Unang beses kong magpaiyak ng lalaki noong Grade 4, nang di gaya ng palaging nangyayari, siya naman ang inasar ko. Kababae kong tao, sabi ng guro, di ito ang asal ng babae; tahimik at malumanay lang dapat magsalita at kumilos, ‘di dapat nakikipagsabayan sa mga lalaki.
Ngunit bilang babaeng lumaki sa lungsod, nakilala ko ang sarili ko, ang mga babae, malayo sa sinabi ng aking guro. Malakas ang kanilang sigaw, walang takot harapin ang mga pulis, bitbit ang mga panawagan—dahil ito ang mundo kung saan di makukuha ng babae ang kanyang karapatan kung di lumalaban.
Nagbunga ang masigasig at matagalang pagmartsa ng mga babae mula sa iba’t ibang uri; naipanukala ang parusa sa pang-aabuso, nakamit ng mga manggagawa ang mas mahabang maternity leave at pagbabawal sa diskriminasyon sa trabaho.
Sa kabila nito, isa lamang sa tatlong may titulo sa lupa ang babae, at hirap pa rin silang makakuha ng trabahong agrikultural dahil mas pinipili ang mga lalaki. Kung makakuha man ng trabaho sa plantasyon, nilalagay sila kung saan masahol ang kondisyon at kakarampot ang sahod. Hindi pa rin pantay ang tingin sa mga kasarian, lalo sa rural.
Patuloy na nanunuot ang diskriminasyon dahil nananalaytay pa rin ang kulturang naglalagay sa babae sa ilalim ng lalaki—ang mababang posisyon ng babae sa trabaho ay sinasamantala upang siya’y abusuhin. Dahil sadlak sa kahirapan, tinutulak ng pangangailangan ang babaeng tiisin ang masahol na trato sa kanya.
Di tulad ng babaeng taga-urban na may kakayahang lumiban muna sa trabaho, walang ekstrang oras ang babaeng mula sa kanayunan para tumungo sa lungsod upang magprotesta. Katumbas kasi ng bawat oras na wala siya sa sakahan ay hapunang mawawala sa hapag. Kaya may kahirapang maabot ng mga tagumpay ng taga-urban ang nasa nayon, dahil bukod sa walang oras, napipilitan na lang din silang gawin ang trabaho upang mabuhay.
Ang pagkaapi ng kababaihan ay nangangahulugan ng kapangyarihan sa iba, kaya pinananatili ang ganitong lagay ng mga bagay. Upang tuluyang masira ang kalakarang ito, hindi lang reporma sa batas ang kinakailangan. Dahil higit pa sa pangangalaga ng pamilya at binhi, doble dagok ang nararanasan ng pesanteng babae—ang una’y kahirapang natatamasa ng uring magsasaka, at isa’y pagdurusa ng pagiging bahagi ng sektor ng kababaihan.
Noong nakaraang taon, isang babaeng magsasaka ang pinukpok sa ulo ng mga pribadong gwardiya habang sila ay nagbubungkalan sa Lupang Ramos. Ilang buwan matapos ang insidente, apat na babae sa siyam na magsasaka mula sa National Federation of Sugar Workers ang minasaker sa Hacienda Nene habang inookupa nila ito.
Kumpara sa ipinaglalaban ng mga babaeng taga-urban, mas malakas ang panawagan ng mga babaeng mula sa nayon para sa karapatan sa lupa at kapangyarihan sa pagkain. Hindi kasing aktibo ng mga babae sa lungsod ang mga taga-rural sa paglaban dahil bago niya harapin ang problema sa kasarian, kailangan niyang mabuhay. Bago maging babae, siya ay magsasakang tali sa kahirapan.
Lumalakas ang hanay ng mga magsasakang lumalaban, at hawak ng babae ang kalahati ng kalangitan. Dahil siya ang pinakaapi, siya ang unang lalaban. Sa kanya manggagaling ang magpapalaya sa mga kasarian na unang tumatagos sa kanyang ekonomiya, iyong ugat ng di pagkakapantay.
Saglit kong naramdamang pumantay ako sa kaklase ko, dahil bilang may-kaya sa buhay, ito ang laban noon para sa akin. Ngunit hindi natatapos ang laban ng babae sa pansamantala niyang kakayahang gawin ang nagagawa ng lalaki. Dahil sa huli, may inaapi pa ring babae dahil sa kanyang estado–bilang magsasakang inaagawan ng lupa, manggagawang nakararanas ng abuso mula sa may-ari ng kompanya.
Ang paglaya sa kanilang kahirapan ang unang hakbang, at sila ang magtataguyod sa paglaya ng kababaihan mula sa iba pang sektor. ●
Unang nailathala sa Kulê noong Oktubre 21, 2019.