Payapang nagpapahinga sina Chad Booc at kanyang mga kasamahan noong umaga ng Pebrero 15. Ang iba ay natutulog, habang ilan sa mga bata ay nag-aayos ng gamit, naghahandang umuwi. Ilang araw bago ito, tinawagan ng mga magulang mula sa Davao del Norte ang kanilang mga anak na nagbabakwit sa University of San Carlos sa Cebu, at pinababalik ang mga ito sa kanilang tahanan. Ang balita nina Chad, mga pulis at sundalo ang nagpupumilit sa mga magulang na pauwiin ang mga bata. Gayunman, pumayag ang Bakwit School na ibalik ang mga mag-aaral.
“Parang masyado pa kaming nagtiwala sa estado na susunod sila sa mga proseso,” ani Chad. Bandang alas-onse ng umaga, pinaligiran ng mga armadong pulis ang Bakwit School, pinasok ang tinutulugan nina Chad, at isa-isa silang hinablot.
May ilang nagawang makapag-Facebook Live, kung saan nakuhanan ang iyakan at hiyawan ng mga estudyante—bakas ang takot sa mga armadong lalaking nagsasabing ililigtas daw sila. Pinosasan ang nagbi-bidyo, kinuha ang mga bata at sinakay sa bus. Samantala, ipinasok sina Chad at anim niya pang kasamang mga guro, estudyante, at lider-Lumad sa sasakyan ng pulis upang dalhin sa istasyon. Dito, isinalang sa buong araw na interogasyon ang kalauna’y binansagang Bakwit 7.
Bakas ang dagok ng karanasan kay Chad, dalawang buwan mula nang makalaya, nang makausap ko siya. Iba ang dating niya sa aking inaasahan; halos walang pahiwatig ng bibong karakter na kinukuwento sa akin ng mga kasamahan sa Kulê na dati siyang nakapanayam. Gayunpaman, ang dasig na pinanghawakan niya noon ay batid kong nananatili, lalo ngayon.
Bihira ang mga gaya ni Chad—silang tatalikuran ang lahat ng meron sila upang tahakin ang landas na malayo sa komportableng buhay, para ituon ang oras at ubos-kayang pagkilos sa paglilingkod sa iba.
Tinanong ko kung naisip niya bang magiging volunteer teacher siya sa mga Lumad noong pumasok siya sa UP, at umiling siya. May mga pagkakataong naisip niyang gusto niyang magturo sa bundok, ngunit hindi ito naging konkreto bago niya personal na makasalamuha ang mga Lumad noong 2015 sa Lakbayan, dating taunang martsa, protesta, at kampuhan ng mga pambansang minorya sa Maynila.
Hindi madaling ipaliwanag sa mga magulang na ang anak na pinag-aral nila nang ilang taon ay gusto ngayong mamuhay sa bundok, magturo sa mga katutubo. Ngunit nangibabaw noon kay Chad ang kagustuhang mamalagi at makipamuhay sa lupang ninuno ng mga Lumad.
“Alam mo yun, kapag sobrang inspired ka, kapag sobrang mahal mo yung isang bagay, parang madali na lang sa’yong iwan lahat,” tumawa si Chad; korni man ang sagot, ngunit ito ang katotohanang pinanghawakan niya. Limang buwan matapos magmartsa taong 2016, tumungo siya sa Lianga, Surigao del Sur, at nagsimulang magturo.
Marahil para kay Chad, na nagtapos ng cum laude sa kursong in-demand sa industriya, hindi naging madali ang pagbabago mula sa nauna niyang tahakin. Sa katunayan, hindi na niya mailapat sa Bakwit School ang napag-aralan niya sa kursong BS Computer Science, natatawang sabi niya sa akin. Higit sa mga natutunan niya sa klasrum, ang mga teoryang tinatalakay sa mga educational discussion ng mga aktibista ang naisasapraktika niya. Sa paaralang Lumad, mas naging konkreto ang ipinaglalaban niya at ang imahe ng lipunang nais niyang makamit ng kilusang masa.
Ito rin ang pinagyayaman ng mga estudyanteng Lumad—ang pag-aaral ng mga bagay na higit na makakatulong sa komunidad, ang pagkilalang mayroon silang mga karapatan na dapat igiit. Ngunit ito ang malimit na dahilan sa pagpapasara ng kanilang mga paaralan, pagbabakwit ng mga mag-aaral, gayundin, pagka-aresto ng kanilang mga guro.
Hindi ito ang unang beses na naaresto si Chad, at siguradong hindi ito ang pinakamalala niyang naranasan bilang guro ng mga Lumad. Taong 2017 nang arestuhin siya kasama ang pito pang aktibista matapos silang magprotesta sa Batasang Pambansa sa kasagsagan ng pagdedesisyon ng Kongreso sa pagpapahaba ng Batas Militar sa Mindanao.
Binalikan ni Chad ang pangha-harass sa kanila, at lalo sa kanya, noong mga unang linggo nila sa presinto sa Cebu. Tinatawag siya ng mga pulis na nanloloko sa mga bata, taga-brainwash, taga-recruit sa New People’s Army. May mga pagkakataon ding kinukuhanan siya ng litrato. Gayunman, nakuha niya rin ang lakas, ang dasig, aniya, sa kanyang mga kasama at kakosa.
“Family-family raw kami roon,” banggit ni Chad sa akin. Nabasag ang mga palagay na kapag preso o adik ang isang tao, nangangahulugan itong masama ang kanyang ugali. “Parang mas mabubuting tao pa nga sila kaysa mga taong nasa pwesto,” ani Chad, at kinuwentong inaabutan pa sila ng mga ito ng pagkain, o di kaya minamasahe at binibigyan ng pep talk kung di maayos ang kanilang pakiramdam. Para kay Chad, ang pakikisalamuha sa mga preso ay nagsilbi ring “learning experience.”
Malayo sa kanyang karanasan sa kulungan, itinuturing na pinakamahirap na naranasan ni Chad ang pagbabakwit nila noong 2018. Di gaya sa bilangguang napuntahan niya, kung saan nakakatulog at nakakakain pa siya nang maayos, mahirap kumain, magpahinga at maligo sa gym na pinagbakwitan nila ng mga Lumad. Ang nagpapalala rito, aniya, ay ang makitang naghihirap ang lahat.
Ngayon, nasa recovery stage si Chad at ang iba pa sa Bakwit 7. Ito aniya ang pagkakataong nararamdaman na nila ang trauma sa karanasan, mula sa raid hanggang sa pagkakakulong. Hindi biro ang pinagdaanan nila, at kung tutuusin, hindi nakakagulat kung minsan nilang maisip na tumigil sa ginagawa at bumalik sa komportableng buhay. Ngunit wala nang balikan para kay Chad.
“Minsan di ko na ma-imagine yung sarili ko labas sa Bakwit School, kasi yung binigay nila na aral, comfort, na kahit sa dami ng problema na kinakaharap natin ngayon, nakakayanan ko sila dahil sa kanila,” ani Chad. Ang mga estudyante, ang kanilang pinagdaraanan, at ang pagpupunyagi sa kabila ng mga ito ang nagtutulak sa mga gurong gaya ni Chad na magpatuloy.
Inamin ni Chad na hindi niya sigurado ang susunod niyang mga hakbang, ngunit isa ang tiyak: Magpapatuloy siya sa ipinaglalaban, hanggang muli silang makabalik ng kanyang mga estudyante sa lupang ninuno, maligo sa mga ilog nito, magsaka, at mamuhay nang kolektibo kasama ang mga Lumad. ●
Pebrero 24, 2022, isa si Chad sa limang pinaslang ng mga militar sa New Bataan, Davao de Oro. Binihisan at ipinarada bilang rebelde ng 1001st Infantry Brigade ng AFP ang mga bangkay, at sinabing namatay ang mga ito sa engkwentro. Pinasisinungalingan ito ng mga lokal at ng Save Our Schools Network. Hanggang sa kanyang huling araw, patuloy na lumaban si Chad para sa karapatan ng mga Lumad.