Ni KERIMA LORENA TARIMAN
Pultaym na ako sa kilusan ... Naranasan kong magutom sa simula, pati na rin ang matulog sa gubat na tanging sako ang higaan ... Kapag tinanggap ka na ng masa bilang isa sa kanila, wala ka nang problema sa pagkilos ... Maraming magulang sa rebolusyon. Bawat kilusan kong lugar ay parating may mga magulang na mapagmahal. At mas lalong marami kaming mga magkakapatid na kumikilos para sa kalayaan ng isa pang ina, ang inang bayan.
Di ko na gaanong naiisip ang personal na buhay ko. Pati ang tunay kong pangalan ay nakakalimutan ko na kung minsan. Si Alicia ako ngayon. Kung ilang palit ko na iyon ... Bawat sonang galawan ko ay nagpapalit ako ng alias ...
Hanggang hindi nagtatagumpay, walang katapusan ang kwento ng pakikibaka.
Talambuhay sa rebolusyon ang mga kwentong katulad ng “Andrea, Ang Amasonang Ina,” at iba pang nasa koleksyong Ilang Taon Na Ang Problema Mo? ni Jun Cruz Reyes. Ang “mainstream” nitong paglilimbag ng Anvil Publishing Co., noong 1995, ay isang hakbang tungo sa pagpapalaganap ng panitikang saksi o “testimonial literature.”
‘Testimonio’
Sa konteksto ng mga kilusang mapagpalaya sa Ikatlong Mundo unang umusbong at patuloy na umuunlad ang panitikang saksi. Partikular sa Latin Amerika, tinawag itong testimonio nang lumitaw ito noong 1960s. Halimbawa nito ang The Autobiography of a Runaway Slave (1967) ni Miguel Barnet ng Cuba.
Sabi ni Alice Guillermo sa Introduksyon ng Ilang Taon, ang panitikang saksi ay “tuwirang isinasalaysay ng mga taong pumili ng buhay sa rebolusyon at sumasaksi sa mahaba at mahirap na proseso ng pagbabagong lipunan ... Sa ganito’y nabibigyang boses ang mga walang boses o kaya’y pinipi ng mahabang karanasan ng kaapihan.” Isang kilalang halimbawa nito ang I, Rigoberta Menchu (1983). Inilarawan ni Menchu ang pakikibaka nilang mga Quiche Maya Indian laban sa naghaharing minoridad ng uring ladino.
Sa panitikang saksi, “dumarami at lumalakas na parang malaking daluyong ang boses ng masang tumututol, lumalaban sa di makataong sistema.” Kung sa Pilipinas—bilang bahagi ng pambansa-demokratikong panitikan—ito ang tinig ng sambayanan laban sa malapyudal at malakolonyal na kaayusan. Sa pangkalahatan ay bahagi ito ng Bagong Sining at Panitikang Bayan na naglalayong “pagkaisahin ang mamamayan bata sa kanilang mga layuning pambansang kalayaan, demokrasya at kaunlaran; at pakilusin sila para maganap ang lubos na pagbabago sa buhay-pampulitika, pang-ekonomiya at pang-kultura ng bansa.”
Karamihan sa mga rebolusyonaryong akda sa kasalukuyan—partikular ang “panitikang saksi”—ay nanggaling o ibinatay sa karanasan sa kanayunan, na tinatawag na “muog” ng digmang-bayan. Halos tatlong dekada na ang saklaw ng demokratikong rebolusyong bayan na inilunsad ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) sa pamamagitan ng armadong sangay nito, ang Bagong Hukbong Bayan o New People’s Army (NPA).
Panitikan at Pulitika
Malinaw na bahagi ng panitikan ng rebolusyonaryong kilusang pambansa-demokratiko ang panitikang saksi. Sa kanyang sanaysay, tinutukoy ito ni Gelacio Guillermo bilang isa sa mga espesyal na katangian ng “Panitikan ng Pambansang Demokrasya” (1989). Ngunit dahil sa pagyakap ng kilusang mapagpalaya sa panitikang saksi, hindi na angkop ang mga terminong ito para sa mga salaysay mula sa rebolusyon.
Pulitikal ito at makiling—hindi lang sa usaping pampanitikan tali ang panitikang saksi. Kailangan nang kwestiyunin ang halagang pampulitika ng termino. Ang katawagang “testimonial literature” ay maaaring tumukoy hindi lang sa mga salaysay mula sa kilusan. Napakadali nitong ikabit sa anumang salaysay—mga testimonya sa korte, mga kwentong tipikal sa “Ipaglaban Mo” o mula sa mga ligal na proseso.
Ibinibilang din ng ilang akademiko ang panitikang saksi sa ilalim ng emergent literature. Maaari ito, kung sa orihinal na kahalugan ng termino: “emergent literature” na may malinaw na punto ng pakikibaka at tatak ng uring proleteryado. Sa pag-aangkop ng akademya, naging “any new writing from the masses” ang kahulugan ng “emergent.” Hindi dahil “mula sa masa” ay awtomatikong “para sa masa” na ang mga akadang ito. Mula rito ay maaaring may mga ideyang “kuntento,” palasuko, o hindi umaayon sa pagbabago. Napakalawak ng saklaw ng klasipikasyon—“mula rebolusyonaryo hanggang reaksyunaryo.”
Talakayang-Buhay, Bangkaan, Syeyring
Dahil ang pag-usbong at pag-unlad ng panitikang saksi sa Pilipinas ay mula sa digmang-bayan, angkop lamang na gamitin ang mga terminong nanggaling mismo sa kilusan. Sa halip na “panitikang saksi,” iminumungkahi ni Gelacio Guillermo na tawagin itong “talakayang-buhay,” “bangkaan,” o “syeyring” na mas kumakatawan sa mga karanasan mula sa kilusang mapagpalaya.
Regular na isinasagawa ang talakayang-buhay ng bawat kolektib, yunit o grupo sa loob ng kilusan. Diwa ng kolektibong pamumuhay, pagkilos at hangarin ang isinasabuhay sa gawaing ito. Dito, kinukuha ang mga positibo’t negatibong aral, kalakasan at kahinaan sa itinakbo ng pagkilos ng “kasama” o comrade. Tumutukoy naman ang bangkaan o syeyring sa mga sandaling pagpapahinga at pagbabahagi ng karanasan sa pagitan ng mga kadre, NPA, masa, at maging sa mga bumibisitang makabayang propesyunal o manunulat, tulad ng naganap sa paglikha ng Ilang Taon... Sa paggamit ng mga terminong ito ay mas napapatingkad ang mga implikasyon pulitikal ng pormang pampanitikan. Napapatampok din ang bagong kultura sa loob ng kilusan.
Di pangkaraniwang sulat ang The Story I will Tell My Children ni Dahlia Castillejos sa pagtatangka nitong ipaliwanang sa mga anak ang pagpatay sa amang NPA. Sa pangkalahatan, naiiba ang talakayang-buhay sa karaniwang talambuhay, tala o “eyewitness account.” Una, dahil taglay nito ang mga layon ng panitikang pambansa-demokratiko—ang pagpukaw, pag-oorganisa at pagpapakilos ng mamamayan; ikalawa, dahil sa malawak na istorikal na saklaw nito; at ikatlo, dahil sa lulan nitong mga bagong pagpapahalaga.
Talambuhay sa Rebolusyon
Ang katangian ng pagiging tiyak sa mga tao, pangyayari, lugar, at iba pang tinatalakay ay patunay sa malawak na historikal na saklaw ng talakayang-buhay. Ang nobelang Gera ni Ruth Firmeza na ukol sa armadong pakikibaka sa Hilagang Luzon ay katatagpuan ng kung ilang sesyon ng talakayang-buhay at syerying sa naratibo. Ipinakilala rito ang historikal na papel ng mga tauhan:
Ka George (Dr. Juan Escandor) – Taga-Gubat, Sorsogon. Sumampa sa Isabela noong 1975. Hepe ng Medical Bureau, ROC. Naging Kalihim ng distrito, nagbuwis ng buhay sa Maynila noong 1983.
Sa Sa Tungki ng Ilong ng Kaaway: Talambuhay ni Tatang, ang pagkilos ni Tatang ay sumasaklaw sa lumang Partido, HUKBALAHAP at muling pagtatatag ng PKP noong 1968. Sa pagpapakilala, malalaman agad na beterano si Tatang ng Rebolusyon:
PANGALAN – Cesar, Rodel, Marcial, Lauro, Jose, Roy, Tatang at iba pa, ipinanganak noong taong 1910, 21 ng Agosto sa isang baryo sa tabing-dagat, sa bayan ng Bacnotan, La Union.
Naiiba ang ganitong talambuhay dahil “walang hangad ang manunulat na makinabang, dakilain ang sarili o palsipikahin ang kasaysayan.” Karaniwang unang persona ang punto de bista ngunit hindi sarili ang sentro nito. Dahil nasa konteksto ng pagkilos ng awtor, higit na napapatampok sa talakayang-buhay ang masa at rebolusyon. Tatlong matitingkad na aral mula kay Tatang ang mapapansin: ang kahalagahan ng makauring kamulatan, organisadong pagkilos, at pagtitiwala sa masa bilang pinakamaaasahang pwersa sa rebolusyon. Pansinin din ang ang mga bagong pagpapahalaga sa mga liham ni Lorena Barros sa kanyang ina:
Napakahirap nila. Nitong Pasko’t Bagong Taon ay kamote ang kain pagkat walang bigas ... Ngunit masaya ang Paskong ito para sa kanila kahit dahop pagkat sa kauna-unahang pagkakataon ay matibay ang pagkakaisa.
Ang pagiging malapit sa masang anakpawis at ang pagtitiwala sa tagumpay ng rebolusyon ang mga batayan ng talakayang-buhay. Bagaman naipong karanasan sa pakikibaka ang karaniwang paksa nito, ito’y hindi tinitingnan bilang tapos na pangyayaring binabalikan na lang. Aktibo ito at may halagang pedagohikal—ang mga aral mula rito ay malinaw na nakapwesto sa kasalukuyan o patuloy na pagkilos ng awtor. Hindi pa tapos ang kwento ng pakikibaka nina Tatang at Andrea. Sa kabila ng pagkamatay ng asawa, alam ni Dahlia Castillejos na kailangang ituloy ang gawain niya para sa rebolusyon.
Lumalakas ang kanilang mga tinig, katulad ng muling pagdaluyong ng kilusang mapagpalaya. Maaaring sabihin ng mga akademiko’t maka-literaturang intelektwal na ang talakayang-buhay ang ambag ng rebolusyon sa ating panitikan. Ngunit para sa mga pinipi ng kaapihan, ang kanilang mga kwento ay higit pa roon.
Ito ang ambag ng panitikan sa rebolusyon. ●
Mga Sanggunian:
Patricia Arinto. Women and the Revolution: Testimonial Literature by Women in the Philippine National Democratic Movement. (MA Thesis, 1995)
Alice Guillermo. “Mao Zedong’s Revolutionary Aesthetics and its Influence on the Philippine Struggle.” (Mao Zedong Thought Lives, 1995)
“Ang Produksyong Pampanitikan ng Kilusang Mapagpalaya.” (Diliman Review, 1998)
Introduksyon. Muog: Ang Naratibo ng Kanayunan sa Matagalang Digmang Bayan sa Pilipinas (UP Press, 1998)
Unang inilimbag ang artikulo sa isyu ng Kulê noong ika-3 ng Agosto 1998. Naunang naging miyembro ng Alay Sining, si Kerima Lorena Tariman ay nagsilbing patnugot ng Kultura at tagapamahalang patnugot ng pahayagan. Siya ay isang makata, mananaliksik, peryodista, at rebolusyonaryo na naglingkod kasama ng mga magsasaka sa kanayunan. Matagumpay din niyang ikinampanya ang paglaya ng kanyang asawa, si Ericson Acosta—isang makata, aktibista, at dati ring patnugot ng Kultura sa Kulê—na hinarang ng mga militar, pinaratangang rebelde, at binilanggo, noong Pebrero 2011. Inilunsad din ni Tariman ang Pag-aaral sa Oras, isang koleksyon ng mga tula, na inilimbag ng High Chair noong 2017. Bumalik din siya, di kalaunan, sa kanayunan upang sa digmang-bayan ibuhos ang kanyang lakas.
Noong ika-20 ng Agosto 2021, naglabas ang Apolinario Gatmaitan Command ng New People's Army ng pahayag tungkol sa pagpanaw ni Kerima Lorena "Ka Ella" Tariman at Ka Pabling sa isang engkuwentro sa pagitan ng kanilang grupo at ng Philippine Army 79th Infantry Batallion sa Barangay Kapitan Ramon, Silay City, Negros Occidental.