Impong, 18 taong gulang at isa sa mga magtatapos sa Bakwit School, walang ibang ibig sabihin ang gaganaping pagtatapos kundi pagpapatuloy ng sinimulan niyang laban.
Tubong North Cotabato, saksi si Chricelyn sa panggigipit ng militar sa mga Lumad, lalo na sa mga paaralan. Taong 2015 nang pumasok si Chricelyn sa Bakwit School bilang estudyante sa ikapitong baitang. Ngunit sa parehong taong iyon, nanghimasok ang mga militar at inutos ang pagpapasara ng eskwelahang pinapasukan niya. Malala pa, naging kaagapay dito ang kapitan ng kanilang barangay.
Gayunpaman, hindi masisi ni Chricelyn ang desisyon ng kapitan, na kwento niya ay isa pa sa mga tumutulong sa eskwelahan nila noon. Sapagkat nang dumating ang mga militar sa kanila, binigyan lang sila ng dalawang pagpipilian: ipasasara ang mga eskwelahan o paaalisin sila sa kanilang lupang ninuno. Gawa ng paninindigan nilang manatili sa tinubuang lupa, labag sa loob nilang pinili ang nauna. Ngunit gawa ng patuloy na pagbabanta at sapilitang pagpapasuko sa mga Lumad bilang rebelde, nilisan nila ang komunidad nila at tumungo sa Davao upang magbakwit.
Mula nang iwanan ang kanilang lupang ninuno, napadpad sila sa iba’t ibang lugar, minsan umaabot pa sa ibang isla. Kaakibat ng panay na paglilipat ang pabago-bagong kapaligiran, at sa bawat pagbabago, kahingian sa mga Lumad ang magbigay-espasyo para umangkop. Ngunit sa kabila nito, may mga bagay na nananatili: ang araw-araw na gawi ng mga estudyante sa paaralan. Lumipat man sa ibang siyudad, nagpatuloy pa rin ang pag-aaral ni Chricelyn kasama ang iba pang kabataan ng mga kasamang Lumad.
Sinisimulan ng mga estudyanteng Lumad ang araw nila sa paggampan ng kanya-kanyang tasking. Sama-sama silang naglilinis, nagluluto, at naghuhugas ng pinggan bago mag-flag ceremony. Pagtapos nito, tutuloy ang araw nila tulad ng sa mga karaniwang eskwelahan. Magkaklase sila mula alas-siyete hanggang 11:30 ng tanghali, kakain at babalik sa silid-aralan upang mag-aral mula ala-una hanggang alas-kwatro ng hapon. Bago mag-uwian, magtatapos ang araw nila sa eskwelahan sa muling pagsagawa ng tasking.
Sa loob ng silid-aralan, tinatalakay din sa Lumad School kung ano man ang tinuturo sa mga normal na paaralan. Pero kwento ni Chricelyn, may espesyal na pagtuon sila sa paksa ng agrikultura at kalusugan. Binibigyang-diin ang pag-aaral sa mga larangang ito dahil ito ang pinakakailangan sa komunidad nila. Nang tanungin si Chricelyn kung mayroon siyang paboritong klase, tuliro niyang sinagot, “Wala po, lahat magandang pag-aralan.”
Malaking pagkakaiba ito sa pag-aaral sa ilalim ng ordinaryong eskwelahan. Kung sa isang normal na seremonya ng pagtatapos malimit makita ang pagpaparangal sa mga estudyanteng may pinakamataas na grado sa bawat kurso, walang katumbas ang ganitong paggawad sa Lumad School.
Ito ang tinuturo ni Chricelyn na bentahe ng Lumad School kumpara sa ibang paaralan. Hindi itinatatak sa mga estudyante na dapat makipagtagisan sa klase para maturing na matalino. Sapagkat higit pa sa pagbabasa at pagkatuto ang layunin ng Lumad School. Para sa mga kabataang Lumad, ang pag-aaral sa Bakwit School ay isa sa mga pinakamataas na porma ng pagdepensa sa kanilang kultura at lupang ninuno.
Kaya sa kabila ng atake at pagbabanta sa mga Lumad School, pinagpapatuloy ni Chricelyn ang pag-aaral niya. Para sa kanya, pamamaraan ito upang matiyak na hindi na mararanasan ng susunod na salinlahi ang mga kinahaharap nila ngayon. Ayaw niya nang maabutan pa ng mas batang henerasyon ang sapilitang pagbabakwit at paglisan sa komunidad.
Ngayong magtatapos na siya sa high school, nangangarap si Chricelyn maging guro, maibalik at mabahagi ang mga natutunan niya sa kapwa niya Lumad. Bagaman may handog na magandang kinabakusan ang pagtatapos niya, hindi niya pa rin maiwasang malungkot.
Liban pa sa kawalang-katiyakan kung kailan muling bubuksan ang mga isinarang Lumad School, may panghihinayang niyang inalala ang 10,000 pang mga kapwa mag-aaral na hindi makakaakyat sa entablado kasama nilang 26 na natitirang estudyante sa Maynila. “Unfair po yun kasi kami lang makakaakyat sa entablado … Pero masaya pa rin kami kasi patunay na kahit ilang ulit kaming inaatake at pinatatahimik, tumitindig pa rin kami,” sabi ni Chricelyn.
Gaano man nakadidismaya ito, gayon din kung paano nito binibigyan ng lakas ng loob si Chricelyn na lalong maging masikhay sa pagtindig para sa kaparatan ng mga kabataang Lumad na makapag-aral. Buo ang loob ni Chricelyn na hindi rito magwawakas ang pag-aaral niya sa kasaysayan at pag-iral ng Lumad. Kung ano pa man, simula lamang ito ng mas malalim at makubuluhang paglahok niya sa ilang dekada nang laban nila para sa lupa, karapatan, at sariling-pagpapasya. ●