Ni SHIELA ANN ABARRA
Kahindik-hindik ang pagpaltik ng sinturon sa mura kong pwetan. Iyan lamang ang malinaw dahil medyo pinalabo na ng panahon ang ibang detalye. Higit pa sa parusa, ang ibang karakter sa kwento ng kalikutan noong bata pa tayo ay kadalasang naiisantabi. Halimbawa: ang pasaway na batang ako at ang linya niya sa istorya ay inunahan ng palo at singhal, sumiksik sa tabi ng kama't hinahabol ang hininga sa pagitan ng mga hikbi.
Ang sanhi ng pagrerebelde ay lagi't laging nakakahon at iniimbak sa bodega dahil hindi ito kasing importante ng katunayan ng pagiging suwail. Ano pa man ang dahilan ay hindi mahalaga, basta't sumuway ka, tapos ang usapan.
Wala na'ng pero-pero, kung kaya lagi't laging nakikita ang pagiging rebelde sa iisang mukha—sumusuway lang sa utos ng nakatatanda, maldita.
Batang bata ka pa*
Paglabas ng bahay, isa sa mga lugar na pangunahing napupuntahan ng isang bata ay ang paaralan. Dito itinuturo ang mga batayang aralin, at higit, mga kagandahang-asal tulad ng pagiging masunurin. Sa lahat ng aklat na pwedeng buklatin sa silid-aklatan, paborito naming magbabarkada ay ang pakikipagsapalaran ni Pilandok.
Di naman ito kasama sa lesson plan ng aming guro kung kaya hindi namin ito natalakay sa mga klase noon. Gayunman, taliwas ito sa itinuturo ng aming guro. Pasaway si Pilandok, ngunit kaiba sa mga kwentong pambata kung saan parurusahan ang mga pasaway, nagwawagi si Pilandok at nagiging hari pa nga ng baryo.
Binigyan ni Mila Aguilar sa kaniyang tesis ng partikularidad ang paghahari—si Pilandok ay naghimagsik laban sa panopticon katangian ng estado. Gayundin, ginawang ispesipiko ni Aguilar ang pamamaraan sa paggapi sa hari—mapanloko si Pilandok. Ang pagiging mapanlinlang ay nabigyan ng panibagong mukha: Kaya na nitong magpatalsik ng hari o kung ano mang mapagsamantalang uri.
Ayon sa isa sa mga sanaysay ni Propesor Rosario Lucero, ang ganitong mga istorya ay material na nagpapaliwanag sa paggapi sa mga mapagsamantala, gayundin sa pagkuha ng kapangyarihan mula sa mga naghahari. Gayunman, hindi napalawig ang diskusyon tungkol sa kawastuhan ng paggapi sa nakatataas na uri gamit ang pagiging tuso na isang anyo ng pagrerebelde.
Kung kaya, hindi pa rin talaga tinatanggap ng karamihan ang pagiging maloko o bastos bilang pagsalungat sa tagapag-utos. Hindi pa rin namin magawang lokohin si titser, guluhin ang aming klase para di na siya makapagturo ng mga nakakabagot na aralin. Labag kasi ito sa turo ng simbahan na dapat kaming maging mabait na mga bata.
Nagsisimula ang pagkokondisyon sa pamamagitan ng mga kasangkapan ng estado gaya ng tahanan, simbahan at paaralan—lahat, nakakategorya sa ideyolohikal na aspeto. Ang pangangalaga ng estado sa ideolohiya ng bawat bata ay tila helmet na nagpoprotekta sa kanila mula sa pagkakaumpog at pagtanto na kaya wala silang laruan ay dahil na patuloy na ipinagkakait sa kanila ang isang makatarungang lipunan.
Makinig ka na lang*
Lampas na ata sa bilang ng aking mga daliri ang numero ng kaklase ko noong elementarya ang may anak na ngayon at asawa. Kumbakit, nagrebelde kasi, sabi ng aming kapitbahay, sabay umiling-iling. Tinawag din akong rebelde ng mga magulang ko nang minsang magpahayag ako ng inis sa pangulo. Ayaw ko lang daw sumunod, ibang iba sa pagkabuntis o pag-uwi ng madaling araw-iyong hindi uwi ng isang dalaga.
Ang mga naturang kondisyon sa kasalukuyan ay, pag sinuway, tinatawag na rebelyon. Awtomatikong negatibo ang nosyon ng rebelyon at tiyak na tinututulan ng iba't ibang elemento na gulugod ng nakapangyayaring sistemang panlipunan.
Rebelyon ang pag-aasawa nang maaga dahil taliwas ito sa nararapat na tunguhin ng isang dalaga sa kasalukuyang sistema: makapagtapos ng pag-aaral, makapagtrabaho makapag-ipon, makapag-asawa at mamatay. Rebelyon ang pagtutol sa pamamalakad ng pamahalaan dahil dapat sumunod ang lahat para manatili sa kanilang mga posisyon ang nasa taas, gitna at baba.
Walang pinagkaiba ang mga panuntunan ng mga magulang sa bawat pamilya, guro sa bawat paaralan, gobyerno sa bawat bansa—lahat ay mahigpit na pinatutupad upang pangalagaan ang posisyon at katayuan. Ang iniiwasang harapin ng ganitong pagpapanatili ng uri at posisyon sa lipunan ay ang katunayang mayroong tunggalian.
Ang kagutuman sa hanay ng mga mahihirap ay ang mismong nagtutulak sa kanilang mag-aklas laban sa nagsasamantala. Natural ang rebelyon o iyong pagkamulat sa katotohanang may tunggalian ng uri, at ang pinalalaganap ng estado na nosyon ng rebelyon ay pumipigil dito. Kung kaya mas pinipili na lamang ng kapitbahay naming tumanggap ng mga donasyon mula sa mga institusyong kasangkapan ng estado, kaysa sumama sa mga rali.
Ang pagpapakete sa rebelyon bilang aktitud lamang at walang malinaw na tunguhin ay nakapangyayari dahil sa kawalan ng konkretong dahilan ng pagsasagawa nito at koneksyon sa malawak na hanay ng mamamayan. Kung kaya, ang rebelyong may tiyak na ninanais, makatarungan batay sa mga materyal na kondisyon at higit, may tinatanaw na alternatibong mundo, ay wasto.
Ang wasto sa kamalian*
Isa sa mga halimbawa ng rebelyong organisado ay ang Black Marxism na umusbong sa Europa at tumuturol sa pagiging radikal sa usapin ng lahi. Ang politika nito ay nakabatay sa pagsusuring makauri—kumikilala sa hindi pagkakapantay-pantay dahil sa mga uring panlipunan—mula sa Marxismo at kritikal sa karapatan ng kulay at lahi, lahat para sa tunguhing lumaya sa diskriminasyon hindi lamang sa kultural na aspeto.
Ito ang rebelyong kinakategorya sa terminong rebolusyon—rebelyong wasto pagkat hindi lamang tahasang nag-aalsa, bagkus minimithing baguhin ang sistema at mayroong malawak na saklaw. Gayunman, ang pamamaraan ng rebelyon ay hindi kumikilala sa uring nang-aapi sa kaniya—gagaod itong mag-isa at isasagawa o mamumuno sa sarili gamit ang pinaniniwalaang wastong sistema.
Kung kaya, ang rebelyon ay kadalasang inihahalintulad sa pag-aalsa. Sa kasaysayang Pilipino, nagkaroon ng maraming pag-aalsa sa mga rehiyon na bagaman may pagkilala sa mga uri, ay mas napangibabawan ng muhi. Isa ring halimbawa ay ang rebolusyong Pilipino noong 1896 na ang layon ay pagpapatalsik sa mga mananakop at walang tiyak na plano sa tunguhin matapos magtagumpay.
Kung gayon, ang rebelyon ay may tendensiya pa ring mapangibabawan ng damdamin at hindi maging taktikal sa minimithi. Kaya ang konsepto ng rebolusyon at rebelyon ay kahingian pagkat magkatambal: rebelyon para sa pagkakaroon ng alab at damdaming lumaya, rebolusyon para sa proseso at taktikal na pamamaraan sa pag-abot ng tunguhin.
Kahindik-hindik ang pagpaltik ng putik sa lantad kong binti nang magawi ako sa isang rali papuntang Mendiola. Malinaw na hindi sanay dahil medyo marungis—detalyeng maliit kumpara sa ipinaglalaban ng mga kahanay na magsasaka at manggagawa. Higit pa sa pagkabasa sa ulan, ang ibang karakter sa kwento ng pagkamulat noo'y kadalasang tungkol sa mga akto ng pambubusabos at sa mismong mga api. Halimbawa: ang "pasaway" na grupo ng manggagawa at ang katunayang kulang ang kanilang sahod ay inuunahan ng paratang na tamad lang sila.
Ang sanhi ng pagrerebelde ay lumalaya sa pagkakakahon kung isisiwalat sa bawat pahayagan at panawagan sa bawat lansangan. Ano pa mang dahilan ay mahalaga, hindi basta-basta ang pagsuway sa mga mapagsamantalang kapitalista, at higit hindi maaaring tapos ang usapan.
Wala na'ng pero-pero, dahil ang rebelyon ay handang magpaliwanag, manindigan at magmulat. Ang rebelyon ay hindi takot dahil taglay ng katapangan ang wastong hangarin at paglaya. ●
*Pasintabi sa Apo Hiking Society
Unang nailathala ang artikulong ito sa isyu ng Kulê noong ika–21 ng Setyembre 2018 gamit ang pamagat na “Etika ng Paglabag.”