Hinahabol na si Pangulong Rodrigo Duterte ng multo ng mga krimen niya sa taumbayan. Saan man siya tumakbo, tiyak ang mabagsik na hatol ng mamamayan na nararapat lang sa mga taksil na tulad niya.
Patuloy na uugong ang panawagang pagpapatalsik sa kanya. Hindi na rin niya matatakasan ang plano ng International Criminal Court na magbukas ng imbestigasyon sa kanyang giyera kontra-drogang kumitil sa libu-libong Pilipino. Ngunit asahan pa ring, sa huling State of the Nation Address (SONA) ni Duterte, babaha ang mga kasinungalingan tungkol, halimbawa, sa pag-unlad ng bayan sa kanyang pamumuno. Ipangangalandakan niya ito hindi para mag-iwan ng legasiya bago bumitiw sa pwesto, bagkus para patatagin pa ang kanyang poder at lantarang iwasang mapanagot.
Sa isang taong natitira para sa kanyang administrasyon, walang planong nais ilatag si Duterte upang iangat ang kalagayan ng mamamayang nagdarahop. Sa loob ng napakatagal na lockdown, milyun-milyong Pilipino na ang nagkasakit, at nawalan ng trabaho at mahal sa buhay. Sa harap ng patung-patong na krisis na kinahaharap ng bansa, ang tanging nakikita niyang solusyon upang makatas sa pagpapanagot ay muling tumakbo sa susunod na halalan, kasama ng anak niyang si Sara Duterte.
Hindi na nakagugulat ang ganitong galawan ni Duterte sa kabila ng paulit-ulit niyang kunwaring pag-aming pagod na siya. Dahil kung mayroon man siyang nagawa sa pamamalakad niya, iyon ang paulit-ulit na pagbali sa mga pangako sa publiko.
Unang-una na ang palpak na pag-iral ng giyera kontra-droga. Hindi niya na nga naresolba ang kalakaran ng iligal na droga, higit pa sa 8,000 ang pinatay sa ngalan ng huwad na giyerang ito ayon sa tala ng United Nations High Commissioner for Human Rights. Pinasimulan ng polisiyang ito ang sunud-sunod pang extrajudicial killings sa na papalo na ang bilang sa 20,000 biktima, ayon sa huling tala ng Vera Files.
Hindi na rin maaasahang maitutuwid pa ni Duterte ang talamak na korapsyon sa gobyerno gayong siya mismo ay hindi kayang ilabas ang sarili niyang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) simula pa noong 2018. Kung ano pa man, lumala lang ang pagnanakaw ng mga politiko sa kaban ng bayan, tulad ng P15 bilyong ninakaw ng mga opisyal sa PhilHealth.
Sa trilyon ding inutang niya, nananatiling hikahos ang batayang sektor na nakatanggap lang ng kakarampot na ayuda para mabuhay ngayong pandemya. Sa mga nagdaang taon, hindi matatago ang pagkamuhi ni Duterte sa mga manggagawa, magsasaka, at maralita. Mula sa pagkait sa kanila ng nakabubuhay na hanapbuhay, pinagbabantaan ni Duterte kung sino man ang tumitindig sa kanilang hanay.
Ngunit sino ang hindi aalma sa hindi pagtuldok ni Duterte sa kontraktuwalisasyon gaya ng pinangako niya. Tinatayang 4.14 milyong Pilipino ang walang trabaho ngayong taon, sa kasagsagan ng hindi makontrol na pagtaas ng mga bilihin. Wala ring ibang magagawa ang mga mangingisda kundi magprotesta sa tahasang pagsuko ni Duterte ng West Philippine Sea sa Tsina, at laganap na reklamasyon sa mga baybaying-dagat.
Wala ring gasgas na retorika ang kayang magkubli na palpak ang proyekto niyang Build, Build, Build. Sa loob ng 100 imprastrukturang planong ipatayo, 56 lang ang makukumpleto sa 2022, ang huling taon niya sa pwesto. Sa pagsasakatuparan ng mga proyektong ito, walang habas na sasagasaan ang ilang ektaryang lupain at daan-daang pamayanan, na mag-iiwan ng libu-libong Pilipinong walang tirahan, lupa, at trabaho.
Ito ang tunay na kalagayan ng bansa na itatago at babaluktutin ni Duterte sa huli niyang SONA. Ipipinta niyang muli ang imahe ng masaganang lipunan sa ilalim ng isang walang-takot at mabagsik na lider, mga katangiang nagpanalo sa kanya noong 2016 at mga kalidad na kanya ulit sasandigan sa ambisyong tumakbo, at manalo, bilang pangalawang pinakamakapangyarihang tao sa bansa sa darating na eleksyon. Hindi niya alintana kung paano ito problematiko sa mata ng saligang batas, o kung paano nito muling ilalagay sa panganib ang demokrasya.
May rason kung bakit ipinagbabawal sa Konstitusyon ang muling pagtakbo ng isang presidente: upang harangan ang posibilidad ng pag-abuso sa kapangyarihan. Walang anumang katwiran ang maaaring pabulaanan ito.
Ngunit kung mayroon mang napatunayan si Duterte sa nakalipas na limang taon, iyon ang kakayahan niyang sagarin ang hangganan ng batas para tiyaking, sa usapin ng istriktong panuntuan, walang masasabing pang-aabuso sa kapangyarihan ang magaganap.
Una niya nang pinatalsik si Chief Justice Ma. Lourdes Sereno kahit wala itong klarong batayan sa batas. Wala ring patumangga niyang tinutugis ang mga kritiko niya, mapa-politiko o aktibista. Tagumpay niya ring napasara ang ABS-CBN sa kabila ng kwestiyonableng paglilitis ng mga kaalyado niya. Kamakailan lang, nagawa niyang kasangkapanin ang batas, sa pamamagitan ng pagraratsada ng Anti-Terror Law, upang sikilin at bansagang terorista ang mga aktibista o sibilyang lumalaban.
Gaano man kahindik-hindik ang pagmamaniobra ni Duterte sa batas, lalo lang nitong pinatutunayang takot siyang managot sa mga kasalanan niya sa taumbayan. Batid niya ang katiwalian niya, mula sa pagtalikod sa sinumpaang tungkulin hanggang sa pambubusabos sa buhay at karapatan ng mga Pilipino. Kaya gagawin niya ang lahat sa kapangyarihan niya, baliktaran man ang Konstitusyon, para lang hindi magbayad sa kasalanan niya.
Subalit hanggang nakaupo at kontrolado niya ang buong gobyerno, malabong makita si Duterte sa likod ng rehas. Lalo na ngayong nilalatag niya na ang kanyang plano manatili sa kapangyarihan, o kung hindi siya, ang anak niya at mga kaalyado niya. Upang matiyak ang tagumpay sa susunod na eleksyon, magiging lunsaran ang huling SONA niya para kumbinsihin ang mga botanteng bigyan siya ng pangalawa pang pagkakataon.
Gugugulin ni Duterte ang maikling panahong natitira sa kanya upang sindakin ang mga pwersang taliwas sa kanyang hangarin, upang patibayin pa ang impluwensiya niya at ng mga kaalyado. Subalit malaon nang lantad ang krimen niya, oras na para ibaba na ng mamamayan ang hatol nito kay Duterte. Patalsikin na ang taksil sa kanyang pwesto—hadlangan ang pag-angat ng mga katulad niya sa gobyerno. ●