Umusbong ang wika sa pangangailangan ng mga komunidad na magkaintindihan. Mula sa mga arbitraryong simbolo, naging saksi ang kasaysayan sa paglago nito at pagkakaroon ng malaking kapangyarihang magbabago sa lipunan.
Lumapit ang mga prayle sa mga katutubo gamit ang wika ng huli at itinuro ang pananampalatayang Katoliko bago tuluyang sakupin ang mga ito—ipinagkait sa Pilipino ang tunay na edukasyong nararapat nilang matamasa. Sa kabilang banda, sa pananakop ng mga Amerikano ay ipinalaganap ang Ingles upang itanim ang kanilang kultura at pahinain ang makabayang diwa ng mga Pilipino.
Wika ang nagbuklod sa mga Katipunero mula sa iba’t ibang rehiyon upang magrebolusyon laban sa Kastila. Gayundin, iginiit ang pagkakaroon ng pambansang wika sa gitna ng okupasyon ng Amerikano—patunay na ang wika ay instrumento sa paglaban.
Pag-alala
Bukod sa barya-baryang pag-alala sa pambansang wika isang buwan kada taon, sa ilalim ng CHED Memorandum Order (CMO) 20, tatanggalin na ang Filipino sa kurikulum ng kolehiyo. Ginawa na rin nitong opsyonal ang paggamit sa wika bilang midyum ng pagtuturo.
Maraming paaralan na ang gumagawa ng hakbangin upang pahinain ang wikang Filipino—mula sa pagmumulta sa mga estudyanteng gumagamit nito hanggang sa pagsulong sa Ingles bilang wika ng pag-unlad.
Pinatibay pa ito ng midya: Ang seryosong balita mula sa mga dyaryo ay nakalathala sa Ingles, habang ang Filipino ay iniuugnay sa tabloid. Ang midyang siyang nagkukumpas sa pampublikong opinyon at inaasahang tagapagtaguyod ng sariling wika ay nag-iisip at sumusulat sa Ingles.
Mas binibigyang halaga sa mga espasyo ang dayuhang lenggwahe kaya naman puspusan ang pamimilipit ng dila ng mga estudyanteng magsalita sa wikang hindi nila lubos na maintindihan, at hindi magpapaunlad ng sariling interes ng bansa.
Malaki ang gampanin ng edukasyon sa pagpapanatili ng lagay ng lipunan o sa pagbabago nito, kaya ang mga pamantasan ang unang pinatatamaan ng mga palisiyang mapanupil. Sa loob ng mga unibersidad gaya ng UP, binubuksan ang malaya at malalimang talakayan ng mga radikal na ideya, at kasabay nito ang pagiging sensitibo sa mga pangyayari sa labas ng silid-aralan. Sa kamalayang ito nag-uugat ang matapang na pagkilos ng mga kabataan para sa malawakang pagbabago.
Sa pagpasa ng CMO 20, pinipigilan ng CHED ang pagbuo sa kamalayan na ang paglinang sa wikang Filipino ay hakbang tungo sa ganap na liberasyon ng bansa. Pinanatiling atrasado ang sariling wika upang mangimi sa nananatiling dominanteng kultura ng Ingles, ng kanluran.
Paglimot
Madalas na katwiran sa pagtanggal ng Filipino sa kolehiyo ang duplikasyon ng pag-aaral nito mula elementarya at hayskul. Mas bigyan daw ng pansin ang Ingles dahil ito ang magbibigay ng mas maraming oportunidad sa pag-unlad.
Sumagot ang Tanggol Wika, alyansa ng mga propesor at mga organisasyong pangwika at pangkultura: Hindi pag-uulit, kundi pagpapalalim sa Filipino ang ginagawa sa kolehiyo. Higit ito sa pagiging asignatura o sa pagkakaroon nito ng lantay na gramatika, kundi tumutungo ito sa praktikal na paggamit ng wika sa iba’t ibang pag-aaral na tumutugon sa pangangailangan ng mamamayan
“Ang kabuluhan ng Filipino bilang disiplina ay hindi matatawaran sapagkat ito’y daluyan ng kasaysayan ng Pilipinas, salamin ng identidad ng Filipino, at susi ng kaalamang bayan,” ayon kay David Michael San Juan, tagapanguna ng Tanggol Wika, sa kanyang papel tungkol sa mahabang laban ng paglinang ng Filipino sa edukasyon. Ang pagkawala ng pag-aaral sa pambansang wika ay pagpapalabo sa hubog ng identidad bilang Pilipino—iyong pamumuhay na inuuna ang interes ng sariling bansa.
Sa patuloy na paglinang lubos na nagagamit ang wika bilang instrumento sa pagkakaroon ng malayang bansa. At sa pamantasan nangyayari ang proseso ng pagpapayaman nito; mula sa kalsada o pamilihan, tungo sa pagpapalalim at pag-angkop nito sa panahon. Nagagawa ito sa pamamagitan ng produksyon ng mga orihinal na akdang Filipino—mula sa malikhaing pagsulat hanggang sa mga akademikong papel. Hindi lang nito tinatampok ang wika, nagiging daluyan din ito upang maisakonteksto ang mga pag-aaral base sa lipunang Pilipino.
Habang ang Filipino ay nagpapayaman ng diskurso ng ordinaryong mamamayan at ng “pagbabagong panlipunan,” ginagamit ang dominanteng Ingles sa diskurso ng “pagpapanatili sa sistemang pinakikinabangan at pinangingibabawan lamang ng iilang dinastiya at korporasyon,” ani San Juan.
Hindi maitatanggi na ang paggamit ng Ingles ay nagbubunga ng panga-outcast, na madalas humahantong sa eksploytasyon sa mamamayang walang sapat na kaalaman sa lenggwahe. Halimbawa nito ang patuloy na panlilinlang sa mga manggagawa o magsasaka dahil sa mga kontratang hindi nila lubos na maintindihan.
Napipilitan silang iwan sa iilan ang diskurso at pagdedesisyon ukol sa mga bagay na makakaapekto sa araw-araw nilang pamumuhay. Ngunit magagawa nilang lumaban sa pagkakataong naintindihan na nila ang isyu gamit ang sariling wika.
Paglaban
Kung ang edukasyon ay gagamitin upang makapagsilbi sa mamamayan, inilalapit ng mga pag-aaral sa sariling wika ang kaalaman sa masa. Nagkakaroon ng kabuluhan ang mga suri dahil nakalapat ito sa kasalukuyang lagay ng lipunang Pilipino.
Hindi nananatili sa mga edukadong iilan ang kaalaman at nakakulong sa silid ng pamantasan. Kung paanong binibigay ng masa ang materyal na realidad sa bawat pag-aaral, gayundin nalilinang ng bawat pag-aaral ang buhay ng masa.
Isang halimbawa ng ugnayang ito ang mga welga o demonstrasyong nilalahukan hindi lamang ng mga manggagawa o magsasaka, kundi pati na rin ng mga estudyante at propesyunal. Mula noon, wikang Filipino na ang midyum na gamit dito—mula sa mga slogan, talumpati, hanggang sa mga educational discussion. Sa mga pangyayaring ito, nagsisimulang magamit ang wika bilang behikulo sa pagbabago.
Kaya hindi na nakakagulat ang tahasang pagkitil sa Filipino—dahil may mga hindi makakapayag na mabuwag ang status quo o ang patuloy na pagkakaalipin ng maraming Pilipino sa kamay ng makapangyarihang iilan.
Ang pangangailangan pang igiit ang sariling wika upang magamit o mapag-aralan sa mga pamantasan ay naglalantad ng kalunos-lunos na kalagayan ng bansa. Hindi nito sinasalamin ang kalidad na edukasyong ipinapangako ng K-12 o ng iba pang palisiya, higit lalo pa ang pagsasarili ng bansa.
Ngunit ito ang mismong dahilan ng pagpapatuloy ng matagalang laban. Kaakibat ng pagsulong ng sariling wika ay ang pagsulong ng malayang ekonomiya at politika mula sa dayuhan. Kaya patuloy ang paggiit sa Filipino, ang paghasa ng sandata, kasabay ng pagpanday ng pagbabago mula sa masa. ●
Unang inilimbag ang artikulo sa isyu ng Kulê noong Agosto 27, 2019.