Busabos kung ituring ng pamahalaan ang mga Pilipino. Anupa’t wala itong pakundangan sa paglalabas-pasok sa mamamayan sa kung anu-anong uri ng lockdown sa loob ng higit isang taon. Hinahayaan din nito, at kadalasa’y pinasisimunuan pa, ang pagkakagulo ng taumbayang naghahanda para sa mga arbitraryong polisiyang ipapatupad: ang pag-uunahang makapila sa mga vaccination site, ang pagdagsa sa mga palengke’t grocery, ang pagkukumpol sa mga terminal upang magmadaling umuwi sa probinsya.
Sa ibang panahon ay sinasamantala ang ordinaryong mamamayan sa pagbibigay sa kanya ng kakarampot na sahod kapalit ng ubos-lakas na paggawa. Ngunit ngayong hindi makapag-prodyus ang karamihan dahil sa pandemya, at nangangailangan tuloy ng tulong mula sa gobyerno, pabigat sa ekonomiya ang trato sa atin, kaya ang ating kapakanan ang pinakahuling itinitimbang sa pagbuo ng mga patakaran.
Bumabalik at bumabalik ang mga rehiyon sa Enhanced Community Quarantine (ECQ), at sa bawat pagkakataong naisasailalim tayo sa ganitong uri ng lockdown, lumalala ang ating kondisyon, at lalong lumalayo sa katuwiran ang mga nagbabalangkas ng mga polisiyang naglalaho na ang lohika.
Ang mga polisiyang hindi lapat sa realidad at sa agham ay lalo lamang nagpapahirap sa mamamayan: ang face shield, ang curfew, ang tangkang pagbabawal sa paghatid-sundo sa mga esensyal na manggagawa. Binawi man ang huli, ginawa namang rekisito ang pagpapakita ng iba’t ibang dokumento bago palampasin sa mga checkpoint ang hindi APOR o “authorized persons outside of residence.” Lalo ring pinahihirapan ang mga pasahero at mamimili sa pagbabawal sa kanilang lumuwas at tumawid sa mga siyudad—na nasa ilalim ng kani-kaniyang “tiny bubble,” ani PNP Chief Police General Guillermo Eleazar—kaya naman hindi na makauwi ang mga naghahanap-buhay sa labas ng Metro Manila.
Samakatuwid, ang pamumulis sa mga tao kung sumusunod ba sila sa minimum health protocols, ang pagtatayo ng mga bagong task force sa tuwing may umuusbong na variant, itong militaristang mga taktika ang pinalalakas.
Ang mas matinding presensya ng mga pulis sa komunidad, na sa ilang pagkakataon ay may dala pang mga armas, ay nagbunsod lamang ng mas madalas na mga insidente ng paglabag ng karapatang pantao. Sa paghahari-harian ng mga pulis sa kalsada, ilang sibilyan na ang namatay dahil kating-kati silang kalabitin ang gatilyo ng kanilang mga armas. Ang pagpatay ng mga pulis at ang kanilang kawalan ng pananagutan ay nagbibigay naman ng lakas ng loob sa iba ring kinauukulan na maging marahas. Noong Sabado, binaril ng tanod sa Tondo ang isang curfew violator.
Lalo lamang umiiral ang karahasan, habang wala halos ipinagbago sa pagtugon sa pandemya sa ikatlong ECQ. Gayong hindi na makapagpatupad ng mga epektibo at makatuwirang polisiya ang pamahalaan, ang minimum nang dapat nitong gawin ay iwasang dumagdag pa sa kalituhan ng mga tao. Ngunit ito mismo ang ginawa ng pangulo sa isa niyang talumpati: Hindi palalabasin ng bahay ang mga walang bakuna, aniya. Nag-anak pa ang anunsyong ito ng iba’t ibang bersyon; walang ayuda ang hindi bakunado, o ipakukulong ang mga tumatangging maturukan.
Patakaran ang bawat salitang lumalabas sa bibig ni Duterte, ito ang pinatunayan niya sa nakaraang limang taon ng pagpapahayag na bombahin ang mga komunidad ng mga minorya, patayin ang mga adik at aktibista. Kaya naman isang araw bago ang tuluyang lockdown ng Metro Manila, nagkumahog ang mga residenteng mabakunahan. May mga pumila madaling araw pa lamang, ngunit hindi rin nabakunahan dahil sa kumpulan sa vaccination site. Matapos mangyari ang gulong sila mismo ang lumikha, pumopostura ang Malacañang na ang nagpapakalat ng pekeng balita ang dapat sisihin dito.
Walang pakundangang sinisisi at binabantaan ni Duterte ang mga di bakunado, ngunit mismong ang kanyang gabinete at itinalaga niyang vaccine czar ay hindi makabuo ng epektibong procurement plan at rollout ng bakuna sa bansa. Sa biglang pagdami ng kaso noong Marso at Abril, gayundin ang paglitaw ng iba’t ibang variant ng COVID, naging agresibo na dapat sa pagtiyak na may suplay ang bawat rehiyon. Malayo sa hindi pagkatuto sa kamalian, sadyang hindi primaryang prayoridad ng administrasyon ang bakuna.
Noong nakaraang taon, nasa P72 bilyon lamang ang inilagak sa badyet para sa pagbili ng bakuna—isa sa mga pinaka-esensyal na panlaban sa COVID at sa umuusbong nitong mga variant. Ngunit sa halagang ito, P2 bilyon lamang ang may siguradong panggangalingan, habang kalakhan ay kukunin sa mga ipapautang ng mga pandaigdigang institusyon gaya ng World Bank at Asian Development Bank.
Magkaroon man ng pondo, hindi rin naman ito nagagamit nang husto at wasto. Higit P400 milyon ang hindi pa nagagastos ng Department of Interior and Local Government (DILG) mula sa Bayanihan 1 at 2 para sana sa contact tracing at pagbili ng mga gamot, ayon sa ulat ng Commission on Audit. Hindi nagamit ng mga opisina ng DILG sa Rehiyon 2 at Cordillera Administrative Region ang nakalaan sa kanilang pondo sa ilalim ng Bayanihan 1 para sa pagbili ng medical equipment at mga gamot.
Sa ilalim naman ng Bayanihan 2, ang Central Office ng DILG ang may pinakamababang utilization rate na 47 porsyento, sunod ang National Capital Region (NCR) na 74 na porsyento lamang ang nagastos. Sa kabuuan, humigit-kumulang P63 bilyon mula sa Bayanihan 2 ang ibabalik sa kaban ng bayan, sapagkat lumipas na ang takdang panahon para gugulin ang pondong hindi naipaabot sa mga benepisyaryo.
Ngayon, nasa ilalim ng high risk ang Region 2 at NCR dahil sa mataas na bilang ng positibo sa COVID-19, at tiyak ang pag-aapura ng mga ospital na panatilihing tumatakbo ang serbisyo gamit ang mga limitadong kagamitan. Napupunta sa mga manggagawang medikal ang tungkuling punan ang kapalpakan ng pamahalaan sa paggastos ng pondo at pagmobilisa ng kung ano pang meron ito.
Ni minsan, hindi pinagbuti ng pamahalaan ang mga hakbang nito at itinulak ang trabaho sa mga lokal na pamahalaan. Ibinababa ng nasyunal na gobyerno sa mga lokal na pamahalaan (LGU) ang pagsisiguro sa mga pasilidad at mga bakuna. Ngunit nananatiling limitado ang suplay ng mga LGU gayong nakadepende ang kakayanan nilang bumili ng sariling bakuna sa badyet na nagmumula sa nasyunal na pamahalaan. Dahil dito, nananatiling nakaasa ang mas maliliit na munisipal sa kung anong ibibigay ng Malacañang.
Gayundin, ang abilidad ng mga lokal na pamahalaang makapag-test at maisailalim ang mga ito sa genome sequencing ay nakaayon pa sa panukala ng nasyunal na pamahalaang magtayo ng mas maraming institusyon para rito. Sa kasalukuyan, ang Philippine Genome Center lamang ang may kadalubhasaan sa genome sequencing, isang mahalagang hakbang sa pagtukoy ng mga kaso ng Delta variant at sa pagkumpirma ng lokal na pagkalat o community transmission nito.
Bago pa ideklara ang panibagong ECQ, marapat nang natutunan ng pamahalaan ang kahalagahan ng mas maraming testing, mas epektibong contact tracing, at maagang pagsasara ng mga hangganan ng bansa mula sa mga dayuhan. At sa unti-unting paglamon ng Delta variant sa mga karatig-bansa, mas lalo na dapat na pinabilis at pinalawak ang mga vaccination plan.
Habang isinantabi nito ang kapakanan ng taumbayan, tanging ang pansariling interes ng administrasyon ang binigyan ng primaryang prayoridad, ikalawa ang kapakanan ng mga kaalyado nito. Agarang pinirmahan ni Duterte, halimbawa, ang panukalang nagpapababa ng mga buwis sa mga korporasyon sa panahong matindi ang pangangailangan ng bansa sa pondo para matulungan ang mga naghihirap.
Lantad ang pagprotekta ni Duterte sa natitira niyang mga kakampi upang masiguro rin ang kanilang katapatan sa kanya habang papalapit ang taong 2022—dahil silang may kapital at makinarya ang may hawak sa kanyang kapalaran. Igiit man nilang masa pa rin ang huhusga sa darating na halalan, sa kasalukuyan sinasadya ng rehimen ang kawalang-aksyon nito sa pandemya at ang patuloy na pagpapahirap nito sa mahirap.
Ang di makataong pagtingin sa mamamayan ay hindi lamang umusbong o garapalang umiral ngayong panahon ng pandemya, bagkus ito ang pangunahing batayan ng administrasyon, anupa’t nagmumula sa mababang pasahod at mapanupil na mga batas ang karangyaan ng mga nasa kapangyarihan.
Ngunit ang sambayanang naghihirap ay nagkukumahog, hindi mapakali. Kaya sa pagkakataong ito marapat na muling pag-isipan ang magiging tugon ng sambayanan sa lumalalang kalagayan—kung magpapakabusabos ng isa pang taon para sa di tiyak na resulta ng mga balota, o babawiin ang kanilang dignidad, aangkinin na ang dapat nilang natatamasang kapakanan ngayon din. Sa dalawang ito, isa lamang ang magtitiyak sa makataong pamumuhay ng lahat. ●