Ni JOHN FRANCIS LOSARIA
Lunes ng umaga. Sa pagitan ng mga bundok, maririnig ang hampas ng tubig ilog sa naglalakihang puting bato. Unti-unting maaaninag ang luntiang kakahuyan sa paghupa ng hamog at mga ulap.
Bitbit ang kamera, backpack at mga pangligo, maaga pa’y nilalakad na ng mga turista’t rock climber ang gilid ng bundok paakyat sa lumang dam. Sa tabing ilog nama’y nakahanda ang mga bangka at balsang limang piso kada tao ang bayad sa bawat pagtawid papunta sa kabilang bundok, kung saan maaaring umahon ang mga turista patungo sa mga talon.
Sa pag-akyat ng mga turista sa bundok, masasalubong nila ang mga magsasaka at manggagawang bukid na buhat-buhat ang sako-sakong mga saging na saba at uling. Ito ang araw ng kalakal sa Wawa Dam.
Pag-akyat
Madulas ang daang bato paakyat sa dam mula sa bungad ng komunidad. Naubos na ang mga harang at hawakang bakal sa gilid ng sementadong daan sa pisngi ng bundok dahil binabaklas umano ito at ipinagbibili ng mga taga-roon. Limang minutong lakad lang at makikita na ang rumaragasang tubig sa lumang dam.
Isa sa pinakatanyag na tanawin sa lalawigan ng Rizal ang dating Wawa Dam na matatagpuan sa Brgy. San Rafael sa munisipalidad ng Rodriguez (dating Montalban). Kilala ito sa alamat ni Bernardo Carpio na siya umanong naghiwalay sa mga kabundukan at nagbigay daan sa ilog na kasalukuyang dumadaloy doon.
Sa pagitan ng dalawang bundok ipinatayo ng mga Amerikano ang Wawa Dam noong 1909 na naging hulo ng tubig para sa mga kabahayan sa Maynila at Rizal. Ngunit dahil sa lumalang kalidad ng tubig, ipinasara din ito noong 1962. Ngayon, mga guho ng dam na lamang ang nakatayo doon.
Bagamat hindi na malinaw ang tubig na dumadaan dito ngayon, nilalanguyan pa rin ito kapwa ng mga residente na naninirahan sa paligid ng dam at ng mga dayo. Mapapansin din ang mga limestone rock formation sa gilid ng bundok at ilang kwebang pinupuntahan ng mga turista, kabilang na ang makasaysayang Pamitinan Cave na naging kuta noon ng mga Katipunero.
Sa biglang tingin, tila munting paraiso ang lugar, ngunit itinatago ng kagandahang ito ang atrasadong kalagayan ng mga komunidad sa paligid ng dam.
Paglubog
Bagaman nakatira malapit sa kumikitang tourist spot, nakatali pa rin ang buhay ng mga taga-rito sa lupa.
Kalakhan sa mga residente ng mga sitio sa paligid ng Wawa ay mga magsasaka at manggagawang bukid. Marami sa kanila ang kaapu-apuhan pa ng mga dayo sa Rizal noong 1960s na napilitang umalis sa kani-kanilang mga lalawigan dulot ng tag-gutom o di kaya’y dinala roon ng mga mga panginoong maylupa bilang caretakers ng lupa. May titulo mang binabayaran ang mga taga-Wawa, nananatili pa rin silang tenante sa mga lupaing kanilang tinatamnan.
Mula sa kanilang tahanan sa tabing-ilog, binabagtas ng mga taga-rito nang ilang oras ang kabundukan patungo sa mga lupang maaaring pagtaniman. Mabato ang lupa at walang sapat na irigasyon kung kaya iilan lamang sa kanila ang nakapagtatanim ng upland rice.
Mas madaling magtanim sa bundok ng mga gulay, kamoteng kahoy o mga prutas tulad ng avocado, santol, cacao, saging at pinya. Ipinagbibili nila ang mga prutas, habang pantawid-gutom naman sa pang-araw-araw ang mga gulay.
Ngunit dahil malayo ang taniman mula sa kanilang tirahan, kinakailangan ng mga magsasaka ng sapat na rekursong baon—pagkain, gaas, at iba pa—sa bundok sa buong panahon ng pagtatanim, pagdadamo, at pag-aani. Kung gayon, nauuwi sa pambayad ng mga inutang na rekurso ang maaani na dapat sana’y magsisilbing ginhawa para sa mga pamilya ng mga magsasaka.
Maliban sa pagtatanim, hanapbuhay din dito ang paggawa ng uling. Pumapatak sa P160-180 ang bawat sako ng uling na ipinagbibili sa baba ng bundok. Hanapbuhay na rin para sa ilan ang paghahakot ng mga bato mula sa ilog para sa mga dumarayong trak na nangongolekta ng panambak sa construction. Para makatulong sa pamilya, kasama ang maliliit na bata sa pagbubuhat ng mabibigat na bato para mapuno ang mga truck.
Ngunit dulot ng hirap ng hanapbuhay sa bundok, marami sa mga residente ang napipilitang magtrabaho sa sentro tulad ng sa construction, sa pabrika, o pagiging katulong sa mga kabahayan.
Pag-ahon at Pagsulong
Bagamat matagal nang nabubuhay sa pagsasaka ang komunidad sa paligid ng Wawa, hindi nawawala ang posibilidad na agawin ang kanilang lupang taniman. Ilang tipak ng lupa rito ang nakaambang kunin mula sa kanila para sa di umano’y pagde-develop ng isang exclusive subdivision.
Nakasalang din sa Korte Suprema ang ilang ektarya ng lupa sa paligid ng Wawa dahil pinag-aagawan ito ng pamilya ng yumaong panginoong maylupa at ng lokal na gobyerno.
Banta rin kung maituturing ang binabalak na mga programang panturismo sa lugar, kabilang na ang pagde-develop sa Pamitinan Cave. Kaakit-akit man ang maaaring pagkakitaan ng lokal na pamahalaan mula sa mga bibisitang turista, di malayong ibunsod nito ang pagpapaalis sa mga magsasakang naninirahan sa paligid.
Nananatiling kontradiksyon sa mga tanawing tulad ng Wawa Dam ang pagsulong ng turismo sa lugar kapalit ang pagsidhi ng pang-ekonomikong kalagayan ng mamamayang nabubuhay dito.
Dumagsa man o maging matumal ang pagdating ng mga turista sa Wawa, mananatiling mahirap ang buhay ng mga komunidad dito kung pababayaang magpapatuloy ang atrasadong pamamaraan ng pagtatanim at pagsasaka. Gayunpaman, katulad ng mga batong matibay na sumasalubong sa rumaragasang tubig-ilog, matibay din ang pagkakaisa ng mga residente at ng mga organisasyong pangmagsasaka na ipaglaban ang kanilang karapatan sa ganap na pagmamay-ari sa lupang kanilang nilinang. ●
Nailathala sa isyu ng Kulê noong ika–11 ng Setyembre 2009, gamit ang pamagat na “Kung saan nagtatagpo ang ilog at bundok: Tanawin at mithiin mula sa Wawa Dam.”