Ni SHEILA ABARRA
Naka-off na ang camera. Hindi na kasama sa pakulo ang rider na uuwi na ngang walang kita, abunado pa. Biro lang para sa vlogger, tumabo ang views at kita; pero nangangahulugan ng dagdag pasakit sa hikahos na buhay ng manggagawa sa gitna ng pandemya.
Isa lang ito mula sa kinalbo habang tulog hanggang sa chat thread ng mag-jowa raw na lampas-langit ang ka-cornyhan. Magkakaibang tipo ng prank pero umiikot sa parehong mga pakiramdam: nakakatawa, nakakainis at kung minsan, nakakagalit.
Mula sa telebisyon, nagpunta na rin sa iba’t ibang midyum ang temang prank o practical joke. Komplementaryo ang tambalan dahil pinalalaganap ng vlogging ang self-made content na tila nasa’yo ang lahat ng kontrol sa iyong likha; at ang practical joke na lapat sa pang-araw-araw na buhay—lagyan mo lang ng kalokohan, pwede na, hindi na kailangang kumatha ng kwento tungkol sa bampira o sa elyen.
Pikon-talo
Sa hirap ng buhay ng mga Pilipino, nakukuha pang magbiro at tumawa. Maaari itong tingnan bilang insulto sa mga namatayan ng magulang na nagpositibo sa virus, estudyanteng gahol sa oras at rekurso sa pag-aaral. Pero ang sasabihin ng payaso, masyado kang seryoso.
Ang kultura ng pagiging huwad na positibo o toxic positivity ay sinusuportahan o di kaya, idinidikta ng iba’t ibang midyum. Sa ikalawang hati ng 1990s tumampok ang reality TV sanhi ng pagtakbo ng mga channels sa telebisyon—kailangan ng mga bagong programa bukod sa balita na hahatak ng manonood. At bilang laganap ang kahirapan sa lahat ng bahagi ng mundo, patok ito dahil feel-good, nakakapagpalimot ngunit hindi nakakatanggal ng problema sa buhay.
Nagbunga ng plakadong katatawanan o humor ang mumurahing kamera—ito lamang ang kailangan sa reality TV noon, ayon kay Annette Hill, propesor sa midya at komunikasyon sa Sweden. Ang reality TV o iyong mga palabas na hango sa tunay na buhay at mayroong murang produksyon, mga nadadaanang set tulad ng kalsada, gayundin ang hindi perpektong anggulo ng kamera.
Higit pa sa genre na drama sa mga reality TV, ang temang nakakatawa ay sikat din noon sa porma ng situational comedy o sitcom. Napagyaman din ito sa bansa na nag-anak ng mga batikang artista tulad ni Dolphy. Binitbit ng mass media ang humor na nalikha ng manonood sanhi ng mga ganitong tipo ng palabas; dahilan para sa halip na magalit, humahalakhak pa sa tuwing dinadaot sina Babalu na gumaganap bilang mahirap.
Maraming pamamaraan ng pagjo-joke mula sa paglikha ng mga sitwasyon, wordplay, hanggang sa mga banat. Pero ang mumurahin at aksesible ay ang prank; kahit sino kayang gumawa. Matatandaan ang Just for Laughs na palabas na inuulit-ulit pa ng karamihan ngayon. Gayundin, mayroong sariling atin na Wow Mali! kung saan ito ay lumikha pa ng jargon sa kultura ng prank sa mukha ng ‘na-wow mali ka.’ Mayroon din itong iniabante sa sitcom dahil humanistiko—tunay na nagugulat ang nabibiktima—lapat sa reyalidad at totoong reaksyon.
Sa pag-usbong ng mga bagong midyum sa social media tulad ng Youtube at Facebook, tumatawid ang mga estetikang taglay ng telebisyon dito. Maaari nang magkaroon ng sitcom ng pang-araw-araw na buhay ang isang vlogger. Tunay marahil ang hakbanging maging kakaiba kung sasabak sa vlogging ngunit tulad ng mga palabas sa telebisyon, mahirap mag-isip at lumikha ng bago.
Sa pagitan ng taong 2010 at 2013 naging usapin ang toxic na kultura ng vlogging sa mukha ng mga prank na lumalampas sa linya ng moralidad. Ngunit tulad ng lahat ng pakulo, bawal ang pikon sa mga bagay na biro lamang.
It’s a Prank
Ang linyang naghihiwalay sa tama at maling biro ay ang moralidad na bumabagtas sa pilosopiya ng lahat ng paksa at tema partikular sa mga likhang-sining. Kung hanggang saan ang pwede sa hindi, hindi ito mapapara ng kahit na anong porma; tulad ng mga vlogs na naging dokyu, at pelikulang kakain ng kalahati ng iyong araw.
Gayunman, sa lahat ng mga hindi nahahagip ng kamera, kabilang doon ang aspeto ng kakayahan batay sa ekonomiya. Makakalikha ng iba’t ibang estetika at istilo ang isang vlogger kung may salapi siyang panggasta, at nililikha niya ito para sa manonood niyang may interes din sa anumang kaniyang nagagawa. Katulad din ito ng mga pelikulang high-art na ginagawa para sa mas nakaririwasang uri.
Samakatuwid, ang mga may-kaya o sa madaling salita, burgis, ang nagpapalaganap ng kulturang ‘malaya’ na ito. Anupa’t ang demokrasyang burgis ay hindi lang lumilikha ng hindi lapat sa lupang katha, nagbubura pa sa proseso ng paglikha. “The author is dead,” wika ng artistang burgis na sumulat ng tula tungkol sa rags-to-riches tampok ang bidang babae.
Kapag nabura ang ubod na pinagmulan ng mga likha, naipapamandila ang sining na di nakaangkla sa lipunang ginagalawan nito. Di hamak na suportado ng makapangyarihang-iilan ang demokrasyang burgis na idiniin ng manunulat na Aleman at historyador na si Arthur Rosenberg.
Ito ang namamayani sa lipunan ngayon tulad ng sa Pilipinas, pinatatahimik ang kritiko ng gobyerno habang malaya ang mga vloggers magsagawa ng iba’t ibang pakulo; ang ilan pa nga ay sumusuporta sa pangulo hanggang sa oplan tokhang.
Ang hindi direktang suportahan ng makapangyarihang-iilan at burgis ay nagpapatibay sa pundasyon ng likhang walang patumangga, walang pakialam sa lahat ng hindi nahahagip ng kanilang kamera.
Seryosong Usapan
Matagal nang kilala ang bagong nasyunalismong likha ng mga kontemporaryong presidente, bilang pamamaraan at daan sa kani-kanilang pwesto. Ipinaliwanag ni Rosenberg ang nasyunalismong ito bilang ‘constructed’—may pormula na maibabatay sa pagdaloy ng imahe ng nasabing mga lider.
Matagal nang ninormalisa ang karahasan ngunit ang pamamaraan ng pagtitibay nito ng mga populistikong presidente gaya ni Duterte ay may aspetong praktikal. Praktikal ang pandarahas o sa eksaktong termino, pasismo, para sa Pilipinas na tinransporma niya mula sa panahong ng pangangampanya hanggang sa panunungkulan.
Tadtad ng mura at lampas sa linyang mga biro, hanggang dito ang inabot ng pamantayang moralidad. Kung kaya, ayos lang kung iba man ang itsura, katunog ng mga likha ang balasubas na pag-uugali, bastos na pananalita. Ang mga lumalampas na birong nasa trend na magsisilabasan sa mga vlogs, ay ayos lang.
Nagtatagumpay ang pasismong kultura kung may mga disipulo ito. Pamilyar ang paratang na ito ni Rosenberg sa mukha ng batalyon ng trolls online na sumusuporta sa pangulo. Sa lahat ng nagaganap, walang pagkakasunud-sunod ang pagtawa, pagkainis at pagkagalit; maaari pa nga itong maramdaman nang sabay-sabay.
Kung tutuusin, pwede namang magising ang mga Pilipino sa mga di makatarungang biro, mula man ito sa vlogs o sa gobyerno. Maaaring makalikha ng bago mula sa lumang kasabihan: magbiro ka na sa lasing, wag lang sa mulat at gising. ●
Unang inilathala noong Hunyo 3, 2020.
Si Sheila Abarra ay ang punong patnugot ng Rebel Kulê, taong 2018 at 2019.