Ni MARGARET P. YARCIA
Bantog sa Cordillera ang katutubong putaheng pinikpikan, ang lokal na bersyon ng tinolang manok na pinatay upang walang mabubuong dugo. Diumano, ang dugong naipon sa laman ang siyang nagbibigay ng kakaibang linamnam. Itinuturing itong mahalagang bahagi ng mga ritwal sa paghingi ng biyaya ni Kabunyan at sa pagtaboy ng masasamang espiritu.
Ngunit ngayon, ang papel ng pinikpikan ay umiigpaw sa pagiging ulam. Dahil kung susuriin ang mga isyung kinakaharap ng mga taga-Cordillera ngayon, ang nabanggit na putahe ay kumakatawan sa kalagayan ng mga katutubo.
1. Liluin ang manok
Haplusin nang mainam ang manok upang kumalma ito. Pagkatapos, hawakan nang mahigpit ngunit maingat upang hindi magpumiglas.
Naipasa noong Oktubre 1997 ang RA 8371 o Indigenous People’s Rights Act o IPRA, na ipinagmamalaki ng gobyerno bilang kalipunan ng mga batas na magtatanggol sa mga karapatan ng mga katutubo.
Isinasaad sa batas ang mga probisyon na kumikilala diumano sa sariling pagpapasya, o karapatan ng mga katutubo na malayang isabuhay ang kanilang mga tradisyong kultural. Binibigyan din sila ng karapatan sa lupang ninuno at sa pagpapaunlad ng mga likas na yaman ng kanilang minanang rehiyon.
“Ang mga karapatang ito sa sariling pagpapasya at lupang ninuno ang pinaka-esensya ng pagiging indihenong mamamayan na ang pamumuhay ay nakabatay sa kalikasan,” ayon kay Dennis Longid ng Tignayan dagiti Agtutubo ti Kordillera Para iti Demokrasya kan Rangay (Kilusan ng mga Kabataang Kordilyera para sa Demokrasya at Kaunlaran) o TAKDER, isang organisasyon na nagsusulong sa karapatan ng mga katutubo.
“Walang ngipin ang IPRA upang tunay na ipaglaban ang karapatan ng mga katutubo,” ani Longid. Ayon sa kanya, ito ay palamuti lamang na maaaring gamitin ng pamahalaan upang paniwalain ang mga katutubo na may malinaw na programa ang gobyerno para sa kanila, gayong sa katotohanan, patuloy silang naghihirap.
2. Ilapag, paluin ng patpat
Ilagay ang isang pakpak ng manok sa lugar na patag. Gamit ang patpat, hampasin ang pakpak mula sa isang panig hanggang sa kabila.
Ibinibida ng gobyerno ang pagpapaunlad sa Cordillera. Dahil dito, nagpatupad ng mga palisiyang pang-akit sa mga dayuhang mamumuhunan. Sa pamamagitan ng Philippine Mining Act of 1995, itinatampok ang industriya ng pagmimina sa ngalan ng sinasabing pag-unlad.
Ani Longid, “Hindi minamasama ng mga katutubo ang konsepto ng pag-unlad. Kaya lamang, sa konteksto ng kanilang karanasan ay nalilimita ito sa mga may-ari ng negosyo, na karamihan ay dayuhan, at nagbubunga pa ng iba’t ibang uri ng paglabag sa kanilang mga karapatan.”
Ang mga dayuhang namumuhunan ay inaalok ng full repatriation o pagbabalik ng ipunuhunang kapital sa pinagmulang bansa, tax holidays, at karapatang magputol ng mga puno, mag-develop ng mga pinagkukunan ng tubig, at magpaalis ng mga komunidad na nakagagambala sa operasyon. Mapapansing ang mga probisyon tungkol sa easement rights at kontrol ng mga negosyante sa likas na yaman na nakapaloob sa Mining Act ay pagsalungat sa mga probisyon ng IPRA ukol sa karapatan ng mga katutubo sa lupang ninuno.
Samantala, ayon kay Nonoy Gobrin ng Kalipunan ng Katutubong Mamamayan ng Pilipinas (KAMP), isa sa mga suliranin ng mga katutubo sa Cordillera ay ang mga panganib na dala ng Lepanto Consolidated Mining Corporation (LCMCo) na nakinabang sa Mining Act.
Ayon sa datos ng KAMP, nagtayo ang LCMCo ng 120-talampakang underground tunnel. Sa bawat araw ng pagmimina, 3,000 kilo ng cyanide ang ginagamit na nagreresulta sa 1,500 ton ng mining wastes. Nakakapag-produce ang minahan ng 7,964.36 kilo ng ginto araw-araw o P2.375 milyon. Inookupa ng minahan ang 28 porsyento ng lupain sa Mankayan, Benguet at balak pang sakupin ang 24 porsyento ng buong Cordillera Autonomous Region, tirahan ng may 38,000 pamilya. Maiipon naman sa 50 milyon kubiko-metro ang mining wastes na sisira sa kadalisayan ng tubig na pinanggagalingan ng tubig-inumin, panlaba, panluto, at panligo ng mga katutubo.
Dalawang bundok naman na tahanan ng mga Ibaloy ang pinatag ng Philex Mining Corporation. Ang mga basura galing sa minahan ng kumpanya ay dumadaloy sa Ilog Agno at Tuboy.
3. Punteryahin ang puso at ulo
Ilapag nang patihaya ang manok at hampasin nang unti-unti malapit sa puso. Kapag nanghihina na ito, hawakan ang mga paa at pakpak at tukuyin ang bahagi sa ibaba ng palon. Hampasin ito upang unti-unting mamatay ang manok.
Kasama sa pagmimina ang pagtatayo ng mga dam na siyang labasan ng mga tailings. Sa kasalukuyan, nagdudulot ng maraming perwisyo ang mga dam ng LCMCo sa mamamayan. Naging lagusan ito ng mga nakalalasong kemikal tulad ng arsenic, cadmium, mercury, at lead, na kapag natutuyo ay tumitigas na parang semento sa tabi ng ilog.
Naging mainit na isyu rin ang pagtatayo ng mga hydroelectric dam ng Ambuclao noong 1954, Binga noong 1960, at San Roque noong 2003. Ang mga proyektong ito, na nangangailangan ng ekta-ektaryang lupaing pagtatayuan, ay nagtaboy sa mga pamilyang katutubo.
Ang mga negosyante ng minahan ang nakikinabang sa pagtatayo ng mga dam at hindi ang mga taga-Cordillera na hindi naman malaki ang demand para sa kuryente. “Mapapansing ang mga dam ay pinararami upang magkaroon ng kuryente para sa mga operasyon ng mga minahan,” ani Longid.
Dagdag ni Longid, “Ang pagpapaalis sa mga katutubo sa kanilang lupain ay hindi lamang isyu ng pisyolohikal na pag-agaw sa tahanan at kabuhayan, kundi pagpatay sa saligan ng kultura at eksistensya ng isang pangkat minoridad.”
4. Bihisan ang manok
Alisin ang mga balahibo sa pamamagitan ng pagsunog. Alisin ang tuka, dila at balat ng paa. Pagkatapos, hiwa-hiwain ang katawan.
Hindi naman naging tahimik ang mga katutubo sa tuwing may mga nakaambang proyektong hadlang sa kanilang pamumuhay. Dumulog sila sa mga kinatawang maaaring maghayag ng kanilang mga daing, nagprotesta at nag-hunger strike.
Kaya lamang, tila planado na ang kalendaryo ng pagkilos ng pamahalaan sa tuwing susuportahan nito ang konstruksyon ng mga dam at minahan. Kasabay ng pagdating ng mga pison at bulldozer ang mga tropa ng pulis at sundalong titiyak na walang makapipigil sa proyekto. Ani Gobrin, nagpapadala ang gobyerno ng mga pwersang militar at paramilitar tuwing magpapatupad ito ng proyektong malaki ang posibilidad na tutulan ng mga lokal.
Ang mga tumututol na mamamayan ay madalas ding paghinalaang kasapi o tagasuporta ng New People’s Army, ang pangkat ng mga armadong rebelde na malakas sa rehiyon. Pinapakalat ng militar ang mga miyembro ng Citizens Armed Force Geographical Unit (CAFGU), Cordillera People’s Liberation Army (CPLA), at Civilian Auxiliary Army (CAA) upang manmanan ang mga pinagsususpetsahang rebelde. Noong Pebrero, apat na Philipppine Army Brigade, pintong Infantry Battalion, isang Special Forces Unit, dalawang CPLA battalion, at 1,500 miyembro ng CAFGU ang idineploy sa Cordillera.
Noong Disyembre 2003 hanggang Pebrero 2004, sa kasagsagan ng proyektong pagpapalawak ng LCMCo sa Mankayan, 1,279 paglabag sa karapatang pantao ang naitala. Kabilang dito ang pagpatay, iligal na pag-aresto, interogasyon, harassment, pambobomba at food blockades.
At upang mapadali ang pakikidigma, taktika rin ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang pag-awayin ang iba’t ibang pangkat minoridad, paliwanag ni Gobrin. Sa gayon, nagtatagumpay ang mga operasyong militar.
5. Ilaga ang manok
Kasabay ng petsay o litsugas, inasinang baboy at sayote, ilaga ang manok at hayaang kumulo.
Maituturing na ethnocide ang dislokasyong dulot ng mga nabanggit na palisiya, ayon sa organisasyon ng mga katutubo. Ngunit tulad ng prinsipyo ng pagluluto ng pinikpikan, itinatadhana ng mga proyekto sa “pagpapaunlad” at militarisasyon ang unti-unti at metodikong pagati sa mga taga-Cordillera.
Ngunit nililikha rin ng nakapapasong apoy ang saligan ng prinsipyadong pakikibaka. At sa init na taglay nito, makakamit rin nila sa kalaunan ang tagumpay. ●
Inilathala sa ika-11 na isyu ng Kulê noong ika-20 ng Agosto 2004, gamit ang pamagat na “Pinikpikan o hambalos sa mga grupong katutubo ng Cordillera.” Si Margaret P. Yarcia ay patnugot ng lathalain noong 2006-2007.