Ni MARIE GERONE BA-ANG
Matikas ang tindig niya habang minamanmanan ang paligid. Nakasabit ang boomerang at espada sa kanyang baywang, handa sa pagsalakay ng di mawaring kalaban. Buong pagmamayabang niyang sinusuot ang bandila bilang kapa, ngunit pagkatao niya’y nakakubli sa maskara.
Kilala siya ng karamihan bilang si Zorro, Lawin, o Kapitan Pinoy. Maraming di nakakaalam sa tunay niyang katauhan. Natawag na siyang Fine Arts major, Engineering professor, o isang dating estudyanteng hindi nakayanan ang hamon ng buhay-UP. Ngunit sa likod ng mga maskara’t pagkakakilanlang nabanggit, nakakubli ang isang personalidad—si Dennis Magtajas.
Walang Pagpapanggap
Pangalawa si Dennis sa apat na anak nina Danilo at Virgie Magtajas. Kasalukuyang tanod sa UP Village si Mang Danilo at nagbu-book binding naman si Aling Virgie. Sa murang gulang, kinakitaan na diumano si Dennis ng kakaibang galing. Tatlong taong gulang siya nang magsimulang magbasa. Ngunit hindi pambatang kuwento ang mga binabasa niya. Ayon kay Mang Danilo, mga dyaryo raw ang madalas na binabasa ni Dennis.
Nag-kinder siya sa Krus na Ligas Elementary School taong 1982. Tanda nga ni Mang Danilo, “Inaway niya dati yung teacher niya. Gusto niya kasing sagutan na agad ang assignment, at hindi sa bahay pa.”
Marami pang pagtatalo ang naganap sa pagitan ni Dennis at ng guro niya kaya naman inilipat siya sa Batino Elementary School. Unang baitang siya agad nang tanggapin, dahil abante umano siya para sa kanyang edad. Dito, nabansagan siyang Lawin dahil daw sa talas ng kanyang paningin at kakaibang galaw ng mga mata.
Nalipat siya sa ikalawang baitang isang buwan lang mula nang pagpasok niya sa Batino. Ilang linggo pang lumipas, inangat na siya sa ikatlong baitang dahil sa kanyang katalinuhan. Hindi naman maiwasan ng mga magulang ni Dennis na magtaka dahil sa pambihirang talino niya.
“Nangamba kaming baka sinapian na siya ng masasamang espiritu kaya naman nung buwang naging grade three siya, dinala na namin siya sa Philippine Mental Health Association para ipasuri,” ani Mang Danilo.
Taglay ni Dennis ang 120 IQ level ayon sa resulta ng pagsusuring ginawa ng asosasyon—lampas sa 80-90 na normal para sa kanyang gulang. Kaya naman di kataka-takang apat na taon lang niyang tinapos ang buong elementarya.
Naguluhan pa noong una sina Aling Virgie at Mang Danilo. Hindi nila lubos akailaing magkakaanak sila ng tulad ni Dennis, kaya naisip nilang baka di nila matugunan ang kanyang mga pangangailangan. Ngunit, sa halip na ipaubaya sa mga doktor at eksperto, pinagpatuloy nila ang pagpapaaral at pagsuporta sa kanya.
Ang Kanyang Laban
Ang kakaibang katangian ni Dennis ang nagtulak kay Mang Danilo na magtrabaho bilang seaman upang matustusan ang mga pangangailangan nila. Prayoridad niya si Dennis lalo na pagdating sa mga hinihingi nitong libro.
“Dahil hindi siya pangkaraniwan, hinayaan namin siya sa kanyang mga kagustuhan, binigay lahat. Hindi namin siya ginugulo pati mga gamit niya dahil, naku! Iba yan kung magalit,” ani mang Danilo. Maayos ang lahat sa kwarto ni Dennis at alam daw niya kapag may nagalaw na kahit isang bagay.
Dumating sa puntong mga pelikula naman ang kinahiligan ni Dennis. Ani mang Danilo, “Nakakaabot yan ng Cubao, sa kung saan-saan … saulo ang skedyul, titulo, artista at pati mga linya ng mga pelikula at Ingles lang ang pinapanood niya.”
Nakilala niya sa libangang ito ang personang aangkinin din niya paglaon—si Zorro. Napanood niya ang 1975 na bersyon, mula sa Italya, na pinagbidahan ni Alain Delon. Ginanap sa Gitnang Amerika, umikot ang kwento kay Zorro na kilalang tagapagtanggol ng masa.
Ito ang naging hudyat kay Dennis upang makiisa na rin sa mga isyung panlipunan. Nagbasa siya ng mga dyaryo upang subaybayan ang galaw ng ekonomiya at pulitika. Nakintal sa pag-iisip niya ang kabutihan ni Zorro at naging basehan ito ng kanyang pagbabago.
Di pa nakuntento sa napanood, nagbasa pa si Dennis ng mga libro tungkol kay Zorro. Sa pagkahumaling niyang ito, napabayaan niya ang pag-aaral at di na nagpatuloy pa. “I am Zorro. People need Zorro to save them!” aniya.
Katatapos lang ng Batas Militar, taong 1988, nang tuluyang maging Zorro si Dennis. Nanindigan siya, bilang kalahok sa mga demonstrasyon, para sa karapatan ng mamamayan. “Zorro will not let anyone, not even Diego dela Vega, hurt the Filipinos!”
Hanggang ngayo’y madalas siyang dumalo sa mga pagkilos. Patuloy siyang nakikiisa sa mga panawagang itaas ang sahod at babaan ang persyo ng mga bilihin dahil sa paniniwalang walang magaling na pangulo—maliban nga lang kay Erap, aniya.
Sa mga napapanood niyang pelikulang aksyong pinagbibidahan ni Erap bilang tagapagligtas, nakumbinse si Dennis na magaling si Erap. Kwento ni Mang Danilo, itinuturing ni Dennis na “ingenious leader” si Erap.
Ito ang dahilan kung bakit nagalit siya nang mapaalis si Erap sa pwesto at si Gloria Arroyo ang pumalit. Hindi niya tinanggap si Arroyo bilang pangulo at mas lalo pa niya itong kinamuhian nang naging pangulo ito muli noong 2004 dahil umano sa pandaraya.
Bakas sa kanyang pananalita ang labis na pagkapoot kay Arroyo. Nililitanya niya ang mga kahirapang nararanasan ng mamamayan dahil kay Arroyo. “No Gloria is ever safe from Zorro! Zorro will finish Gloria with boomerang because Gloria is butata and sa kanya, taas ang E-VAT!” nanggagalaiting wika ni Dennis bilang Zorro.
Sa panahon ngayon, kung san ang mga institusyong itinatag upang protektahan ang mga interes ng publiko’y umiiral na lamang upang protektahan ang interes ng mga tiwalang namumuno, waring nangangailangan talaga ng superhero. Sapagkat ang isang superhero’y labas sa sistema, at sa likod ng maskara’y isang personalidad na nabubuhay din sa isang tagibang na lipunan.
Ngunit, lagi’t lagi, hindi kakayanin ng superhero na mag-isa. Marahil isang paanyaya ang ipinapaabot ng karakter na si Zorro—imbitasyon upang lumahok sa mga usaping panlipunan, pange-engganyong palawakin ang isipan upang mabatid muli na makatwiran ang magsilbi sa sambayanan.
Dahil kahit tinatawanan, kinukutya’t kinakantyawan, sa huli, si Zorro’y di malilimutan. ●
Nailathala sa isyu ng Kulê noong ika-7 ng Agosto, 2008, gamit ang pamagat na “Superhero Complex: Sa Likod ng Maskara ni Zorro.”
Walang balita tungkol kay Zorro simula nang kumalat ang ulat sa social media, noong Marso 2015, na pinagbawalan diumano siyang pumasyal sa kampus. Pinabulaanan naman ito ng UP Diliman Community Affairs at sinabing malaya pa rin siyang magpagala-gala, na lubos na kinasaya ng mga mag-aaral at alumni na napamahal na sa kanya. Ngayong nasa ilalim ng lockdown ang Metro Manila, tanging hiling ng Kulê na sana’y ligtas si Zorro, matatag at matapang pa ring binabantayan at dinedepensahan ang kampus hanggang sa muling makabalik ang mga guro’t estudyante ng UP Diliman.