Paano susukatin ang nagdaang limang taon sa ilalim ng administrasyong Duterte? Aling metriko ang dapat pagbatayan? Anong datos ang makapaglalarawan sa kalagayan ng mamamayan at sa anong numero pinakatambad ang danas ng bayan?
Okasyon ang State of the Nation Address (SONA) upang ilahad ng nakaupong pangulo ang mga nagawa ng kanyang administrasyon. Dito, nabibigyan siya ng pagkakataong magpakitang-gilas at ipangalandakan sa bihag na madla ang mga mabubuting balita, mga numerong nagpapakita ng di-umano’y kaunlaran, ang daan patungo sa mas mabuting lipunan—ang mga hamong kanyang napagtagumpayan.
Sa pagitan ng mga palakpakan mula sa mga bihis na bihis na opisyales na buong-pusong sumuporta sa mga palisiya ng pamahalaan—silang mga pinagkanulo ang kanilang mga prinispyo’t sinumpaang katapatan sa bayan kapalit ng pagkapit sa kapangyarihan—inilahad ni Pangulong Duterte ang estado ng bayan ayon sa bersyon ng kanyang kamalayan.
Kagaya ng iskrip ng mga nagdaang SONA—o bagkus, ang mistulang kawalan nito—ginamit din ito ng pangulo para patutsadahan ang kanyang mga kalaban. Kasunod ng malulutong na salita ang pangalan ng mga taong nangahas na tumaliwas. Ikinumpol sa isang kategorya ang mga adik at komunista, binansagang kalaban ng estado ang mga manggagawa’t magsasaka. Hindi na bago sa ordinaryong Pilipino ang taunang tradisyong ito. Diyos ang asta—at nagkakaroon din ng buhay ang kanyang mga salitang naghihimok ng pagkitil ng buhay.
Ekstraordinaryo ang SONA ngayong araw, hindi lamang dahil ito na dapat ang huli ni Pangulong Duterte—kung siya ay susunod sa Saligang Batas—kundi dahil na rin sa di-pangkaraniwang krisis na hinaharap ng bansa sa kasalukuyan. Pinalala ng pandemya ang lahat ng karamdamang matagal nang gumagapi sa lipunan. Dahil na rin sa mga ginawa—at hindi ginawa—ng pamahalaang kasalukuyang iwinawagway ang di-umano’y mga tagumpay nito, nanatiling malubha ang pagkapatid ng mga pampublikong serbisyo, nananatili ang di-katiyakan sa harap ng krisis pang-kalusugan.
Hindi paglalabis ang pagsabing matinding pagdurusa ang dinulot ng pandemya sa Pilipinas. Nakita sa panahong ito ang ilan sa pinakamalalalang numero sa tala ng kasaysayan. Sumirit ang bilang ng mga mahihirap at nagugutom kasabay ng pagbagsak ng ekonomiya at pagmahal ng mga pangunahing bilihin. Sa kasagsagan ng pandemya, sumipa sa 60 porsyento ang bilang ng mga nakaranas ng kakulangan sa pagkain at umabot sa 12 milyon ang nasadlak sa kawalan at kakulangan ng trabaho. Libo-libo na rin ang nasawi dahil sa pandemya at pandarahas ng estado. Ngunit hindi sapat ang mga numerong ito sa pagsusuma ng kalabisan at pagdurusang naranasan ng bayan sa ilalim ni Pangulong Duterte.
Sa seryeng ito, binigyang-espasyo ang ilan sa mga sektor ng lipunang pinakamalubhang naapektuhan ng mga palisiya’t kapabayaan ng pamahalaan upang tasain ang nagdaang limang taon. Bilang publikasyong nakasandig sa mga nasa laylayan ng lipunan, sinikap ng Kulê na itambad sa publiko ang kanilang mga tinig na kailanma’y hindi maririnig mula sa pulpito ng pangulo.
Lumutang ang tema ng kapabayaan at mistulang pagbibingi-bingihan ng pamahalaan sa mga hinaing ng mamamayan. Paulit-ulit na nasambit ang mga salita ng pagkadismaya sa mga pangakong napako, ang palagiang takot at galit sa pasismo ng estado, at higit sa lahat, ang pag-asa na ito na nga ang huling SONA ni Pangulong Duterte. Kasabay nito ang panatang gagawin ng masang api ang lahat upang masiguro ito.
Sa “The Duterte Administration Has Completely Failed Workers,” isiniwalat ang karumal-dumal na sinapit ng mga manggagawang Pilipino sa kapabayaan ng pamahalaan, partikular na sa gitna ng pandemya. Sa halip na isulong ang interes ng mga manggagawa at tuluyan nang wakasan ang kontraktwalisasyon, mas pinili pa ng adminisitrasyong Duterte na kumatig sa mga dambuhalang negosyong tumatanggap ng limpak-limpak na kita mula sa lakas-paggawa ng mamamayan. “Alam na nating walang maasahan ang mga manggagawa sa mga binitawan ng pangulong mga salita,” sambit ni Jerome Adonis ng Kilusang Mayo Uno. “Andito na tayo sa pagwasak ng estruktura ng nabubulok na sistemang kinakatawan ni Duterte.”
Binigyang-pansin naman ang kaawa-awang kalagayan ng mga pesante sa “Duterte Has Been a Disaster for the Peasantry.” Taliwas sa ipinangako ng pangulo noong panahon ng kampanya, hindi nabuwag ang mga lupaing pagmamay-ari ng iilang panginoong maylupa at empresa. Bagkus, lumago pa ang lupain ng mga malalapit sa pangulo tulad ng mga Villar. Kasuklam-suklam din ang kabalintunaang kung sino pa ang nangunguna sa produksyon ng pagkain sa bansa ay sila pa’ng nakakaranas ng pinakamatinding gutom.
Sa “Women’s Sector Braces for the Worst for Duterte’s Final Year,” binigyang-diin ang paglapastangan sa kababaihan ni Duterte at ng kanyang pamahalaan. Hindi maikakailang naging nakasusulasok sa kababaihan ang kalagayang nanaig sa pamamalakad ni Pangulong Duterte, na siya ring nagpamalas ng tahasang kabastusan sa kababaihan. “Nakikita namin ang pagtulak ng rehimen ni Duterte to push back our gains; yung mga batas na sinubukan, pinagpaguran, at pinag-isipan na ipasa, hindi naman sila nasunod, vina-violate pa nga,” ani Gertudes Libang ng Gabriela.
Inilahad naman sa “It Is Too Late for Duterte to Redeem Himself, Says STEM Sector” ang pagkasiphayo ng mga dalubhasa sa mga naging hakbang ng pamahalaang tinagurian nilang nagbubulag-bulagan sa agham. Malaki raw ang kahingian ng gobyerno mula sa mga siyentista ng bayan, lalo na sa panahong ito—ngunit hindi napupunan ang karampatang insentibo at pondo ng sektor sa kabila ng di-kasiguraduhan sa trabaho. “Nalilimita ang ating mga scientists na mag-provide pa ang kanilang mga kagalingan, na mag-contribute doon sa development ng ating bansa,” ayon kay Feny Cosico ng Agham.
Sa “Indigenous Communities Stand Steadfast Against Continuing Atrocities Under Duterte,” nakita ang pagpapatuloy ng sistematikong pag-atake ng mga korporasyon ng pagmimina at maging ng mga pwersa ng estado laban sa mga katutubong Pilipino. Sa lahat ng pinangako ng pangulo, ang tangi lamang niyang natupad ay ang pambobomba’t pagpapasara ng mga paaralan ng mga Lumad. Para sa mga katutubo, naging isang matinding hamon ang limang taon sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon—ngunit ito ay hamong sigurado silang kanilang maiigpawan, tulad ng daantaong hamong kanilang napagtagumpayan bago ito.
Itinampok sa “OFW Welfare Organizations Decry Lack of Protection and Creation of DMWOF/DOFil” ang kalagayan ng mga Pilipinong nangingibang-bansa upang makapagtrabaho. Patuloy pa rin nilang kinahaharap ang isyu ng kawalan ng proteksyon sa mga bansang kanilang pinagtatrabahuhan. Sa katunayan, ilang Pilipino na ang napilitang umuwi nang nakasilid sa kahon dahil sa pang-aabuso ng kanilang amo. Palaisipan sa mga eksperto kung makatutulong nga ba ang isinusulong ng administrasyong pagbuo ng kagawaran para sa overseas Filipino workers, o lalo lang nitong pagtitibayin ang “labor export” policy ng pamahalaan, na nag-uugat naman talaga sa kawalan ng disenteng trabaho sa bansa.
Sa pagsuma ng sentimyento ng anim na mahahalagang sektor na ito, nanaig ang pagkadismaya sa pamahalaang pinangakuan sila ng langit noong panahon ng kampanya. Sa halip na tuparin ang kanyang mga pangako, mas pinili ni Pangulong Duterte na sumandig sa interes ng mga makapangyarihan at patahimikin ang mga nangangahas na sumalungat sa kanya. Dahil dito, nagmistulang impyerno sa lupa ang sinapit ng mga nasa laylayan—silang mga manggagawa’t magsasaka, mga ordinaryong mamamayan, na pinapatay ng pamahalaan sa gutom at bala. Ginhawa ang inaasam nila, at tiwala silang makakamtan ito sa pagtakdang ito na talaga ang huling SONA ng pangulong diyos ang turing sa sarili. ●
*Halaw sa pelikulang sinulat ni Mario O’Hara