Ni ALDRIN VILLEGAS
Tadtad ng anunsyo ang mga pader kung saan nagkukubli ang larawan ng mga nawawala: babae, lalaki, ina, ama, bata, matanda. Sa natitirang maliit na espasyo, pilit na sumisilip ang pagkakakilanlan ng mga nawala o “winala.” Marahil dahil sa katandaan, maaring may pinagdaraanan, sadyang naglayas, o malamang dinukot. Hindi tulad ng naglalakihang mga billboard, madalas na dinadaan-daanan lamang ang ganitong mga larawan ng taong hinahanap—xeroxed copy ng kanilang mga mukha, pangalan, tirahan, at numero ng kamag-anak.
Sa pakikipagbuno sa mabilis na usad ng buhay, lahat ay nawawala sa kani-kanilang mundo ng abala at problema. Lahat ay may hinahanap sa isang lipunang nililigaw at winawala ang mamamayan. Paano ba hahanapin ang sarili? Higit sa lahat, paano ba mahahanap ang mga nawawala kung ang mapaniil na gobyerno mismo ang sapilitang dumukot sa kanila?
Naglahong Hustisya
Kaiba sa mga larawang nakapaskil sa lansangan, ang mga anak nina Nanay Linda Cadapan at Nanay Connie Empeño ay kapwa biktima ng enforced disappearance o sapilitang pagkawala.
Madaling araw noong Hunyo 26, 2006, dinukot sina Sherlyn Cadapan at Karen Empeño sa Hagonoy, Bulacan ng mga miyembro ng 7th Infantry Division ng Armed Forces of the Philippines. Kapwa estudyante ng UP Diliman sina Sherlyn at Karen na nagsagawa ng fieldwork sa hanay ng mga magsasaka. Pinaghinalaan silang mga miyembro ng New People’s Army, kaya dinukot at tinortyur ng mga militar. Naging mukha sila ng mga naglaho, dinahas at winala ng administrasyong Gloria Macapagal-Arroyo sa pamamagitan ng Oplan Bantay-Laya (OBL), programa ng gobyerno upang tugisin ang mga rebolusyonaryong banta sa rehimeng Arroyo.
Halos isang dekada nang hinihintay at hinahanap nina Nanay Linda at Nanay Connie ang kanilang mga anak ngunit naging mailap ang hustisya. Lumipas ang 10 taon bago nahuli ang dating heneral na si Jovito Palparan, ang utak sa pagdukot kina Karen at Sherlyn at itinuturing na berdugo.
Bilang counterinsurgency program, naging lunsaran ang OBL ng red-tagging, sistematikong pandarahas, at pamamaslang. Nagpapatuloy ang ganitong sistema sa panunungkulan ni Pangulong Benigno Aquino III sa pamamagitan ng Oplan Bayanihan (OpBay).
Halos wala itong pinagkaiba sa 2009 US Counterinsurgency Guide na naglunsad ng “wars of intervention” sa Iraq, Afghanistan, at Sudan na lumikha lamang ng mas marami pang problema. Gumagamit ito ng psychological at military warfare, pagdukot, hamletting at pagpaslang sa mga aktibista at hinihinalang kaaway ng pamahalaan.
Ang OBL at OpBay ay dalawa lamang sa tinatawag ni Louis Althusser na repressive state apparatus—marahas na instrumento ng gobyerno at naghaharing-uri para kontrolin, maging pasista, at diktahan ang mamamayan at mga nagtatangkang lumaban.
Silang Nawawala
Nang matagpuan nila ang dahilan upang labanan ang marahas na estado ay saka sila naglaho—mga tinaguriang “desaparecidos,” salitang Espanyol na nangangahulugang “mga nawawala.” Kinilala ang salitang ito sa Argentina sa konteksto ng aktibong pakikibaka ng mga mamamayan laban sa diktadurang militar ni Jorge Rafael Videla mula 1974 hanggang 1983.
Pumasok sa hinagap at kulturang Pilipino ang konsepto ng desaparecidos noong dekada ‘70. Dahil sa Batas Militar, lumaganap ang karahasang pulitikal, tortyur, pamamaslang—mahigit 70,000 ang detinadong pulitikal, 34,000 ang tinortyur, mahigit 3,000 ang pinatay, at mahigit 800 ang desaparecidos sa tala ng Amnesty International, isang global human rights organization.
Makalipas ang halos kalahating siglo, nagpapatuloy ang karahasan sa administrasyong Aquino. Hindi nagsisinungaling ang mga datos: 238 extrajudicial killings, 110 kaso ng pagtortyur, 723 kaso ng iligal na pag-aresto— ilan lamang sa patung-patong na paglabag sa karapatang-pantao sa termino ni Aquino— ang naitala ng human rights group na Karapatan.
Sa Quezon City, nariyan ang guwardiyang si Rolly Panesa, inakusahang lider ng Communist Party of the Philippines, na ikinulong at tinortyur sa isang kampo sa Laguna. Noong 2012, sampung miyembro ng 87th Infantry Brigade ang dumukot kay Richard Oblino, isang magsasaka, at ang 16 na taong gulang niyang pamangkin na si Orlan.
Bagaman naipasa sa termino ni Aquino ang Anti-Enforced or Involuntary Disappearance Act of 2012, na kauna-unahan sa Asya, inabot ito ng 23 taon sa Kongreso bago maisabatas. Batay sa tala ng Karapatan, umaabot na sa 26 ang bilang ng desaparecidos sa loob ng kanyang panunungkulan.
Tinutukoy ng batas ang pagkakaiba ng mga desaparecidos sa ibang mga biktima ng krimen sa ilang pamantayan: pinagkaitan ng kalayaan, dinukot at itinago ang impormasyon ng kinaroroonan, at ang mismong estado, gobyerno o ang mga ahensiya nito ang may kasalanan.
Patuloy na Paghahanap
Wala mang katiyakan ang kanilang kinahantungan matapos ang mga taon ng paghahanap, hindi natutuldukan ang kanilang kwento sa kamalayan ng taumbayan.
Upang bigyang-diin ang lumalalang suliranin, niratipikahan ng United Nations ang International Convention for the Protection of All Persons from Enforced Disappearance at idineklara ang Agosto 30 bilang International Day of the Disappeared simula 2011. Bunsod nito, umalingawngaw sa iba’t ibang panig ng mundo ang laban ng mga pamilyang nangungulila dala ang larawan ng mga desaparecidos.
Ito ang pagkontra sa kultura ng pagkalimot at pagpapalimot. Taglay ng mga larawan ang kakayahang sinasabi ni Pierre Bourdieu na “solemnization and immortalization of an important area of collective life.” Ang nasa litrato at ang nakikita ng tagamasid ay hindi lamang indibidwal sa kapasidad nila, kundi ang papel na ginampanan nila sa lipunan—bilang asawa, ina, ama, kasama sa pakikibaka.
Ang mga papel na ito na lunan ng kwento ang nagluwal ng espasyo upang mailathala sa kamalayan ng publiko ang naratibo ng mga naulila ng desaparecidos.
Sa kolektibong aksyon hindi lamang ng pamilya ng mga biktima kundi maging ng sambayanan, ang impit na tunog sa gitna ng dagundong ng ligalig ay magagawang pangibabawan ang naghaharing karahasan. Ayon nga kay John Berger, ang mga demonstrasyong masa—ang kolektibong pagkilos—ay lumilikha ng sarili nitong “function, instead of forming in response to one,” bilang kagyat na pagbalikwas.
Dahil dito, pinangingibabawan ng kolektibo ang mismong sitwasyon na nagbuklod dito upang ipagpatuloy ang akdang nasimulan ng mga nasa larawan, isang pagtatagpo hindi ng pisikal na katawan kundi ng ideolohiya at panindigan ng naglaho at nangungulila—naghahanap.
Ito rin ang pinanghahawakang kapangyarihan nina Nanay Linda at Nanay Connie kasama ang iba pang pamilya ng mga biktima. Magpapatuloy ang mga kwentong tampok ang panimula ng mga indibidwal na “winala” ng estado—at sa proseso ng paghahanap, tumitibay ang paninindigan, naglalaho ang alinlangan, at natatagpuan ang sarili kasama ang marami upang lumaban para makamit ang hustisya. ●
Inilathala sa isyu ng Kulê noong ika-5 ng Setyembre 2015, gamit ang pamagat na “Paghahanap sa nawawala: Karahasan ng Estado, Kultura ng Pangwawala at ang Paghahanap sa mga Desaparecido.”