Ni GLENN L. DIAZ
Sa mata ng mga eksperto sa negosyo, waring mahirap ipaliwanag ang patuloy na pag-iral ng Sarah’s bilang lugar pang-inuman. Halos walang palamuti, walang musika, walang yelo, at walang baso rito. Ngunit tulad ng TBA o prerog o Mang Jimmy’s, hindi ito nawawala sa mga freshman kit, at madalas itong pinasasalamatan sa dulo ng mga thesis. Sinasabi ring hindi kumpleto ang buhay mo sa UP kung ni minsa’y hindi ka nakatapak dito.
Isang sakay ng Ikot ang magdadala sa’yo sa iconic na lugar na ito. Paglabas ng kampus at pagkakaliwa sa C.P. Garcia, sa bungad ng Krus na Ligas, isang bukas at pirming matao’t maingay na lugar ang Sarah’s. Karamihan sa mga mesa’t upuan, kung hindi bato ay gawa sa plastik. Walang pintuan, at kamakailan lamang nagkaroon ng luntiang ilaw na nagpapakila sa lugar.
Parang UP, mahirap ikahon ang mga taong namamalagi sa Sarah’s.
Inuman na
Isang ice cream parlor noong 1970s ang Sarah’s. Isa lamang itong garahe sa tabi ng Gulod, ang sinasabing puntahan noon ng mga gustong malasing.
“It was not the place to be,” ani Prop. Juanito Arevalo (di tunay na pangalan), na nagsasabing nasa Sarah’s na siya bago pa man ito itayo. “Kaya ka lang pupunta rito kung wala kang maupuan. Nobody would sit at Sarah’s … you could not imagine the place.”
Simpleng “geographic configuration” ang tinuturong dahilan ni Arevalo sa pananatili ng Sarah’s. Sangandaan o “crossroad” ang pakahulugan sa Krus na Ligas, at ito ang tampok na karakter ng Sarah’s. “Kung lahat ng sibilisasyon nagsisimula sa river system, yung Sarah’s, sa road system, sa ruta ng Ikot.”
Isyu rin ng teritoryo ang nagsilang sa Sarah’s. Ayon sa propesor, nagsimula ito nang italaga ng UP ang hangganan nito—ipinagbawal ang alak sa kampus. “Alin ang UP, alin ang hindi? Nahati yan. Ipinanganak ang Sarah’s.” Pero kahit ganun, nanatiling nasa laylayan ang Sarah’s. At kung paniniwalaan si Arevalo, “dahil ito ay nasa periphery, ang normal custom ay ‘yun ding nasa periphery.”
Lango sa Sarah’s
Isang halimbawa ng mga pagkakaibigang umusbong sa Sarah’s sina Carlo Pacolor Garcia, isang mandudula, at si Sofia Guillermo, isang guro sa Department of Art Studies. Mag-isa noon si Sofia at nakikinig sa isang palihan ng mga manunulat, nang mapansin siya ni Carlo. “We started talking. We fell in love with each other,” ani Sofia.
May halong pangungulila ang pagkwento ng dalawa tungkol sa Sarah’s na nakagisnan nila noong mga bahagi ng taong 2000. Sa mga baguhan, mahirap maisip na maaari, at dati ngang, tahimik ang Sarah’s. “It used to be a private place na kahit late ka pumunta, may mauupuan ka,” ani Sofia. Wala pa’ng prominenteng pader sa harap, ang fountain, ang luntiang ilaw, “bara-bara lang kung anong maupuan mo, at ‘yung CR ay yero ang pintuan na may pako at tali,” ani Sofia, habang isa-isang tinuturo ang mga nabanggit na bagay.
“Strangely enough, ang Sarah’s ay walang ambiance,” ayon kay Carlo. Dagdag pa ni Sofia, “Ang tagline ng Sarah’s: Bring your own ambiance. Kung mayroon man, parang bahay ang magiging turing mo rito.”
Walang maaaring makapag-isa sa lahat ng tumatambay sa Sarah’s, kahit may reputasyon daw ito bilang tambayan ng mga artist at intellectual para magdebate tungkol sa teorya. Mayroon din namang nagpupunta lang dito para pag-usapan ang buhay, pag-ibig, o problema sa pinansya. Ika nga ni Carlo, maririnig sa Sarah’s ang mga usapan tungkol sa maraming bagay, “from the most mundane to the revolutionary.” Maaaring nagsimula ang ganoong stereotype dahil malapit ito sa Fine Arts at madalas na tambayan ng mga taga-rito tuwing hapon.
Para naman kay Arevalo, marami pa rin sa mga naglalagi sa Sarah’s sa mga nagdaang taon ang tumutugma sa ganoong stereotype. “Karamihan pa rin ay young intellectuals, dreamy-eyed artists, and romanticizing revolutionaries. The UP crowd wanting to express themselves without being questioned. Sarah’s is only for dreaming,” ani Arevalo. “Sarah’s is UP after class hours.”
Sa kalakhan ay personal ang tingin ni Carlo at Sofia sa Sarah’s. Ayon sa kanila, maaaring hindi sila nakapagtapos kung wala ito. Ngunit sa nagdaang mga taon, madaling mapansin ang mga kaibahan niya sa ibang inuman. “How else can you get by na ganito? You’re filled with machos pero walang nag-aaway. Kahit mukhang tambayan ng mga sanggano, walang babaeng nababastos. Testosterone-laden, pero peaceful,” ani Carlo.
Huling Tagay
Mahirap tiyakin kung mayroon nga bang “kulturang Sarah’s.” Ngunit kung mayroon man, marahil ito ay iyong kultura ng UP na bukas, walang paumanhin, at walang pagpapanggap. Kung totoo mang lahat ng eskwelahan ay may sariling Sarah’s, ang Sarah’s ay naging Sarah’s dahil sa ilang mga katangiang nahubog sa UP.
Ngunit sa pagtaas ng matrikula noong 2007, madaling masipat ang mga pagbabagong maaaring dalhin nito sa Sarah’s. Tunay ngang ang iba’t ibang pinanggalingan ng mga estudyanteng nagtutungo sa Sarah’s ang nagpapasigla sa diskursong nagaganap dito. At sa layong gawing ekslusibo ang unibersidad, madali ring kitilin ang ganitong malayang katangian ng Sarah’s. Madali na ngang mapansin ang pagdami ng mga estudyanteng may dalang laptop sa inuman, isang bagay na hindi nangyayari noon.
Sa ganitong banta, paalala ang hatid ng pagiging bukas, ng kalayaan sa Sarah’s. Bagaman nakalaan ang Sarah’s sa mga taga-UP, itinanggi nina Sofia at Carlo na kailanman ay magiging ekslusibo ito. “On any given day, may mga pwedeng pumasok na may dalang lapad at kanin at uupo lang siya dyan at aawayin kaming lahat,” banggit ni Sofia habang humahalakhak.
“Bukas ito sa lahat, at kung di mo kaya yung pagiging bukas na ‘yon, huwag ka rito,” pagtatapos niya. At kahit hindi man gabi-gabi ang mga matatalas na usapan tungkol sa teorya’t rebolusyon—na ikinabasag na rin ng ilang bote—ayon sa magkaibigan, hindi kailanman dapat maging karakter ng Sarah’s ang elitismo.
Sa huli, isa lamang itong lugar na pinupuntahan para uminom at mag-usap. Ayaw man nilang iromantisa ang Sarah’s, mahirap diumano itong gawin. Dahil sa bawat marupok na upuan, mausok na hangin, at alak na mabilis takasan ng lamig, sa mga paksa’t pagkakaibigang walang sinisino, walang pinipili, tama si Sofia: “We always believe na pag-ibig siya.” ●
Unang inilathala sa isyu ng Kulê noong ika-7 ng Hulyo, 2008.