Ni KENT IVAN FLORINO & SHAINA SATINITIGAN
Sa nagdaang limang taon ng kanyang pagkapangulo, bagaman hindi tuwirang binago ni Pangulong Rodrigo Duterte ang konstitusyon ng Pilipinas sa kanyang pabor, nakapagmaniobra naman siya ng mga palisiya na kanyang ginamit para lipunin ang kanyang kapangyarihan, at lipulin ang mamamayang lumalaban.
Ang mga karagatang nakapaligid ay nag-aanyong bahagi ng panloob na karagatan ng Pilipinas.
Ikalimang anibersaryo na ng makasaysayang panalo ng Pilipinas sa Permanent Court of Arbitration sa The Hague laban sa pang-aangkin ng China sa West Philippine Sea, ngunit patuloy pa rin ang Chinese Coast Guard sa pagharang at pananakot sa mga mangingisdang Pilipino.
Ang lakas ng loob ng China na manghimasok sa karagatan ng bansa ay resulta na rin ng mga pahayag ng pangulo. “Papel lang ‘yan (Hague ruling), itatapon ko ‘yan sa wastebasket,” aniya sa isang talumpati, Mayo 5. Dahil sa patuloy na panghihimasok ng China, umapela ang Bigkis ng Mangingisda sa administrasyon na ipaglaban ang karapatan ng bansa na makapangisda sa exclusive economic zone sa West Philippine Sea.
Hindi bababa sa 600,000 mangingisdang Pilipino ang nakaasa sa West Philippine Sea na bumubuo sa 26 porsyento ng pangisdaan sa bansa, ayon sa PAMALAKAYA. Habang di makapaghanapbuhay ang mga mangingisda, aabot naman sa P1.3 trilyon ang halaga ng nawawala sa bansa bawat taon dahil sa patuloy na island-building at clam-poaching ng China, ayon sa datos ng AGHAM.
Ang ganap na kapangyarihan ay angkin ng sambayanan at nagmumula sa kanila ang lahat ng mga awtoridad na pampamahalaan.
Maliban sa madugong giyera kontra-droga na kumitil ng libo-libo, nagpatupad din ang administrasyong Duterte ng giyera kontra-insurhensiya. Ayon mismo sa pangulo sa isang talumpati noong Marso 5, “I told the military and police that during encounters, if the enemy is holding a gun, kill them. Kill them right away. Ignore human rights.”
Naglunsad ang administrasyon ni Duterte ng giyera laban sa mga kritiko nito at maging sa ordinaryong mamamayan. Makikita ito sa patuloy at walang basehang red-tagging ng mga opisyal ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC). Ginagamit na rin ang Anti-Terror Law na sinasabing panlaban sa mga “terorista” upang patahimikin ang mga kritiko ng gobyerno.
Hindi dapat alisan ng buhay, kalayaan, o ari-arian ang sinomang tao nang hindi sa kaparaanan ng batas, ni pagkaitan ang sino mang tao ng pantay na pangangalaga ng batas.
Mula nang ideklara ni Duterte na pupuksain niya ang iligal na droga noong Hulyo 2016 hanggang sa sumailalim ang bansa sa pandemya, Abril 2021, nasa anim na libo na ang napatay sa mga drug operation ng mga pulis, ayon sa datos ng Philippine Drug Enforcement Agency. Base naman sa datos ng Dahas PH, hindi bababa sa dalawang tao ang napapatay bawat araw sa ilalim ng administrasyong inaangking matagumpay ang kanilang kampanya kontra iligal na droga.
Gaya ng sa giyera kontra droga, ginamit ang “tokhang” sa mga aktibista. Halos 400 extra-judicial killings ang naitala ng Karapatan sa kanilang ulat noong 2020. Matatandaan din ang nangyaring “Bloody Sunday” at mga iligal na reyd sa unang kwarto ng 2021 na humantong sa pag-aresto at pagpatay sa mga miyembro ng mga progresibong grupo.
Ayon sa mga grupo, ginagamit na ngayon maging ang ligal na paraan gaya ng pag-iisyu ng mga korte ng search at arrest warrants upang makapasok, maaresto, at, sa ilang pagkakataon, mapatay ang mga hinihinalaang miyembro ng makakaliwang grupo.
Dapat masalalay sa isang Kongreso ng Pilipinas ang kapangyarihang tagapagbatas.*
Makikita ang lakas ng hawak ni Duterte sa kongreso sa tuwing binibigyang prayoridad ng huli ang mga batas na bagaman kontra sa mamamayan, ay pumapabor sa interes ng pangulo. Isa na rito ang mabilisang pagpasa ng kontrobersyal na Anti-Terror Law, sa kabila ng malawakang protesta laban dito. Maalala rin ang pagbasura ng House Committee on Legislative Franchises sa hiling na 25-taong renewal ng prangkisa ng ABS-CBN sa botong 70-11. Bago pa man mawala sa ere ang istasyon, ilang beses nang binantaan ng pangulo na ipasasara niya ang ABS-CBN.
Ang pangulo ay hindi magiging karapat-dapat sa ano mang muling paghahalal.
Ilang buwan bago ang susunod na halalan ay idineklara na ni Duterte na maaari siyang tumakbo bilang bise presidente. Ang dahilan ng kanyang pagtakbo, ayon mismo sa pangulo, “sabi ng batas, kung bise presidente ka, may immunity ka. E di tatakbo na lang ako ng bise presidente.” Subalit hindi nakasaad sa konstitusyon na ligtas sa kaso ang pangalawang pangulo.
Hindi man lantarang nakasaad sa konstitusyon na bawal tumakbo si Duterte bilang bise presidente, ayon kay Christian Monsod, isa sa mga nagbalangkas ng konstitusyon, ang planong pagtakbo ng pangulo ay daan upang dayain ang saligang batas.
Tungkulin ng mga hukuman ng katarungan na ayusin ang nangyayaring mga sigalot na kinasasangkutan ng mga karapatang nararapat hingin at ipatupad nang naaayon sa batas.*
Tumaas sa 500 porsyento, o katumbas ng 63 bilang, ang mga abogadong napatay sa ilalim ng administrasyong Duterte, ayon sa Integrated Bar of the Philippines.
Iba pa sa bilang na ito ang mga abogadong inatake o hinarass, gaya ni Angelo Karlo Guillen, na naging biktima ng pananaksak noong Marso. Isa si Guillen sa mga naghain ng petisyon laban sa kontrobersyal na Anti-Terror Law.
Sa ilalim ng administrasyong Duterte ay napatalsik din ang dating Punong Mahistrado Maria Lourdes Sereno matapos paboran ng Korte Suprema sa botong 8-6 ang quo warranto petition na inihain ni Solicitor General Jose Calida. Sa ilalim ng konstitusyon, maaari lamang mapatalsik ang isang punong mahistrado sa pamamagitan ng impeachment. Humarap din si Associate Justice Marvic Leonen sa isang impeachment complaint na agad binasura ng House Committee on Justice dahil walang sapat na basehan ang reklamo. Si Sereno at Leonen ay itinalaga ni dating Pangulong Benigno Aquino III.
Ang mga tunguhin ng pambansang ekonomiya ay higit pang ekwitableng pamamahagi ng mga pagkakataon, kita at kayamanan para sa lahat, lalo na sa mga kapuspalad.
Inimplementa ng pamahalaan ang Tax Reform Acceleration and Inclusion Law na nagbunsod lamang ng mabilis na pag-akyat ng presyo ng mga batayang pangangailangan.
Pinirmahan din ni Duterte ang Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises sa kalagitnaan ng pandemya na nagbababa ng buwis ng mga kumpanya mula 30 porsyento tungong 25 na lamang. Sinasabing makapang-eengganyo ito sa mga mamumuhunan na pumasok sa bansa, ngunit sa kabilang banda, tinataya ng Department of Finance na aabot sa P251 bilyong mapapakawalang buwis ng bansa dahil dito.
Dapat ilaan ng Kongreso sa mga mamamayan ng Pilipinas o sa mga korporasyon o mga asosasyon na ang 60 porsyento man lamang ng puhunan ay ari ng gayong mga mamamayan.*
Maraming kasunduang pang-imprastraktura sa ilalim ng Build, Build, Build program ang inalmahan ng mga iba’t ibang grupo. Ito ay lalo sa mga proyektong pangungunahan ng mga dayuhang bansa tulad ng Kaliwa Dam, at Chico River Pump Irrigation na pinondohan ng China.
Pinangangamabahan na maaaring ariin kalaunan ng gobyerno ng China ang mga proyektong kanila ring pinondohan, kung tuluyang itutulak ng administrasyon ang Senate Bill 2094. Pahihintulutan ng panukala ang 100 prosyentong foreign ownership maging sa mga pasilidad na pag-aari ng estado gaya ng mga dam, tulay, at tren.
Dapat garantyahan ng estado ang mga karapatan ng lahat ng mga manggagawa.*
Nagpatuloy sa taong 2020 ang pagiging notoryus ni Duterte sa pagpatay at panghuhuli ng mga lider ng iba’t ibang sektor.
Kabi-kabilang intimidasyon at pag-aresto ang nangyari noong 2020 sa hanay ng mga manggagawa. Magkasunod na araw lamang nang huliin si Jose Bernardino ng Worker’s Alliance Region 3, Disyembre 4, at gambalain ng kapulisan ang eleksyon ng unyon sa pagawaang Supreme Steel.
Bukod sa mga panghuhuli, pinagpapatay din ang mga unyonista sa nagdaang taon. Pinagbabaril ng mga hindi kilalang indibidwal si Leonardo Escala, pangulo ng Nagkakaisang Manggagawa sa Pantalan, Inc., Pebrero 7. Pinaslang din si Dandy Miguel, presidente at bise-presidente ng mga unyong kabilang sa Kilusang Mayo Uno, Marso 28.
Dapat magsagawa ang estado, sa pamamagitan ng batas, ng programa sa repormang pansakahan na nakasalig sa karapatan ng mga magsasaka.*
Lalong nawalan ng lupain ang mga magsasaka sa ilalim ng administrasyong Duterte, ayon sa Kilusang Magbubukid ng Pilipinas.
Mas lumaki ang mga pag-aaring lupa ng mga pulitiko at negosyanteng alyado ni Duterte sa mga nagdaang taon. Mayroon nang 365 ektaryang lupa sa pangalang Udenna Land ang kilalang katiwala ni Duterte na si Dennis Uy, at nagtala rin siya ng P2.8 bilyong paglago sa kita noong 2018. Umabot na rin sa 61 porsyento noong 2020 ang pag-aari ng VistaLand ng mga Villar sa kabuuang bilang ng mga kabahayang ipinauupa at ipinagbibili bilang negosyo.
Napirmahan man ni Duterte ang Coco Levy Trust Fund Act na dapat ay magbabalik ng mga pondo sa mga magniniyog, hindi tiwala ang mga magsasakang maibabalik sa kanila ang pera gayong mayorya ng nasa bagong lupon ng Philippine Coconut Authority (PCA) ay gabinete ng pangulo at tatlo lamang ang kinatawan ng mga magniniyog.
Ikinababahala rin ng mga magsasakang grupo na lubhang mababawasan ang maaaring makinabang sa coco levy dahil sa mahigpit na proseso ng pagpaparehistro. Nasa 3.5 milyong magniniyog pa ang nangangambang hindi makapakinabang sa coco levy dahil sa maikling palugit na ibinigay sa kanila para magparehistro sa PCA, ayon sa Bantay Coco Levy Alliance.
Hindi dapat paalisin ni gibain ang mga tirahan ng nagsisipanirahan na mga dukhang urban o rural maliban kung naaayon sa batas at sa paraang makatarungan at makatao.
Hindi pinaligtas ng gobyerno ang iba’t ibang komunidad sa banta ng demolisyon kahit na may pandemya. Ikinatakot ng mga taga-Intramuros na gibain ang kanilang mga kabahayan matapos isapinal ng korte ang demolisyon, Setyembre 2020, sa mga kabahayang sakop ng lupaing inaari ng isang hindi kilalang pribadong kumpanya. Ito ay sa kabila ng noo’y umiiral na Department of Interior and Local Government (DILG) Memorandum Circular 2020-068 na nagbabawal sa demolisyon sa gitna ng state of national emergency.
Pinahaba ni Duterte ang saklaw ng patakaran hanggang sa Setyembre 2021 ngunit binawi ito ng DILG noong Abril. Bunsod nito, lalong dumami ang mga banta ng demolisyon tulad ng nangyari sa Brgy. Tartaria, Silang, Cavite noong Hulyo 14. Umaligid ang may 100 miyembro ng demolition team na gigiba dapat noon sa tinatayang 100 kabahayan at establisyemento ng mga gumagawa ng muwebles bilang negosyo.
Dapat magsagawa ang estado ng pinag-isa at komprehensibong lapit sa pagpapaunlad ng kalusugan na magbibigay ng mga pangunahing pangangailanganna makakayanan ng lahat ng mga mamamayan.
Sa kabila ng hindi humuhupang kaso ng COVID-19 sa bansa, 11,113,107 katao pa lamang ang nababakunahan, batay sa tala ng DOH, Hunyo 26. Katumbas ito ng 300,880 arawang average ng indibidwal na naturukan, malayo sa 350,000 hanggang 500,000 na target ng gobyerno para magkaroon ng herd immunity bago matapos ang 2021.
Hindi pa man nakokontrol ang pagdami ng orihinal na strain ng COVID-19 sa Pilipinas, mabilis na rin ang pagdami ng Delta Variant na mas nakakahawa at nakakamatay. Mayroon nang 119 kaso ng Delta Variant at apat na ang nasawi, Hulyo 25.
Pinangangamabahan ng grupong Alliance of Health of Workers na kung hindi pag-iibayuhin ng pamahalaan ang mga hakbang para kontrolin ang COVID-19 sa bansa, mas malala ang kahaharapin ng Pilipinas kumpara sa mga karatig-bansa nito.
Dapat pangalagaan at itaguyod ng estado ang karapatan ng lahat ng mga mamamayan sa mahusay na edukasyon sa lahat ng antas.
Dahil sa lumalalang pandemya sa bansa, lalo lamang nagiging bulagsak ang kalagayan ng edukasyon sa bansa.
Pinunto ng World Bank (WB) sa inilabas nitong ulat ukol sa kalagayan ng sektor ng edukasyon na hindi naaabot ng kalakhan ng mag-aaral sa bansa ang minimum learning standards lalo na sa mga asignaturang pagbabasa, agham at matematika. Dagdag pa rito, ayon sa datos ng Programme for International Student Assessment (PISA) noong 2018, nahuhuli ang kalidad ng edukasyon ng Pilipinas kumpara sa mga karatig-bansa sa Timog-Silangang Asya.
Sa halip na muling pag-aralan ang mga umiiral na palisiya sa ahensya ng edukasyon, binatikos ni Education Secretary Leonor Briones ang WB dahil sa hindi umano nito pagsunod sa protocol na ikonsulta muna sa gobyerno ang pagsusuri bago ilabas sa midya. Binanggit din ni Briones na lumang datos na ang ginamit ng WB at “marami nang nangyari” sa estado ng edukasyon sa bansa mula noon.
Ang karapatan ng mga bata na mabigyan ng kalinga, kasama ang wastong pag-aalaga at nutrisyon at natatanging proteksyon sa lahat ng mga anyo ng pagpapabaya, pag-aabuso, pagmamalupit, pagsasamantala at iba pang kondisyong nakapipinsala sa kanilang pag-unlad.
Ang paglabag ni Duterte sa isang mamamayan ay paglabag na rin sa batayang sektor ng lipunan: ang pamilya. Higit na tatatak si Duterte bilang nangungunang tagasira ng pamilyang Pilipino sa pagtrato nito sa mga kabataan.
Mariing kinundena ng mamamayan ang gobyerno matapos ang pagkamatay ni Baby River, anak ni Reina Mae Nasino na isang bilanggong pulitikal, dahil sa pneumonia noong Oktubre. Sinamahan ng mga protesta ang pagluluksa dahil maging sa huling araw ni Baby River ay hindi man lang pinayagan ang kanyang inang na masilayan nang lubos ang anak. Bukod sa limitadong oras na ibinigay kay Reina sa burol, nagkaroon din ng kaguluhan dahil sa hindi makataong pagtrato ng mga kapulisan kay Nasino.
Ito rin ang sinapit ni Baby Carlen na nawalay sa kanyang inang si Nona Espina, isa ring bilanggong pulitikal. Hindi rin binigyan ng kustodiya ang ina sa kanyang anak, at tatlong araw pa lamang matapos ipanganak ay pinabalik na kaagad si Espina sa selda. Tinanggalan ng karapatan si Espina para mapasuso ang kanyang anak na lubos na mahalaga para sa mga bagong silang na sanggol.
Sa mahabang tala ng paglabag ni Duterte sa konstitusyon masasabing wala nang anumang pag-asang madadatnan sa huling taon ng kanyang panunungkulan. Sa halip na umasa sa pagbabago, ilalaan na lamang ng mamamayan ang panahong ito upang siya ay mapanagot sa kanyang mga paglabag at inhustisya sa bayan, at tuluyang mapatalsik nang hindi na muli maluklok sa kapangyarihang kanyang pinagbabalakang balikan. ●
*Pinaikli ang mga bahaging ito mula sa 1987 Saligang Batas ng Pilipinas.