Binabalikan natin ang nakaraan upang magsilbing aral sa kasalukuyan.
Sa pagdeklara ni Sen. Ferdinand "Bongbong” Marcos ng kanyang kandidatura sa pagka-bise-presidente, tila lalong mabilis na rumaragasa pabalik ang alaala ng Batas Militar. Bagaman hindi pa naghihilom ang mga sugat na dala ng diktadurang Marcos, muli ay humaharap tayo sa isang halalan na maaaring magbalik sa isang Marcos sa Malacañang
Ayon kay Sen. Miriam Defensor Santiago, na katambal ni Marcos, hindi naman umano kailangang humingi ng tawad ng pamilya Marcos para sa Batas Militar. Ngunit hindi kapatawaran ang hinihiling ng sambayanang Pilipino kundi hustisya.
Apat na dekada man ang lumipas, hindi dapat kalimutan ang lagim ng diktadurang Marcos at ang panahong ginapos ang demokrasya ng bansa, ang panahong maging ang pagpapahayag ay sinikil. Sa ilalim ng Batas Militar, hindi bababa sa 30,000 ang naging biktima ng iligal na pagkakakulong, tortyur, pagdukot, at pagpatay.
At bakit kalilimutan ng sambayanan ang mga kalabisan ng rehimeng Marcos, kung taong 2025 pa mababayaran ng bansa ang P48 bilyong utang panlabas na iniwan nito? Hindi nararapat makalimot ng mga Pilipino—anumang porma ng panlilinlang at pagpapabango ni Sen. Marcos ay hindi makapagtatakip sa deka-dekadang diktadura.
Garapalan na maituturing ang pagtakbo ng mga Marcos na pangunahing sangkot sa isyu ng korapsyon at paglabag sa karapatang pantao. Ngunit ito ang higit na mahalagang tanong bakit nga ba nakakaya pa ng pamilyang ito na muling sumuong sa pambansang halalan at unti-unting bumalik sa poder?
Ang panunumbalik ng mga Marcos sa kapangyarihan ay sintomas ng isang sistemang elektoral na malalim na nakaugat sa political dynasties, isang sistemang sa pakiwari ay demokratiko ngunit sa huling suri’y kontrolado pa rin ng isang nasa kapangyarihan. Sa ilalim ng sistemang ito, hindi tunay na malaya ang sambayanan na pumili ng susunod na lider ng bansa. Bagkus, tayo'y binibigyan lamang ng listahang mga nasa kapangyarihan din ang lumikha. Sa ilalim ng ganitong sistema, ang pagbabago ay bukambibig lamang.
Resulta ng ganitong sistema ang pagkakaroon ng sunod-sunod na rehimeng sa halip na hawiin ang tabing ng Batas Militar, ay nagpatuloy at nagpasidhi pa nga sa paghihirap ng bayan.
Marahas ngang masasabi ang apat na dekadang pananalasa ng rehimeng Marcos, ngunit tila nais itong igpawan ng rehimeng Aquino. Pinatindi ang kaliwa't kanang karahasan sa mga Pilipino kung saan patuloy ang kahirapan, kalupitan at pananamantala sa bayan hindi na lamang ng mga nasa kapangyarihan kundi maging ang mga dayuhan.
Sa Mindanao, mahigit 12 libong Lumad na ang lumikas sa kanilang mga tahanan dahil sa lumalalang counter-insurgency program ng pamahalaan na pangunahing biktima ang mga kabataan sa mga paaralan at mga sibilyan. Kaugnay din nito ang walang habas na pananamantala ng mga negosyante na naglalaway sa malaking deposito ng mineral at yaman ng Mindanao.
Walang pinagkaiba ang administrasyong Aquino sa nagdaang rehimeng Marcos sa ilalim ng Batas Militar. Lantaran ang korapsyon sa porma ng Disbursement Acceleration Program at Priority Development Assistance Program. Prayoridad din ni Aquino ang kanyang mga kaalyado at crony sa programa niyang public-private partnership.
Ngayong darating na halalan, nagdagsaan ang mga kaanak ng mga pulitikong kilala bilang korap. Susunod umano sa yapak ng kanilang mga kaanak, susunod at ipagpapatuloy ang korupsyon, pananamantala at paglilingkod sa dayuhan. Higit sa paglahok at pagboto, ang hamon ngayon sa mamamayan na basagin ang ilusyon ng pagpili. Hamon sa ating hindi lamang alalahanin kundi isabuhay ang mga aral ng kasaysayan.
Balikan natin kung paanong naihugos ng sambayanan mula sa pwesto ang diktadurang Marcos. Balikan natin at isabuhay ang aral ng pagkakaisa't pagkilos. Sapagkat hindi lang pagpapalit ng nasa poder ang kailangan, kundi pagbabago ng sistema na pinamumunuan ng iilan.
Malaki ang gampanin ng eleksyon sa pagsasakatuparan ng mga adhikain ng pagbabago ngunit hindi ito ang pangunahing tuntungan dahil sa mamamayan laging nagmumula ang pagbabago. Kailangang pandayin ng sambayanan ang isang bagong pulitika, isang pulitikang hindi ilan ang nagdidikta, kundi isang pulitikang nakabatay at nakalaan sa pagkakamit ng mga kahilingan ng iba't ibang inaapi at pinagsasamantalahang uri sa lipunan.
Dahil higit sa pagpili, mamamayan ang nararapat magpanday ng kasaysayan. ●
Unang nailathala sa isyu ng Kulê noong ika-23 ng Oktubre 2015, gamit ang pamagat na “Sa Pagpanday sa Masa.”